Tuesday, October 20, 2009

TFM Radio Kuwait, online na!!!!!


At last, ang matagal nating hinihintay ay nandito na, yes, mga bro and sis, nagsimula nang mag-test broadcast ang TFM-radio dito sa Kuwait. Hindi ko na habaan pa ang balita, kayo na ang bahalang maki-chikka, visit na sa http://www.tfm-radio.com
at simulan na ang mag-emote (mag-reminisce) sa inyong mga nakaraan. Sabi nga, music is the soundtract of our lives, kaya go mga kabayan, ikalat nyo sa buong mundo. Mabuhay ang tfm-radio.

Saturday, October 3, 2009

Mga Antas ng Hangarin


Nadiskubre ng mga may-alam na mayroong limang uri ng mga hangarin na nasa ating loob, na naisaayos sa pagkakasunod ng katindihan at kompleksidad, ayon sa mga antas ng kanilang pagsisibol.

Ang una at pinakabatayan, ay ang hangarin ng pagkain, kalusugan, seks, at pamilya. Ito ay kinakailangan para sa ating pamamalagi. Ang pangangailangan ng pagkain at seks ay inihayag na mga hangaring pangkatawan, at ito ay hangarin din ng mga hayop. Kahit ang tao ay nabuhay na mag-isa sa isang napakalayong isla, siya ay nangangailangan pa rin ng pagkain, kalusugan, at pagbigyang kasiyahan ang kanyang pangangailangang sekswal.

Ang pangalawa ay ang hangarin para sa kayamanan. Tayo ay nag-isip na ang pera ay makagarantiya upang tayo ay mananatiling nasa mabuting klase ng buhay. Ang pangatlo ay ang kagustuhan ng karangalan at lakas. Gusto nating kontrolin ang iba pati na rin ang ating mga sarili. Sa pang-apat na antas, ang hangarin ng karunungan. Iniisip natin na ang magkaroon ng karunungan ay makapagbigay sa atin ng kaligayahan. Ang kayamanan, karangalan, at lakas, ay tinatawag na mga hangaring makatao. Ang mga ito ay tumubo sa atin na kabahagi sa ating pakikihalubilo sa lipunang makatao, at binigyan natin ito ng kasiyahan sa pamamagitan ng ating pakikiugnayan sa ibang mga tao.

Ang panlimang antas, ay ang hangaring pang-ispirituwal. Dito naintindihan natin na mayroong mga bagay na mas mataas pa sa ating pananaw na siyang namahala sa ating mga buhay. Naunawaan din natin na sa mga bagay na ito tayo ay dapat makiugnay. Nang ang panlimang hangarin ay nagising, wala tayong alam kung paano ito pagbigyan ng katuparan. Ang hangaring ito ay tinawag na “tuldok sa puso,” kung saan ang layunin ay ang mas mataas pa sa kasalukuyang mundo na ating ginagalawan. Dito sa panghuling antas matutunghayan ng bawat isa ang nakawi-wiling estado ng pag-iral. Sapagkat habang umuusad ang antas ng ating pang-unawa, matutunghayan natin ang walang kataposang hangarin na marating ang susunod pang mas mataas pang antas ng pag-iral. Habang tayo ay nasa ganitong estado ng pamumuhay, ating mararanasan ang isang uri ng pamumuhay na puno ng walang katumbas na kaligayahan. Isang uri ng pag-iral na tanging ang nakakalam lamang nito ay yaong mga taong nakarating na sa antas na ito. May mga taong nakarating na sa panlimang antas. (uaya101@gmail.com)

Friday, October 2, 2009

Ang Kasiyahan


Lahat tayo ay gustong sumaya o tumanggap ng kasiyahan. Para sa isang tao, ang kasiyahan ay ang mga masasarap na pagkain, para sa iba, ang manalo sa larong chess, o ang pagkapanalo ng kanyang paboritong sport team. Nangarap ka minsan na sana ay manalo ng milyon-milyon sa lotto, samantalang ang iyong kaibigan ay masaya na kapag mabawasan man lamang ng konti ang kanyang timbang. Iba’t-ibang katayuan ng buhay, iba’t-ibang uri ng kaligayahan.

Mayroon lamang isang problema sa paksang “kasiyahan.“ Kung talagang usisahin natin ang ating mga buhay, ating madiskubre na walang ibang maiwan sa lahat ng mga bagay na ating ginawa at nakamtan maliban sa alaala. Tayo ay naghahabol ng mga kasiyahang dumadaan sa ating landas, subalit sa sandaling matamo na natin, ang mga ito ay naglalaho na parang bula.

Nang tayo ay nasa kindergarten, gusto nating palaging nananatili doon. Tayo ay nag-isip na ito ay masayang lugar, saan ang mga bata ay "nagkaroon ng kanilang malaking kaligayahan" at matuto ng bago at nakakagalak na mga bagay. Pero nang tayo ay nasa eskwela na, hindi tayo makapaghintay na makaabot na sa mataas na paaralan. Sa mataas na paaralan, ang pangarap ay ang kolehiyo, at sa kolehiyo, ay ang matagumpay na propesyon. Ang susunod na katayuan ay palaging mas mabuti sa ating tingin at mas lalong nakakaakit. Subalit ito ba ay talagang ganoon?

At mayroon pang ibang paksa: Nang makuha na natin ay ating gustong kunin, ang kasiyahang nadarama ay panandalian lamang. Gaya ng isang taong gala sa desyerto at uhaw na uhaw at naghahangad ng isang basong tubig. Nang makahanap na ng tubig, tayo ay galak na galak sa unang pagsipsip, subalit sa patuloy nating pag-inom, nababawasan ang ating kagalakan. Sa bandang huli, nalilimutan pati natin na tayo ay uhaw na uhaw. Sa madaling salita, sinasayang natin ang buong buhay sa paghahabol ng multo ng kasiyahan. At kahit na mahagilap natin ang multong iyon, nangangailangan lamang ng mahigit isang minuto para ito ay maglahong muli. (uaya101@gmail.com)

Thursday, October 1, 2009

Editoryal, Pag-usapan Po Natin!, October 2009 Issue




Tinanong ko ang karamihan sa mga tao kung ano ang nais nila sa buhay, at nakakuha ako ng parehong sagot, "Gusto kong maging masaya." Karamihan ay naniniwala na ang kaligayahan ay isang bagay na maaaring makamit at maangkin ng tuluyan. Inaasahan natin na darating ang panahon kung saan sa wakas tayo ay magiging masaya, ngunit hanggang sa ngayon ito pa rin ang patuloy nating inaasahan. Gusto nating makarating sa tuktok ng Gulong ng Buhay at manatili doon. Ang layunin ay nananatiling mailap. Ang "kaligayahan na walang hanggan" ay hindi kailanman matatagpuan sapagkat habang nandirito sa munso ay imposibleng makamtan ang kasayahan at manatiling masaya. Kung ang buhay ay batay sa pagkuha ng kaligayahan, tayo ay laging kakapusin dahil ang buhay ay laging nagbabago na parang gulong na umiikot.

Mas mainam pa ang maghanap na lamang ng "kagalakan." Ang kagalakan ay may kaugnayan sa kaligayahan, ngunit ito ay isang mas malalalim na karanasan. Sa paghahanap ng kaligayahan ang isang indibidwal ay nakatutok lamang sa kanyang sarili, ngunit inaalis ng kagalakan ang isang tao sa pagiging isang sakim at pagkaabala sa sarili lamang at nagbibigay ng daan para makialam sa kapakanan ng iba. Ang kagalakan ay isang karanasan na nagkokonekta sa atin doon sa mas mataas pa sa atin. Inilabas ng kagalakan ang ating mga sarili upang makikipag-ugnayan sa iba. Ang kagalakan ay maaaring magbigay-lakas sa atin mula sa una hanggang sa huling bahagi ng buhay. Kung handa tayong isuko ang paghahanap ng kaligayahan, maaari nating mahanap ang kagalakan. Sa Gulong ng Buhay ito ay umiiral na malapit sa gitna kung saan ang kaligayahan at paghihirap ay natutugunan at nakihalubilo.

Mayroon akong nabasa noon na ang salitang "kaligayahan" ay nagmula sa parehong ugat ng salitang "nangyayari" kaya inaakala ko na ang kaligayahan ay maaaring batay sa kung ano ang nangyayari. Kung masasayang mga bagay ay mangyayari, kasunod ay pagiging masaya. Subalit iba ang tinatawag na kagalakan.

Noong ako’y nasa kapanahonan pa ng pagiging desperado, isang kaibigan ang nagsabi sa akin na "ang kaligayahan ay isa sa mga bunga ng Espiritu, at ang sinuman na may “Banal na Espiritu” sa loob niya ay may kaligayahan. Dahil hindi ko nakita ang kaligayahan sa iyong buhay, dahil wala sa iyo ang Banal na Espiritu.”

Ang taong ito ay nalilito kung ano ang "saya" sa "ligaya", sapagkat ang dalawang ito ay may kaibahan. Totoong hindi ako masaya sa mga sandaling iyon ng aking buhay. Subalit ang kagalakan ay nandoon pa rin. May kagalakan sa kaalamang kahit anong mangyayari, kahit sa gitna ng kasuklam-suklam na kalagayan, alam ng Diyos ang lahat ng mga bagay-bagay at ako ay nabubuhay para sa kung ano ang mabuti. Kagalakan kahit sa gitna ng pighati sapagkat alam ko na kahit magpatuloy ang aking buhay sa ganoong kalagayan, hindi pa iyon ang "katapusan" ng kuwento.

Ako ay namumuhay na patuloy na tumatakbo sa aking kaisipan ang kasabihang, "hindi ko alam kung ano ang hinaharap, ngunit alam ko Sino ang humahawak ng hinaharap." Nais kong maging maligaya, sino ba ang ayaw? Subalit mas gugustohin ko sa halip ay ang kagalakan. Kagalakan na tumatagal kahit na sa gitna ng mga pagsubok ng buhay. Kagalakan na hindi nakasalalay sa mga pangyayari. Ang kagalakan ay lakas. Ang kagalakan ay walang hanggan. Kahit na ang aking puso ay dinudurog, kahit na ako’y mawalan ng pag-asa, at mga pangarap ko’y nabibigo, at alisan ng materyal na mga bagay-bagay, akin pa rin ang kagalakan. Maaring hindi palaging may ngiti sa aking pisngi, ngunit sa isang mas malalim na antas ng aking kaluluwa, may kagalakan sa aking puso. Hindi ang kaligayahan ng mga pangyayari.
Ngunit ang kagalakan sa mas mataas na antas ng kamalayan, ang kagalakan sa espiritu. Ito ang tinatawag na kagalakan sa Panginoon.

Ullessis Ahmad Yusuf Abaya