Friday, August 21, 2009

Bakit ang pag-aayuno’y natatanging ipinag-uutos sa buwan ng Ramadan para sa mga Muslim?



Ang buwan ng Ramadan ang ika-9 na buwan sa kalendaryong Islamikong lunar. Dahilan
sa isang taong lunar ay halos isang linggo at kalahating mas maiksi kaysa taong solar, ang buwan ng Ramadan ay umiikot pabalik sa loob ng mga panahon. Ito’y banal na
buwan dahilan sa itinadhana ng Panginoon ito sa pagpahayag ng mga banal na kasulatan. Inuulit ng Imam Ja’far as-Sadiq ang Banal na Propeta, sumakanya nawa at ng
kanyang pamilya ang kapayapaan, na nagsasabing:
“Ang mga aklat ni Abraham ay ipinahayag sa unang gabi ng buwan ng Ramadan; ang
Torah ay ipinahayag sa ika-6 ng buwan ng Ramadan; ang Ebanghelyo ay ipinahayag sa
ika-13 ng buwan ng Ramadan... at ang Banal na Qur’an sa ika-23 ng buwan ng
Ramadan.”
Itinuring ding sagrado dahilan sa ito’y naglalaman ng Gabi ng Kamaharlikaan (Laylatul
Qadr). Ang “qadr” ay nangangahulugan nang literal ng destino, at sa gabing ito
itinatakda ng Panginoon ang bawat pangyayaring magaganap sa susunod na taon sa
bawat at lahat ng Kanyang nilalang. Ipinaalam ng Imam Ja-far as-Sadiq sa atin na:
“Sa Laylatul Qadr ang lahat ng mga anghel, ang espiritu, at mga pinagkakatiwalaang
iskribyente ay nananaog sa mas mababang mga langit at isinusulat ang anumang
itinatakda ng Panginoon sa naturang taon, at kung ninanais ng Panginoong paagahin
ang isang bagay o ipagpaliban ito o daragdagan ito, inuutusan Niya ang anghel na
burahin ito at papalitan ng anumang itatakda ng Panginoon.”
Ang Banal na Propeta ng Islam, sumakanya nawa at ng kanyang pamilya ang
kapayapaan, ay nagsasabi sa atin hinggil sa mga malalaking biyaya ng buwan ng
Ramadan:
“[Ang buwan ng Ramadan ay] umaapaw ng mga kabutihan, mahabagin, handang
iharap ang iyong mga kasalanang pagkaligta at paggawa sa Panginoon upang
makatamo ng Kanyang kapatawaran. Ang mga araw, gabi at oras nito, sa paningin ng
Panginoon, ay mas hirang, dalisay at mahalaga kaysa mga araw, gabi at oras ng ibang
mga buwan. Nahihigtan nito ang ibang mga buwan sa mga biyaya at pabor… Kaya,
taimtim, ligtas sa mga masama at makasalanang pag-iisip, at may malinis na
konsensiya na magdasal at hilinging sana’y bigyan ka ng Panginoon ng puso at lakasloob
na mag-ayuno… sa loob ng buwang ito…”

Thursday, August 20, 2009

Ang Pag-aayuno sa Buwan ng Ramadan



Bawat taon sa ika-9 ng buwang lunar ng kalendaryong
Islamiko, mga Muslim sa buong mundo’y nangingilin sa
pagkain, inumin, walang-kabuluhang pagsalita, at iba pang
mga gawa mula bago pagsikat ng araw hanggang paglipas ng
paglubog nito.

"O kayong mga naniniwala! Ang pag-aayuno’y ipinag-uutos sa
inyo, katulad ng pag-utos sa mga nauna sa inyo nang kayo’y
masalag mula sa masama. (Mag-ayuno) sa ilang dami ng mga
araw …"
(Qur'an, Bakara:182-183)

Monday, August 10, 2009

Kapighatian at Kahirapan




Ang tunay na mananampalataya ay yaong marunong tumanaw ng utang na loob at nagpapasalamat sa lahat ng kahanga-hangang mga biyayang ipinagkakaloob sa kanya ng Dakilang Lumikha. Gayundin, siya ay nagpapakita ng tunay na pagtitiis at buong pagtanggap sa panahon ng kapighatian, kahirapan, paghihikahos at iba pang mga pagsubok na maaaring dumating at maranasan sa kanyang buhay.

Dapat malaman ng tao na itinakda ng Dakilang Lumikha dito sa lupa ang kapighatian at kahirapang dumarating sa buhay ng bawa’t tao – mananampalataya man o di-mananampalataya. Kadalasan, kung ang tao ay hindi mananampalataya, ang kahirapan at kapighatian ay itinuturing na malaking sagabal at kaguluhan sa kanyang pamumuhay. Sa kabilang dako, itinuturing ng mga mananampalataya na ang lahat na nagaganap dito sa mundo ay mga pagsubok lamang. Gayundin, tinatanggap ng isang tunay na mananampalataya ang anumang pagsubok na darating sa kanyang buhay sapagka’t alam niyang bahagi ito ng kapalaran at batid niyang ang lahat ng pangyayari ay mga paraan ng paglilinis at pagpapatawad ng mga kasalanan.

Saturday, August 8, 2009

ANG PANGUNAHING ARAL NG ISANG TUNAY NA RELIHIYON



Ang pangunahing aral o katangian ng halos lahat ng mga relihiyon ay ang paniniwala sa iisang Diyos o ang Kataastaasang Nag-iisang Diyos na siyang Pinakamakapangyarihan at Nakakaalam ng lahat. Ang mga tagasunod ng bawa’t relihiyon ay naniniwala na ang kanilang Diyos na sinasamba ay katulad ng Diyos na sinasamba ng iba at tanging ang pagkakaiba ay ang pamamaraan ng pagsamba at ang pagkilala sa pangalan Niya. Ang ganitong pananaw ay hindi tinatanggap sa Islam. Ang Islam ay nagtatakda na ang paniniwala ay may kaakibat na gawa na umaayon sa utos ng Dakilang Lumikha. Ang paniniwala sa nag-iisang Diyos, ang pamamaraan ng pagsamba at ang pagkilala sa pangalan Niya ay may tamang pamantayan at gabay na sumasang-ayon sa iisang batas na Kanyang ipinagkaloob. Ang Banal na Qur’an ay nag-aatas na hikayatin ang mga “Angkan ng Kasulatan”, at magkasundo sa iisang salita hinggil sa nag-iisang Diyos:

“Sabihin (O Muhammad) : O Angkan ng Kasulatan (Hudyo at Kristyano)! Halin kayo sa isang salita na makatarungan sa amin at sa inyo, na wala tayong ibang sasambahin maliban sa (nag-iisang) Allah (SWT), at hindi tayo magbibigay ng ano mang katambal Niya, at hindi tayo kukuha ng ibang Diyos maliban sa Allah U,” At kung sila ay tumalikod, magkayo’y, sabihin, “Saksi kayo na kami ay Muslims”. Banal na Qur’an: Al-Imran [3]:64

Ang nasabing Ayat o Talata ay nagbibigay diin sa bawa’t Muslim na hikayatin ang mga Hudyo at Kristyano na magkaisa sa iisang paniniwala na walang dapat sambahin maliban sa nag-iisang Diyos - ang Allah (SWT). Ipinakikilala sa talatang ito ang pagiging makatarungan sa pagkilatis ng katotohanan, at isang salita o ugnayan na kung saan ay magiging katanggap-tanggap sa bawa’t panig.

Ang Kaisahan ng Allah (SWT) ay nagtatagubilin sa tao na IISA lamang ang nararapat na pag-ukulan ng pagsamba. Kasunod nito, nararapat na IISA lamang ang relihiyon na dapat tangkilikin ng tao, magkagayon, makatarungan lamang na IISA din ang pamamaraan ng pagsamba.

At sinabi ng Allah (SWT) "Huwag sumamba sa dalawang Diyos. Katotohanan, Siya lamang ang nag-iisang Diyos. Banal na Qur’an:An-Nahl[16]:51

Ang paniniwala sa Nag-iisang Diyos ay hindi nagtatapos sa simpleng paniniwala lamang, ang paniniwala ay pinagtitibay ng gawa at ang gawa ay nararapat na sumasang-ayon sa kagustuhan ng Nag-iisang Diyos. Samakatuwid, marapat lamang bigyan ng pansin na ang Islam ay nagtuturo ng isang paniniwala sa Nag-iisang Diyos, ang Allah (SWT), na pinagtitibay ng gawa ayon sa kautusan ng Nag-iisang Diyos. Anumang uri ng paniniwala na walang pagsagawa ay itinuturing na walang saysay.

Sa mabilis na paglipas ng panahon ang Kaisahan ng Allah (SWT), ang pagkilala sa IISANG relihiyon at ang iisang pamamaraan ng pagsamba ay nabahiran ng maraming pagdadagdag o pagbabawas. Nagsulputan ang iba’t ibang pananalampalataya na halos lahat ay nag-aangkin na nasa kanila ang kaligtasan. Ang pagtatakda ng Allah (SWT) sa kaganapang ito ay isang pagsubok sa talino ng tao sa kanyang malayang pangangatuwiran upang malaman kung ano ang tama at mali.

("Ang Batayan ng Tunay na Relihiyon")

Friday, August 7, 2009

SINO ANG TAGAPAGTATAG NG RELIHIYON ?



Ang Dakilang Lumikha lamang ang may tanging karapatan na magtatag at magbigay ng relihiyon kaalinsabay ng mga batas at kautusan. At ang relihiyon (pamamaraan ng buhay) ay patuloy Niyang ipinahayag mula pa noong nilikha Niya ang unang tao-(sina Adan at Eba) hanggang sa ihayag ito sa kabuuang anyo kay Propeta Mohammad at patuloy na ipatutupad hanggang sa Araw ng Paghuhukom.

Sa kaisipan ng ibang tao, ang relihiyon ay maaaring itatag ng kahit na sinong tao. Sa katotohanan, kahit sinong Propeta na isinugo ng Dakilang Lumikha ay hindi mga tagapagtatag ng Relihiyon. Ang Relihiyong Kristiyanismo ay hindi itinatag ni Hesukristo, ang relihiyong Judaismo ay hindi itinatag ni Propeta Moises, ang relihiyong Islam ay hindi itinatag ni Propeta Muhammad. Ang mga Propeta ay mga Sugo lamang ng Diyos na binigyan ng karapatan at kakayahan upang isakatuparan ng tamang pamamaraan ng buhay na tinatawag nga natin sa payak na kahulugan na “ relihiyon”. Si Moises ay hindi nagsabi na ang kanyang relihiyon ay Judaismo. Hindi ito matutunghayan sa Lumang Tipan o maging sa kanyang orihinal na Kasulatan na Tawrat. Si Hesus ay walang sinabi na ang kanyang relihiyon ay Kristiyanismo. Walang matutunghayang salita si Hesus na tumutukoy sa Kristiyanismo. Samantala, ang Banal na Qur’an na siyang huli sa lahat ng Banal na Kasulatan ay nagpahayag na ang Islam ang tunay at tanging relihiyon sapagkat ito ay nagmula sa Kanya. Ang Islam ay hindi kathang isip ni Propeta Muhammad bagkus ito ay kanyang ipinamahagi bilang mensahe sa kanya ng Nag-iisang Diyos, ang Allah (SWT). Ang mga Propetang isinugo ng Diyos sa lupa na kinikilala ng sangkatauhan tulad ni Adan, Noah, Abraham, Lot, Ismael, Isaak, Moises, Aaron, David, Solomon, Hesus at ang huli na si Propeta Muhammad ay iisa ang dalang relihiyon. Ito ay relihiyong ng kapayapaan. Sa wikang ginamit ni Moises at Hesus, ito ay tinawag na shalom. Sa wikang ginamit na arabik ito ay Islam-isang katagang hinango sa salitang salam na ang literal na kahulugan nito ay Kapayapaan, kapayapaan sa kapaligiran, kaisapan, kalooban at katawan ng sinumang naghahangad na isuko ang kanyang buong sarili sa Nag-iisang Diyos-ang Allah..

“Katiyakan, ang (tunay) na relihiyon sa paningin ng Allah ay ang Islam (ganap na pagtalima at pagsuko sa Kanyang kalooban)” Banal na Qur’an:Al-Imran [3]:19

At dahil mayroon lamang isang Tanging Diyos, at iisa lamang ang pinagmulan ng tao, samakatuwid isang panuntunan o relihiyon lamang ang ipinagkaloob upang ang lahat ng tao ay magkaroon ng isa at tanging pagkilala sa kanilang Diyos. Hindi Niya binigyan ng sariling relihiyon ang mga Hudyo, at hindi rin naman binigyan ng sariling relihiyon ang mga Kristiyano at hindi rin naman binigyan ng sariling relihiyon ang mga Muslim, bagkus isang Relihiyon ang ipinagkaloob Niya para sa sangkatauhan.

“Katotohanan, Aming ipinadala ang (kapahayagan) inspirasyon sa iyo (O, Muhammad) katulad ng Aming pagpapadala ng (kapahayagan) inspirasyon kay Noah at sa mga propetang (dumating) pagkaraan niya. At Amin ding binigyang inspirasyon si Abraham, Ismael, Isaak, Hakob at ang Al Asbat (labindalawang anak ni Hakob), Hesus, Hob, Jonas, Aaron, at si Solomon at kay David ipinagkaloob ang Zabur (Psalmo). Banal Na Qur’an:An-Nisa [4] : 163

("Ang Batayan ng Tunay na Relihiyon")

Thursday, August 6, 2009

Mga sinabi ni Propeta Muhammad tungkol sa Pakikitungo sa Kapwa



"Hindi magbibigay ng habag ang Allah sa isang taong hindi marunong mahabag sa kapwa."
(Bukhari at Muslim)

"Hindi nababagay sa isang marangal at matapat na tao ang mang‑alipusta."
(Muslim)

"Kapag kayo ay nakatagpo ng mga taong labis ang pagpuri sa kapwa, sabugan sila ng alikabok ang kanilang mukha."
(Muslim)

"Ang nananampalataya ay hindi itinalaga upang magparatang sa iba o sumpain sila, ni hindi siya mahalay o walang‑hiya."
(Tirmidhi at Baihaqi)

"Ang paninirang‑puri ay higit na masama kaysa pakiki‑apid." Nang tanungin siya kung paano nangyari yaon, siya ay sumagot, "Ang taong nakagawa ng pakiki‑apid at matapat na magsisi ay patatawarin ng Allah. Subali't ang mapanirang‑puri ay hindi mapatatawad (ng Allah) hanggang sa patawarin siya ng kanyang (siniraang) kasama."
(Baihaqi)

"Ang taong pinaka-marangal sa paningin ng Allah ay yaong pinakamaka‑diyos."
(Bukhari at Muslim)

"Ipinahayag sa akin ng Allah na dapat kayong maging mapagkumbaba, nang sa gayon walang sinuman ang magmalaki o mang‑api sa iba."
(Muslim)

"Isa sa mga pinakamabunying paggawa ng kabaitan ng isang tao ay mabuting pakikitungo sa mga kaibigan ng kanyang ama kahit ang huli ay yumao na."
(Muslim)

"Ang Mapagmahal (Ang Allah) ay magbibigay ng habag sa mga taong mahabagin. Kung kayo ay magbigay ng habag sa mga nandito sa lupa, Siya na nasa langit ay magbibigay ng habag sa inyo."
(Abu Dawud at Tirmidhi)

"Sinuman ang walang habag sa mga bata at walang galang sa mga matatanda, at sinuman ang hindi nagpapayo ng kabutihan at hindi nagbabawal sa kasamaan, ay hindi nabibilang sa atin."
(Tirmidhi)

"Walang kabataan na nagbigay dangal sa matanda na hindi bibigyan ng Allah ng isang magbibigay dangal sa kanya pagdating ng kanyang pagtanda."
(Tirmidhi)

"Sinumang magbigay ng pagkain at inumin sa isang batang ulila, ipangangako ng Allah sa kanya ang Paraiso maliban lamang kung siya ay nakagawa ng di‑napapatawarang kasalanan. At sinumang mag‑aruga ng tatlong anak na babae o tatlong kapatid na babae, at kanyang pinangangaralan at pinakikitaan ng kabutihan hanggang sa pagyamanin sila ng Allah, ipangangako ng Allah sa kanya ang Paraiso."
(Sharh Assunna)

"Sinumang humaplos sa ulo ng batang ulila nang may pagkahabag at pagmamahal dahil sa Allah, siya ay bibiyayaan sa bawa't buhok na masayaran ng kanyang kamay. At sinumang makitungo nang mahusay sa isang batang ulila na nasa kanyang pag‑aaruga, siya at ako ay katulad ng dalawang ito sa Paraiso, at inilapat ang kanyang dalawang daliri ng magkadikit."
(Ahmad at Tirmidhi)

"Iwasan ang inggit sapagka't ang inggit ay sumusunog sa magagandang gawa kagaya ng apoy na sumusunog sa dayami."
(Abu Dawud)

"Ang katamtaman sa paggastos ay kalahati ng kabuhayan, ang pagkamagiliw sa tao ay kalahati ng pang‑unawa at ang pagtatanong ng mabubuting tanong ay kalahati ng kaalaman."
(Baihaqi)

"Ang Allah ay mabait at Kanyang kinalulugdan ang kabaitan. Ang pagpapala Niya sa kabaitan ay hindi ibinibigay sa kalupitan at sa anupaman."
(Muslim)

"Siyang nawalan ng kahinayan ay nawalan ng kabutihan."
(Muslim)

"Walang ibubunga ang kababaang‑loob kundi kabutihan."
(Bukhari at Muslim)

"Ang Allah ay hindi tumitingin sa inyong anyo o ari‑arian, bagkus Siya ay tumitingin sa inyong mga puso at sa inyong mga gawa."
(Muslim)

Saturday, August 1, 2009

EDITORYAL, Pag-usapan Po Natin! Aug 2009 Issue




Ang kalungkutan ay isa sa ating kinatatakutan. Karamihan sa atin ay nakadama na nito. Karamihan sa atin ay takot dito. Pero ito ay isang paksa na hindi gaanong pinag-uusapan. Tayong lahat ay maaaring nakaranas ng kalungkutan sa iba’t ibang kadahilanan, at maraming mga pangyayari sa buhay ang maaaring iuugnay sa mga ito. Ang kawalan ng kaibigan, o ang kawalan ng makabuluhang mga tao sa paligid ay nagiging sanhi ng lungkot, depression, at kusang di pag-aasawa. Tayo ay nabubuhay sa isang lipunang napakaraming di pagkakapantay, at kung saan maraming tao ang nakakaranas na hindi sila kasali. Ang mga taong walang layang magpahayag ng saloobin ay makakaranas ng kahinaan, pakiramdam ng pagkabale wala at kalungkutan.

Ngunit ang kalungkutan at ang pag-iisa ay hindi magkapareho. Maraming mga tao ang mas pinili ang pag-iisa. Ang pagiging mag-isa ay maaaring isang karanasang positibo, at kaaya-aya kung ito ay kagustuhan ng isang indibidwal. Ang pamumuhay na mag-isa ay mabuti paminsan-minsan sa isang tao. Ang kalungkutan naman sa kabilang dako ay ang pag-iisang hindi ginugusto. Ang tao ay maaring malungkot o makadama ng pag-iisa kahit napapaligiran ng mga tao.

Posibleng malampasan ang kalungkutan, kung ikaw ay talagang determinadong gawin ito. Upang tulungan ang iyong sarili, kakailanganin mong pag-isipan ang mga dahilan ng iyong mga damdamin at kung anong positibong hakbang ang maari mong gawin. Kung ikaw naman ay madalas mag-isa dahil hindi ka komportable sa ibang tao sa mga pagkakataong kailangang makihalubilo, mahalagang magdahandahan. Mula sa maliit na hakbang muna at huwag magmadali. Bawat pagkakataon na maaring makihalubilo, kahit gaano kaliit, ay kunin mo. Kausapin ang tindera sa supermarket kung saan ka bumibili ng pagkain. O di kaya ay wag palampasin ang taong kumakausap sa iyo sa bus. Magtanong ka. Maging interesado sa lahat ng bagay.
Mahalagang alalahanin na ang mga ito ay lahat lilipas, at kung minsan masakit man ang pagbabago, maari rin itong magdulot ng panibagong buhay, kamalayan at posibilidad.

At muli, Ramadan Mubarak para sa lahat ng mga kababayan natin sa Kuwait at sa buong mundo, lalong-lalo na sa ating mga kapatid na mga Muslim. Inaanyayahan namin kayong lumahok sa ating Pagsusulit sa Buwan ng Ramadan 2009, sa page 11, at manalo ng libreng plane tickets at mga consolation prizes.

Ullessis Ahamad Yusuf Abaya

Kahulugan Ng Haram, Halal, at Makruh


Al Halal: Mga bagay na ipinahintulot, at walang paghihigpit na umiiral.

Al Haram: Mga bagay na ganap na ipinagbawal, at sinuman ang magkamaling magsagawa ay matatamo ang kaparusahan ng AllahU sa kabilang buhay, gayundin ang legal na kaparusahan sa lupa.

Al Makruh: Mga bagay na hindi ganap na tinutulan ng AllahU at mas mababa ang antas kaysa sa Haram. Ang kaparusahan sa pagsasagawa ng mga bagay na Makruh ay mas mababa kaysa sa kaparusahan sa mga Haram na bagay na nagawa – maliban, kung paulit-ulit na naisasagawa, daan o bagay upang mapatungo sa pagiging Haram.