Monday, December 1, 2008

Editoryal, Pag-usapan Po Natin Magazine, Dec 2008 Issue



Sabi ng mga matanda, “kapag nakakita ka ng buwan na pataob o nakaturo sa lupa ang mukha, ito’y magdadala ng swerte o magandang pasok ng taon, kung ito nama’y pasalok, ito’y nagbabadya ng matinding kahirapan, gyera at salot.” Halos mag-isang linggo nating nasaksihan ang ngumiting buwan, ang dalawang mata ay kumakatawan sa Venus at Jupiter. Marami ang nagsasabi na kaya nangiti ang buwan ay dahil katawa-tawa na ang mga nangyayari sa mundo ngayon, lalong–lalo na sa ating bansa. Kung noong araw ang “joke-joke” ay nakakatawa, ngayon ang “joc-joc” ay nakaka-inis! Kung noong araw ang cha-cha ay may dalang sayaw, ngayon ang “cha-cha” ay may dalang protesta. Kung noon ang melamine ay gamit kapag kumakain, ngayon melamine na ang kinakain. Noon kapag merong diarhea ay dinadala sa doctor, ngayon sa Japan na. Mahirap na talaga espelingin ang m-u-n-d-o ngayon.

Ngunit bakit noong huling laban ni Pacquiao kay dela Hoya, ay tila nakalimutan natin ang mga iyan? Bakit ang lahat ay natutuwa at nagdiwang sa kanyang pagka-panalo? Dahil kaya sa may isang pinoy na kumakatawan sa adhikain ng isang tagumpay? Isang kabayan na may katangian ng isang mandirigmang lumalaban, kahit karamihan ay nagsasabing walang pag-asa?

Marami ang nagdududa sa kakayahan ni Pacman sa laban nitong huli. Kahit sa pustahan, mas pabor sila kay Golden Boy. Ang dahilan - nawalan ng tiwala ang marami sa sariling atin. Hindi pa nila lubos na kilala ang batang GenSan, kaya pala ngumiti na lang ang buwan. Kailangan ng konting repaso kung sino ba talaga si Pacman, ang ‘Pambansang kamao,” at ano ang dala niyang kabutihan para sa ating bayan. Marami ang nagsasabi na si Pacman ay hindi lang pam-pamilya o pang esports pa, kondi pang-pulitika na! Totoo man o hindi, yan ang pag-uusapan natin.

Saturday, November 1, 2008

Editoryal, Pag-usapan Po Natin Magazine, Nov 2008 Issue




Pinuri at binati ng mga lider sa Pilipinas ang makasaysayang panalo ni Senador Barack Obama bilang unang “African-American” na pangulo ng Estados Unidos. Agad nagparating ng pagbati si Pangulong Arroyo kay Obama sa pagsasabing ang kanyang panalo ay pagmumulan ng “pag-asa at inspirasyon”, hindi lang ng mga Amerikano kundi sa lahat ng tao sa mundo. Sinubukan ni Pangulong Arroyo na tawagan sa telepono si Obama upang personal nitong batiin subalit hindi niya ito nakausap. Sinabi ni Pangulong Arroyo na umaasa siya na lalong tatatag ang diplomatikong relasyon ng Pilipinas at Amerika sa panalo ni Obama bilang ika-44 na pangulo ng US.

Bagong pangulo, panibagong yugto sa kasaysayn ng US. Binansagang “president for modern times”, ano kaya ang dala niya para sa lahat? Kung isipin natin, libo-libong mga Filipino ang nasa Amerika ngayon, ano ang kanilang magiging buhay sa administrasyong Obama? Pangako at mga panagko at puro mga pangako lang kaya? Siya ang unang itim na pangulo, simula na kaya ito upang ang White House ay magiging Black House?

SA KABILANG DAKO, dumating na tayo sa isang panahon kung saan ang mga kabataan ay naging mas magulo at desperado sa kanilang mga sarili. Walang ibang paraan upang makaalis sa relialidad ng buhay liban sa isang portable mp3 player at makinig ng musika. Nagiging emosyonal sila sa mga sandaling sila’y nakikinig sa mga malungkot na tugtog, at dito ipinanganak ang EMO, mula sa salitang ‘emosyonal’. Pabor ka man o hindi, ngunit maaaring isa sa iyong mga mahal sa buhay; anak, kapatid, pamangkin, ay namumuhay na ngayon bilang ‘emo kid.’ Ano ang maidudulot nito sa kanilang kinabukasan? Papano natin masakyan ang kanilang mga istelo at mga prinsipyo sa buhay?

Bagong pangulo ng amerika. Bagong istelo ng buhay sa mga kabataan. Alin man sa dalawa ang tatangkilkin ng mga tao, tiyak apektado nito ang buong mundo. Pag-sapan po natin.

Ullessis Ahmad Yusuf Abaya, Sr.

Wednesday, October 1, 2008

Editoryal, Pag-usapan Po Natin Magazine, Oct 2008 Issue



May kasabihang mas lumikha ng ingay ang isang lata na walang laman. Totoo ito. Maraming kababayan natin ang hanggang ingay na lang, puro puna at wala namang maibigay na mas magandang idea. Subukan mong maghain ng isang opinion o paniniwala, uulanin ka ng mga batikos at mga komentaryo. May dalawang uri lamang ng tao dito sa mundo, ang may alam at ang wala. Dahil mas marami ang walang alam kaya siguro maingay ang mundo ngayon.

Tutol sa mga pagbabago, ito ang madalas nating mapansin sa ating mga sarili. Karamihan sa atin ay hindi hilig na subukan ang mga makabagong-likha. Pakiramdam natin mas ligtas tayo sa pamilyar na pamamaraan at ang bago sa tingin natin ay maaaring maging mapanganib. Ito ay hindi lamang sa mga pamamaraan ng trabaho ngunit maging sa mga pagkain, mga ideya, mga damit, mga libangan, at maging sa pulitika. Tulad ng “charter change o cha cha”.

Ang unang pagtatangka ng “charter change” sa ating Saligang Batas ay sa ilalim ng dating pangulong Fidel V. Ramos. Sa hanay ng mga iminungkahing pagbabago kasama ang paghahalili sa isang parlyamentaryong sistema. Marami ang tumututol dito. Nagkaroon ng isang “rally” sa Rizal Park. Tinatayang kalahating milyon ka-tao ang dumalo. Sa ilalim ni dating pangulong Joseph Estrada, nagkaroon ng isang katulad na pagtatangkang baguhin ang saligang-batas. Ang prosesong ito ay may katagang CONCORD o Constitutional Correction for Development. Tulad ng kanyang hinalinhan, ang administratibong Estrada ay inakusahang nagtutulak ng “charter change” para sa kani-kanilang mga sariling interes. Sa ilalim ni Pangulong Arroyo, ito ay itinuturing bilang isang mataas na prority. Hanggang ngayon ay di pa rin tapos ang mga balitaktakan at mga debate.

Tulad ng binanggit ni kabayang Ivan Quiwa, “ang charter change ay hindi solusyon sa lahat ng problema ng bansa… sa usaping politika at ekonomiya, walang "isang sagot". ..Lahat ng panukalang pampulitika at ekonomiya ay may kabutihan at mayroon ding kabayaran na kapalit….bawat benepisyo…may katumbas itong sakripisyo…tulad rin nito ang mga pagbabago sa "exchange rates". Kapag lumalakas ang piso, masaya ang mga importers …subalit apektado ang mga exporters. Apektado din ang mga OFWs dahil bumababa ang halaga ng dolyar…ang “charter change” ay marahil may maidudulot na kabutihan sa ating bansa, subalit ito ay may katumbas na kabayaran. Ganun din kung walang “charter change” na mangyayari.”

Sa demokrasya lahat ng opinion ay mahalaga. Uulan man ng mga batikos at mga komentaryo, sana naman ito’y galing sa mga taong may alam at hindi sa mga taong gumagawa lamang ng ingay, tulad ng isang lata na walang laman.

Ullessis Ahmad Yusuf Abaya

Monday, September 1, 2008

Editoryal, Pag-usapan Po Natin Magazine, Sep 2008 Issue



Ramadan Mubarak! Para sa lahat ng mga Pinoy sa buong Kuwait, lalong-lalo na sa ating mga kababayang mga Muslim. Nawa’y ang ating mga sakripisyo sa buong buwan na ito ay tatanggapin ng ating Maykapal. Paalala lang po sa mga hindi mag-aayuno na huwag po kayong basta-basta na lamang gumawa ng mga bagay na di kanais-nais at makakatawag pansin sa mga nag-aayuno. Respetohin natin ang ating kapwa sa pamamagitan ng pagbigay galang sa mga karapatan na hinihingi ng bawat isa. Alalahanin po natin lagi na tayo ay nasa bansang Kuwait kung saan umiiral ang mga batas Islamiko. Hindi po mapawalang-bisa ang mga batas dahil sa kawalan ng kaalaman ng indibiduwal.

Simula sa September 2008 isyu, bibigyan natin ng pagkakataong maipahayag ang boses ng magkakaibang kalipunan ng ating lahi. Sisimulan natin sa panig ng mga Ilokano, mga Moro, at mga Bisaya. Ibat-ibang kwento at mga paksang higit nating hangaan kapag mas marami ang magpahayag ng kani-kanilang panig. Subaybayan ang inyong sariling kultura at basahin sa inyong sariling wika.

Patuloy nating matunghayan ang pangatlong serye ng Relihiyon at Kultura kung saan tinatalakay ang Iglesia Filipina Independiente. Ang talambuhay ni Padre Aglipay ay makapagbibigay sa atin ng isang malawak na kaalaman tungkol sa kasaysayan ng isang lipunang umangat mula sa pakikipaglaban sa mga kastila.

Sa pagkakataong ito nais ko pong humingi ng paumanhin sa nakaraang August 2008 issue. Isang malaking kamalian sa pagkakaayos ang nangyari at sana’y hinding-hindi na ito mauulit pang muli, Insha Allah. Tuluyan na sanang maibasura ang lahat ng 10,000 copies ng August issue, gayon pa man, tulad ng isinusulong natin lagi, ang lahat ng bagay na di mapagkasunduan ay makukuha sa pag-uusap kaya napag-usapan din kung ano nga ba ang dapat gawin. Paumanhin lang po, at kung meron man kayong ibig iparating sa amin, ang inyong mga puna ay maaari po ninyong i-post sa pagusapanponatin.blogspot.com.

Ullessis Ahmad Yusuf Abaya

Monday, August 4, 2008

Haram at Halal sa Islam



Ang kabatiran sa Halal at Haram ay hindi na lingid sa kaalaman ng tao, noon pa mang sinaunang panahon.

Ganyunpaman ang tao ay nagkaroon ng iba’t-ibang pakahulugan tungkol sa lawak, uri at dahilan ng pagbabawal. Karamihan dito ay bunga ng sinaunang paniniwala, pamahiin at kathang-isip.

Sa ganitong kalagayan ay dumating ang banal na kapayahagang pananampalataya, taglay ang batas at pag-uutos na may kinalaman sa Halal at Haram, upang maitaas ang antas ng sangkatauhan mula sa mga maling paniniwalang kinagisngan tungo sa kagalang-galang na kalalagayan na angkop sa pananatili ng tao.

Ganoon pa man, sa mga naunang kapahayagan (bago ang Islam) ay may mga umiiral na pagbabawal at mga kapahintulutan na pansamantalang isinabatas ayon sa kalalagayan at kapaligiran ng tao.

Sunday, August 3, 2008

May mga Haram noon, Halal na ngayon



Ipinagbawal ng Allah ang ilang mabubuting bagay sa mga Israelitas bilang kaparusahan sa kanilang pagiging suwail. Pagkatapos noon ay sinabi nang Propeta Hesus (as) sa mga tao na:

“Ako ay ipinadala upang magpatotoo sa kapahayagang nauna sa akin (Taurat) at gawing makatarungan sa inyo ang ilang bagay na ipinagbawal sa inyo.” [Surah Al Imran 3:50]

At nang marating na ng sangkatauhan ang antas ng kaganapan ng talino, at handa ng tumanggap ng huling kapahayagan mula sa Allah – dumating ang Islam na taglay ang kabuuan, kalawakan at walang hanggang batas (Shari’ah) para sa buong sangkatauhan. At alinsunod sa bagay na ito, matapos maipahayag ng Allah ang pagbabawal sa mga pagkaing di-kanais-nais – sinabi ng Allah:

“Sa araw na ito ay aking ginawang ganap ang inyong relihiyon, at nilubos ang tulong sa inyo, at pinili ang Islam na inyong maging relihiyon.” [Surah Al Maidah 5:3]

Saturday, August 2, 2008

Mga panuntunan hinggil sa Halal at Haram



1. Ang hindi mapag-aalinlangang pinagmulan o pinagkunan (Qur’an o Sunnah) ay batayan sa pagpapahintulot sa mga bagay.

2. Ang pagpapahintulot at pagbabawal ay tanging karapatan lamang ng Allah.

3. Ang pagbabawal sa Halal at pagapapahintulot sa Haram, ay katulad ng pagsasagawa ng Shirk.

4. Ang pagbabawal sa mga bagay ay dahilan sa karumihan at kapinsalaan.

5. Ang Halal ay sapat na; at ang Haram ay kalabisan.

6. Anumang bagay na magbibigay daan sa Haram ay maituturing na Haram.

7. Ipinagbabawal ang maling pagsasalarawan sa Haram upang mapalabas na Halal.

8. Ang mabuting layunin ay hindi dahilan upang matanggap ang Haram.

9. Ang mga bagay na nakapagdududa ay dapat iwasan.

10. Ang Haram ay ipinagbabwal sa kanino pa man.

11. Ang mahigpit na pangangailangan ay nagbibigay pahintulot sa pagsasagawa ng Haram.

Friday, August 1, 2008

Editoryal, Pag-usapan Po Natin! Magazine, August 2008 Issue



Habang nasa kasagsagan ng kainitan ang buong Kuwait ay ganon din ang pagtanggap ng Pinoy communities sa ating Pag-usapan Po Natin! Filipino Magazine. Maraming salamat po sa inyong mga tawag, mga text messages, mga emails at mga sulat. Hindi po namin sukat akalain na ganon kainit ang inyong response sa ating unang isyu. Alam po namin na marami pang dapat e-improve ang ating magazine, at makakaasa po kayo na gagawin namin ang lahat ng aming makakaya upang matugunan ang inyong mga kahilingan.

Samantala, sa buwan ng Agosto ay makulay na ginaganap sa buong bansang Pilipinas ang pagdiriwang ng “Buwan ng Wika”. Ano ba talaga ang pambansang wika, at ano ang kahalagahan nito sa ating makabagong panahon? Ang wika ay “nagbubuklod sa mamamayan at kasangkapan sa pag-unlad ng bansa.” Ito ay ginagamit ng tao tungo sa “pakipag-uunawaan sa loob ng isang pamayanan o bansa.” Papano natin mai-uugnay ang bawat isa, mula Apari hanggang Jolo, kung walang mapagkakaisahang wika? Kung salitang banyaga naman ang gagamitin, papano pa mapanatili ang sariling atin kung unti-unti ito kinakalimutan? Napakalaki ang papel na ginagampanan ng Filipino sa pambansang kaunlaran, kung kaya tumulong tayo sa paglinang at pagpapalaganap nito. Magagawa natin ito sa pagiging mapagpaubaya sa isa’t isa. Iwasan natin ang pagkakaroon ng pagkahati-hati at pagkakanya-kanya. Huwag nating kaligtaan na tayo ay iisa at dapat magkaisa sa lahat ng bagay, lalo na sa panahong ito. Kung di man ito marating agad-agad, mas mainam kung ito ay sisimulan sa ating mga sarili. Ang pagkakaroon ng ‘Buwan ng Wika’ ay isa sa maraming paraan upang bigyang daan ang pagkakaunawaan.

Patuloy pa rin po ang ating seryeng Relihiyon at Kultura, kung saan ang layunin ay magkaroon ng mas malawak na impormasyon tungkol sa iba’t-ibang lipunan, mga kaugalian at mga aspitong pang-relihiyon tungo sa pagkakaunawaan at respito sa isat-isa. Sa isyung ito ating matutunghayan ang tungkol sa Iglesia Ni Cristo.

Muli po naming kayong inaanyayahan na sumulat ng mga akda para sa ating monthly magazine. Wala po kayong dapat na alalahanin. Ang magasing ito ay para sa atin na mga Pinoy OFWs. Ang pinag-uusapan dito ay tungkol sa ating lahi at kultura, at mga karanasan habang nandirito tayo sa bansang Kuwait. Huwag nyo nang alalahanin pa ang mga grammar at mga spelling. As long as mabasa ito at maunawaan ng nagbabasa, sapat na upang mabahagian nyo kami ng anumang mayroon kang nalalaman. Kaya magpadala na at makipagtulungan.

Tuesday, July 1, 2008

Editoryal, Pag-usapan Po Natin! Magazine, July 2008 Issue



Isa na namang taon ang nakalipas para sa KPCCenter. Halos di na naming namalayan ang paglipas ng panahon, at kami ay nagagalak at muli nating narating ang panibagong taon mula noong opisyal na binuksan ang pintuan ng center na ito.

Sadyang mahirap simulan ang mga bagay-bagay lalo na kung iilan lang kayo na gagawa nito at napakalaki ang proyekto. Noong nag-simulang tumanggap ng mga panauhin ang ating center, halong saya at lungkot ang nadarama ng karamihan habang napapansin ang mga kakulangan at mga dapat gawin. Sadyang sinusubukan ang kakayahan ng bawat isa, at maraming pagkakataong napatunayan na tanging pananalig sa Pinakamahabaging Diyos ang nagpapatibay ng aming mga kalooban.

Maraming pumupuri ngunit mas marami ang pumupuna. Mula sa lahat ng panig, nakita namin ang ibat-ibang anyo ng paninira. Ngunit sa kabilang dako, may iilang individual na nagbibigay ng pag-asa; pinagtitibay ang aming mga sarili; mga taong punong-puno ng paniniwala na malayo ang mararating ng center na ito alang-alang sa kapakanan ng bawat isa, lalo na sa pamayanang Pilipino at mga Moro dito sa Kuwait.

Di lingid sa lahat ang pagsisikap ng bawat isa sa amin dito upang maitaguyod ang mga layunin ng KPCCenter. Nangunguna na dito ang aming Executive Director, na kung saan ang bawat isa sa amin ay sa kanya kumukuha ng lakas, pagtitiwala, at pag-asa. Naging bantog sa amin ang mga katagang “kung di kayang tumakbo, lumakad tayo, at kung di kayang lumakad, gumapang tayo, ngunit sikapin nating nananatiling gumagalaw.” Dalawang taon na at napapatunayan naming tumatakbo pa rin kaming lahat.

Sa pagkakataong ito, sa pamamagitan ng ating Pagusapan po natin… monthly magazine, nais po naming pasasalamatan ang lahat ng mga taong naging bahagi na ng ating center. Sa mga taong sa umpisa pa lamang ay wala ng tiwala sa KPCCenter na tatagal ng iilang buwan lamang, nagpapasalamat din po kami sa inyo at natotonan namin ang maging maingat sa bawat galaw na aming gagawin. Ang inyong mga puna at mga kritiks ang siyang naging gabay sa aming pag-iwas tungo sa kapahamakan, at dahilang marami sa panig ninyo ang nagkaroon na ngayon ng titiwala sa ating center. Oo, dalawang taon pa lang ang nakalipas, at maraming pang maaaring maganap at mangyayari. Ngunit kung tayong lahat ay magtutulongtulongan, maraming MABUBUTING magaganap at MAGAGANDANG mangyayari sa ating pagkakaisa. At sa mga bagay na tayo ay magkaiba, pag-usapan po natin kung papano natin ito mapagkasunduan.

Mabuhay KPCCenter! Sa pamamagitan mo, kami ay nagkakakilakilala.