Monday, December 1, 2008

Editoryal, Pag-usapan Po Natin Magazine, Dec 2008 Issue



Sabi ng mga matanda, “kapag nakakita ka ng buwan na pataob o nakaturo sa lupa ang mukha, ito’y magdadala ng swerte o magandang pasok ng taon, kung ito nama’y pasalok, ito’y nagbabadya ng matinding kahirapan, gyera at salot.” Halos mag-isang linggo nating nasaksihan ang ngumiting buwan, ang dalawang mata ay kumakatawan sa Venus at Jupiter. Marami ang nagsasabi na kaya nangiti ang buwan ay dahil katawa-tawa na ang mga nangyayari sa mundo ngayon, lalong–lalo na sa ating bansa. Kung noong araw ang “joke-joke” ay nakakatawa, ngayon ang “joc-joc” ay nakaka-inis! Kung noong araw ang cha-cha ay may dalang sayaw, ngayon ang “cha-cha” ay may dalang protesta. Kung noon ang melamine ay gamit kapag kumakain, ngayon melamine na ang kinakain. Noon kapag merong diarhea ay dinadala sa doctor, ngayon sa Japan na. Mahirap na talaga espelingin ang m-u-n-d-o ngayon.

Ngunit bakit noong huling laban ni Pacquiao kay dela Hoya, ay tila nakalimutan natin ang mga iyan? Bakit ang lahat ay natutuwa at nagdiwang sa kanyang pagka-panalo? Dahil kaya sa may isang pinoy na kumakatawan sa adhikain ng isang tagumpay? Isang kabayan na may katangian ng isang mandirigmang lumalaban, kahit karamihan ay nagsasabing walang pag-asa?

Marami ang nagdududa sa kakayahan ni Pacman sa laban nitong huli. Kahit sa pustahan, mas pabor sila kay Golden Boy. Ang dahilan - nawalan ng tiwala ang marami sa sariling atin. Hindi pa nila lubos na kilala ang batang GenSan, kaya pala ngumiti na lang ang buwan. Kailangan ng konting repaso kung sino ba talaga si Pacman, ang ‘Pambansang kamao,” at ano ang dala niyang kabutihan para sa ating bayan. Marami ang nagsasabi na si Pacman ay hindi lang pam-pamilya o pang esports pa, kondi pang-pulitika na! Totoo man o hindi, yan ang pag-uusapan natin.