Wednesday, October 1, 2008

Editoryal, Pag-usapan Po Natin Magazine, Oct 2008 Issue



May kasabihang mas lumikha ng ingay ang isang lata na walang laman. Totoo ito. Maraming kababayan natin ang hanggang ingay na lang, puro puna at wala namang maibigay na mas magandang idea. Subukan mong maghain ng isang opinion o paniniwala, uulanin ka ng mga batikos at mga komentaryo. May dalawang uri lamang ng tao dito sa mundo, ang may alam at ang wala. Dahil mas marami ang walang alam kaya siguro maingay ang mundo ngayon.

Tutol sa mga pagbabago, ito ang madalas nating mapansin sa ating mga sarili. Karamihan sa atin ay hindi hilig na subukan ang mga makabagong-likha. Pakiramdam natin mas ligtas tayo sa pamilyar na pamamaraan at ang bago sa tingin natin ay maaaring maging mapanganib. Ito ay hindi lamang sa mga pamamaraan ng trabaho ngunit maging sa mga pagkain, mga ideya, mga damit, mga libangan, at maging sa pulitika. Tulad ng “charter change o cha cha”.

Ang unang pagtatangka ng “charter change” sa ating Saligang Batas ay sa ilalim ng dating pangulong Fidel V. Ramos. Sa hanay ng mga iminungkahing pagbabago kasama ang paghahalili sa isang parlyamentaryong sistema. Marami ang tumututol dito. Nagkaroon ng isang “rally” sa Rizal Park. Tinatayang kalahating milyon ka-tao ang dumalo. Sa ilalim ni dating pangulong Joseph Estrada, nagkaroon ng isang katulad na pagtatangkang baguhin ang saligang-batas. Ang prosesong ito ay may katagang CONCORD o Constitutional Correction for Development. Tulad ng kanyang hinalinhan, ang administratibong Estrada ay inakusahang nagtutulak ng “charter change” para sa kani-kanilang mga sariling interes. Sa ilalim ni Pangulong Arroyo, ito ay itinuturing bilang isang mataas na prority. Hanggang ngayon ay di pa rin tapos ang mga balitaktakan at mga debate.

Tulad ng binanggit ni kabayang Ivan Quiwa, “ang charter change ay hindi solusyon sa lahat ng problema ng bansa… sa usaping politika at ekonomiya, walang "isang sagot". ..Lahat ng panukalang pampulitika at ekonomiya ay may kabutihan at mayroon ding kabayaran na kapalit….bawat benepisyo…may katumbas itong sakripisyo…tulad rin nito ang mga pagbabago sa "exchange rates". Kapag lumalakas ang piso, masaya ang mga importers …subalit apektado ang mga exporters. Apektado din ang mga OFWs dahil bumababa ang halaga ng dolyar…ang “charter change” ay marahil may maidudulot na kabutihan sa ating bansa, subalit ito ay may katumbas na kabayaran. Ganun din kung walang “charter change” na mangyayari.”

Sa demokrasya lahat ng opinion ay mahalaga. Uulan man ng mga batikos at mga komentaryo, sana naman ito’y galing sa mga taong may alam at hindi sa mga taong gumagawa lamang ng ingay, tulad ng isang lata na walang laman.

Ullessis Ahmad Yusuf Abaya