Saturday, April 3, 2010

Paano ang Magsakripisyo


Ang sakripisyo ay maging isang sakripisyo lamang kapag ibigay mo ang isang bagay na iyong iniibig, pinapahalagahan o ninanais. Maaari mo lamang itong ibigay kapalit ng mga bagay na mas mahalaga para sa iyo, mga bagay na higit mong iniibig at ninanais. Anuman ang panlabas na anyo nito - oras, yaman, buhay, kagustuhan, kuro-kuro – ang tunay mong isinasakripisyo ay hindi ang anyo, kundi ang pag-ibig at ang halaga na kalakip dito.

Kung susundin mo ang isang maka-Diyos na debosyon, ikaw ay maging mas handa at kusang loob na maghandog ng isang sakripisyo sa Maykapal habang ang iyong pag-ibig para sa Kanya at sa Kanyang mga gantimpala ay magkakaroon ng karagdagang lalim, bugso at lakas, at habang ang tingin mo sa mga bagay sa iyong isasakripisyo ay lalong lumiliit at wala ng halaga.

Makikita natin na ang pag-ibig ang ugat ng lahat ng bagay. Maaari mong mapagtanto kung ano ang mas higit mong kailangan upang makatulong sa iyo na magkaroon ng lakas ng loob para makapaghandog.

Sa ganoong pag-ibig lamang na ang sakripisyo ay magiging bugso ng kalooban, sa halip na mananatiling isang mosyon ng pagsunod sa isang panlabas na panghihikayat. Pagkatapos nito ay makuha mo ang tunay na galak at kasiyahan sa pagtupad ng mga hinihingi ng pananampalataya.

Tandaan lagi na may dalawang uri ng pananampalataya. Ang isa ay nananatili sa ating mga labi at iyon ay ang pananampalatayang naging pabigat para sa atin. May isa pang uri ng pananampalataya na tagos sa puso, kung saan ito ay nagiging kasiyahan, ikinakatuwa, at ikinagagalak. Kapag ikaw ay may ganitong uri ng pananampalataya, pagdating ng panahon na ikaw ay kinakailangang magbigay ng iyong sakripisyo, sa oras, pera, buhay, opinyon, at iba pa, gagawin mo ito na bukal sa iyong kalooban at may kasamang saya.

Ngunit dapat maging malinaw para sa iyo, na kahit anong bagay na iyong isinasakripisyo, hindi mo ito ibigay sa mga tao, sa mga organisasyon, o kahit kanino man. Binigay mo ang lahat ng mga ito sa inyong sarili. Sapagkat sa oras na ikaw ay nagbibigay at nagkaroon ka ng kasiyahan, tuwa, at galak sa iyong ginagawa, walang ibang nakikinabang sa mga ito maliban sa iyong sarili mismo. Ikaw ba ay mapapagod sa pagbibigay ng paulit-ulit para sa iyong sarili?

Kung gayon, ito ba ay pagkamakasarili? Hindi. Sapagkat ito lamang ay nangangahulugan na tayo ay naniniwala na ang ating tunay na kasaganaan at tagumpay ay nakasalalay sa ating pagpapasakop sa kalooban ng Maykapal. Sa pamamagitan ng sakripisyo ating pinasikapang maabot ang mas mainam at mas mabuting uri ng buhay ngayon habang hinahangad natin ang isang matagumpay na buhay na walang hanggan sa hinaharap.
Samakatuwid tayo ay dapat magpasalamat dahil ibinigay sa atin ang pagkakataon na makapagsakripisyo. Subalit kung ang ating ibinibigay ay para sa iba pang kadahilanan, magiging lubhang mahirap para sa atin ang magbigay ng mas malaki pang sakripisyo, o patuloy na gumagawa nito sa ilalim ng ano mang katayuan o kalagayan. Dapat ang ating mga hangarin ay likas at ang espiritu ng sakripisyo ay hango sa kaibuturan ng ating mga puso. Ito ang sakripisyong tunay at wagas. (UAYA)

Friday, April 2, 2010

Ano Ba ang Sakripisyo?


Sa isang mas malawak na pang-unawa, ang 'sakripisyo' ay nangangahulugan ng pagsuko at pagbitiw sa mga bagay-bagay na mahalaga o ninanais. Ang mga bagay-bagay na yaon ay tulad ng oras, kayamanan, kabuhayan, damdamin, pag-uugali, opinyon at adhikain. Ang mga ito ay ating tinalikuran para sa kapakanan ng isang bagay na mas kailangan, mas karapat-dapat o higit na mahalaga. Dapat tandaan, na sa una pa lang, ang pinaka-ugat sa salitang sakripisyo ay nangangahulugan ng pagkatay ng mga hayop o tao bilang handog sa Diyos. Ito ay nangangahulugan ng pagbigay at pagsuko sa Diyos ng ilang mahalagang pag-aari.
Ang sakripisyo ay ang esensya sa buhay ng mga mahusay at matagumpay, ngunit ordinaryong mga tao. Kung wala ito, ang buhay ay di mapayapa, walang pagkakaisa at pakikipagtulungan, puno ng sigalot at alitan. Ang ganitong uri ng buhay ay magdudulot ng pagkamakasarili, pagkamainggitin, at agarang pagbigay-kasiyahan ng mga hinahangad. Bukod dito, walang pamilya o komunidad ang iiral at makamit ang pagkakaisa at lakas kung walang sakripisyo mula sa mga kasapi nito. Dagdag dito, walang pagpupunyagi ng tao na maaaring magtagumpay upang maabot ang layunin nito maliban kung ang isa ay handang magsakripisyo sa mga bagay-bagay na minamahal o ninanais.
Kung ano man ang totoo sa ordinaryong buhay ng tao at mga pagpupunyagi nito, kung anuman ang kanyang likas na katangian o kahalagahan, tiyak na mas totoo ito sa isang buhay na may maka-Diyos na debosyon. Sapagkat ito ay nangangahulugan ng pagsuko ng iyong buong pagkatao sa Diyos, hindi lamang sa iilang mga pag-aari. Kung tutuosin ito na ang pinaka-mataas na antas ng pagsasakripisyo. Ito ay magtatakda para sa isang pakikibaka na walang humpay na ilulusad, sa loob at sa labas ng ating pagkatao, hanggang sa ito ay magiging isang buhay na katotohanan.
Sakripisyo ang pagkain sa binhi ng pananampalataya. Ito dapat ang palaging kasama upang ang landas ng pakikibaka ay maaaring tahakin. Ito ay isa sa mga susi na kapag wala ito ang saradong mga pinto ay hindi mabubuksan. Ito ay totoo kahit na ang landas na kinuha ay pang-personal man, na mayroong hangaring maabot ang mas mataas na antas ng espirituwal at moral, o para sa lipunan, na ang hangarin ay upang hubugin ang isang buhay at isang lipunan tungo sa debosyong maka-Diyos. At ito ay tunay at wagas, kapag ang dalawang mga landas na ito sa mas nanaising magsanib ng sabay-sabay. Sapagka para sa mga dakilang layunin ng buhay at mga landas na mahihirap, mas malaki ang pangangailangan ng sakripisyo. (UAYA)

Thursday, April 1, 2010

Ang Sakripisyo



Paminsan-minsan gusto kong ibahagi ang ilang mga kwento na nakarating sa aming tanggapan mula sa aming mga mambabasa. Minsan ito ay tungkol sa buhay nating mga OFW, tungkol sa isang matapat na asawa, o ng isang mabuting anak. Minsan ito’y mga salita lamang na maaaring makapagbibigay sa ating pag-asa, pampalakas ng loob para sa atin. Anuman ang kuwento ay may dulot na paalaala na ang ating mga pakikibaka ay hindi kailanman mai-panalo nang walang sakripisyo. Para sa iba, ang sakripisyo ay nangangahulugan ng pagbitiw sa mga bagay na minimithi. Para sa iba, ito ay pagbibigay ng kanilang mga panahon upang makatulong. Para sa mga may angking talino sa larangan ng panitikan, ang kanilang mga kontribusyon ay maaaring pagsulat o pagbabahagi ng mga mensaheng pamukas-sigla sa harap ng mga tagapakinig.

Sa ano mang paraan tayo tutulong, ating ginagamit ang ating mga talento, ang ating mga kakayahan, ang ating panahon. Ginagawa natin ang mga ito ng paunti-unti, dahan-dahan, hindi biglaan. At kung lahat tayo ay magkaka-isa at sabay-sabay sa ngalan ng sakripisyo, ang ating mga pagsisikap upang maabot ang kahit anong layunin ay magiging mas magaan. Sa ganitong paraan nauunawaan natin na mayroong mga bagay na mas mahalaga pa kaysa sa kung ano ang ginugusto natin.

Ano ang humahadlang sa mga tao upang baguhin ang kanilang buhay? Ang pagsasakripisyo. Ang mga tao ay ayaw magsakripisyo ng oras o panahon, pera, at iba pa, upang gumawa ng aksiyon tungo sa pagbabago. Maririnig mo ang mga tao na nagnanais at nag-uusap tungkol sa pagbabago, ngunit pagdating sa paggawa ng aksyon karamihan ay walang panahon, o naghihintay pa sa tamang panahon. Kailan ba ito darating? Kailanman ay hindi natin malalaman kailan ang perpektong panahon upang simulan ang aksyon upang magbago. Kung ikaw ay hindi nagkaroon ng panahon sa buwang ito at sa tingin mo ay magkaroon ka nito sa susunod na buwan, maaaring hindi ka na kailan man magkakaroon pa. Ito ay isang lumang kaugalian ng marami – ang pagpapaliban. Madalas akong tinatanong kailan ang tamang oras upang magbago at ang lagi kong sagot ay NGAYON NA. Simulan mo na ngayon dahil anumang gulo ang meron ka sa kasalukuyan ay malamang nariyan pa rin bukas, kaya bakit ka pa maghintay? Karamihan din ay hindi alam kung saan magsisimula. Kung ganon magsimula kung saan ka naririyan ngayon, at simulan mo ang mga bagay na ginugusto mo at nais mong gawin. Pagkatapos ay pilitin mong magkaroon ng kaalaman, sanayin mo ang iyong sarili at magdagdag ng iba pang mga pamamaraan upang mai-angat mo ang iyong sarili sa loob ng takdang tagal ng panahon. Hindi nito kailangan pa ang maraming kaalaman ngunit ang pagbigay aksyon sa mga bagay na alam mo na ay tutulong sa iyo na makamit ang napakalaking tagumpay, hindi man kaagad ngunit may katiyakan.

Sa madaling salita, upang maging matagumpay sa lahat ng iyong mga ninanais, kailangan mong mag-sakripisyo. Gumawa ng aksiyon ngayon upang baguhin ang iyong buhay at huwag nang ipagpaliban pa. Bukas ay maaaring hindi ang tamang oras, at walang nakakaalam kung bukas ay nandirito pa rin tayo.

Thursday, March 4, 2010

Pagsisikap Upang Mapaunlad ang Sarili



Isang di makakalimutang kaganapan sa buhay ng 81 estuyanteng nag-aaral sa CITC-ICSA na nagsipagtapos ng kanilang Office Management Course. Ginanap sa China Grill Hall, Watiya Complex noong February 5, 2010, ang seremonya ng pagtatapos ay binigyang dangal ni Kagalang-galang Vice Consul Rea Oreta mula sa Philippine Embassy sa bansang Kuwait.

Ayon sa ulat ni Ricky Laxa ng Al-Watan Daily, ang kaganapan ay sinimulan ng welcome remarks ng ICSA Senior Instructor na si Ms. Jenny Reyes at sinundan ng isang inspirational message ng ICSA President, Mr. Aamir. Sa kanyang pananalita, kanyang binigyang-diin ang kahalagahan ng pag-papaunlad ng sarili at mamuhay na hanggad ang pinakamimithing pagiging isang tunay na Overseas Filipino Worker bilang mga bayani ng bayan. Sa talumpati ng Vice Consul Oreta, kanyang binabati ang mga nagtatapos sa kanilang pagkuha ng karagdagang hakbang patungo sa kanilang pagpapaunlad sa sarili at binigyang diin ang kahalagahan ng pag-unlad sa pamamagitan ng patuloy na pag-aaral. Dagdag pa niya, na ang "edukasyon ay hindi nagtatapos kapag natamo na ang kinukuhang degree o kurso. Tayo ay umuunlad at nagsisikap na maging mas mahusay pa. Ang mga tao na pumaligid sa atin ay umimpluwensiya at nag-kintal sa atin ng mga kahalagahan at kakayahan at ang pagpili sa mga taong ito ay isang napakaimportanteng kinakailangan para sa atin upang mas higit pang mapaunlad ang ating mga kinaugalian.” Bukod dito kanyang sinabi na ang impormasyon ay isang makapangyarihang kasangkapan at ito’y nakakamit lamang sa pamamagitan ng edukasyon, at ang kaalaman at kasanayan ay dapat na ginagamit sa mabuting paraan, hindi sa pang-aabuso ng kapwa-tao. Ang kanyang talumpati ay maayos na tinanggap ng mga nagsipagtapos. Isa ring talumpati ang ibinigay ni Honey Leah Batuigas, ang Class Valedictorian, at kanya ring binigyang diin na sa gitna ng mga paghihirap at mga pagsubok na hinaharap ng mga Filipinong manggagawa sa Kuwait, ang pagpapatuloy sa pag-aaral upang mapaunlad at mapahusay ang mga kakayahan at mga talento ay hindi dapat mapabayaan.

Pagkatapos ng pamamahagi ng mga sertipiko, nagbigay ng closing remarks si Mr. Yassir, ang Managing Director ng CITC, kung saan pinapasalamatan niya ang lahat pati na ang mga kasapi ng media. Kasama sa programa ang pamimigay ng plaques of appreciation, at ito ay sinundan ng reception. Kabilang sa mga nagsipagtapos with Honors (Cum Laude) ay sina Roberosa Entana, Emie Gucilatar, Virginia Olaran, Marylene Recto, Edster Onifa, Estelita Ganado, Jhon Rommell Lumio, Elizabeth Castillo, Bainesan Palti, Melinda Manuel, Mae Dolor Dag-uman, Natalia Ringor, Sherwina Siddik, Sarhana Siddik, Imelda Tabaosares, Arleen Joyce Guzman, Sheryl Pastrana, Jocelyn Balasabas, Michelle Peco, Evangeline Piamonte, Elith Salenga, Babelyn Tugon, Hebba Tawfik, Jacquiline Dela Pena, at Selyn Elo.
Ang CITC ay ang unang Filipino Computer Academy sa Kuwait at ang mga programa nito ay pinatitibayan ng ICSA International na may misyong tuklasin ang kaalaman, pagsasama-samahin ang mga karanasang pangkaalaman at paggamit ng mga nalalaman na mayroong isang pandaigdigang pananaw na nagtuturo sa pamamagitan ng makabago at positibong mga programang sumasang-ayon sa layuning likhain ang mga oportunidad.

Wednesday, March 3, 2010

Kung Ano Ang Tagumpay



Ang pagiging malinaw kung ano ang kahulugan ng tagumpay ay ang unang hakbang upang makamit ang tagumpay. Ang pinakamagandang kahulugan ng tagumpay ay ang pagkumpleto ng anumang bagay na hinahangad. Sa ibang salita, ito ay pagtatapos kung ano ang binalak na gawin at paggawa nito sa paraang iyong ninanais.

Ito ay isang paglalakbay, at tulad ng lahat ng mga paglalakbay, ikaw ay maaaring maglalayag sa mahinahon tubig at mag-alma sa mga bagyo. Kung manatili ka sa iyong paglalayag maabot mo ang iyong daungan. Ang bawat tao ay may karanasan ng pagkawasak at pagkalunod. Ang kanilang pinaka-tanging pangarap ay nawasak sa kabila ng pinakamahusay na mga pagsusumikap. Ang pagkakaiba sa pagitan ng mga taong matagumpay sa buhay at sa mga taong hindi ay hindi sa bilang ng pagkalunod o kaya’s sa kalubhaan ng mga bagyong dinaranas. Ang kaibahan ay sa kanilang pagtitiyaga. Ang pagtitiyaga upang makumpleto ang paglalakbay. Para sa ilan, mas pinili ang pagtayo muli ng isa pang barko pagkatapos ng isa pang hanggang sa maabot nila ang kanilang daungan. Karamihan ay isinuko agad ang paglalakbay dahil lamang sa kapirasong bahura.

Ang tagumpay ay isang proseso. Ito ay isang walang humpay na pagpapadalisay sa diskarte hanggang ang isang bagay sa wakas ay gumagana. Nagsisimula ang tagumpay sa pagtatag ng layunin, at ito ay sinundan ng aksyon. Hindi na kailangan pang maging perpekto ang iyong mga layunin at mga aksyun. Ang susi sa tagumpay ay ang simulan agad ito, saan ka man naroroon at ano man ang iyong kinalalagyan; sa paglipas ng panahon, ang iyong paningin ay maging malinaw at ang iyong mga aksyon ay mapabuti.

Ang isa pang pangalan para sa tagumpay ay pagkakadalubhasa. Kapag kayo ay maging dalubhasa sa isang bagay, malalaman mo kung ano ang karapat-dapat gawin upang makuha ang gusto mong mga resulta. At maaari mong gawin ang pamamaraan na ito nang paulit-ulit ulit upang masiguro ang magkakasunod-sunod na mga gantimpala.

Ang pagpapadalubhasa ay ang pagtitiyaga sa lahat ng panahon. Yaong mga taong nakahanap ng mga bagay na kapaki-pakinabang mula sa pagtitiyaga ay pinahalagahan ang patuloy na pagpapabuti sa kanilang mga sarili. Ito ay magpapahintulot sa iyo na gawin at magtagumpay sa anumang balakid. Sa labis na pang-uudyok sa sarili, mas higit na mapabuti ang mga pagkakataon ng tagumpay kapag binuksan mo ang anumang mga bagong gawain.

Ang tagumpay ay isang tuloy-tuloy na pag-aaral ng mga estratehiya. Ang pag-aaral na ito ay parehong teoretikal at praktikal. Sa kalaunan, kapag gumawa ka ng isang bagay na may sapat na katagalan, ikaw ay tunay na maging dalubhasa nito.

Ikaw ay nandito sa mundong ito upang ipahayag ang iyong mga potensyal. Ikaw ay nandito upang matuklasan ang isang buhay na may halaga at ang mga layunin na kanais-nais tuparin. Ang pinakamalaking sikreto sa buhay upang magtagumpay ay: hindi mo na kailangang gawin itong perpekto; sapat na ang masimulan mo ito at mapanatili hanggang marating ang dapat marating. Tayo ay hindi na umuusad dahil lagi nating hinihintay ang tamang panahon, ang tamang sitwasyon. Hangga't maaari ay simulan mo na ang paglalakbay, at simulan mo na ngayon.

Tuesday, March 2, 2010

Araw ng Pagtatapos



Ang araw ng pagtatapos ay isang parangal na ibinibigay para sa mga estudyanteng maluwalhating nakatapos ng pag-aaral at nakatanggap ng kanilang diploma. Ito ang pagpapatunay ng kanilang napagtagumpayan sa loob ng mga taon nang pagsisikap at pagpupunyagi. Sinasabing ang araw na ito ang simula ng panibagong kabanata ng buhay ng isang mag-aaral tungo sa mas malawak pang karanasan. Kalimitan nang idinaraos ang selebrasyon ng pagtatapos tuwing huling linggo ng Marso o sa pagsisimula ng buwan ng Abril.
Ang pagtatapos mula sa kolehiyo ay isang mahalagang pangyayari sa kasaysayan sa buhay ng isang tao. Ano na ang susunod? Ano ang nasa hinaharap? Para sa ilang mga mag-aaral, ang kolehiyo ay isang pangunahing layunin, ngunit sa katotohanan ito ay isang kasangkapan lamang sa iba pang mga dapat gawin. Bahagi ng pakikipagsapalaran ay alamin kung sino ka ba talaga at kung ano ang iyong halaga sa mundo. Para sa mga tipikal na mga kabataan, ang pagtatapos mula sa kolehiyo ay ang pagiging nasa hustong gulang na. Para sa iba ito ay ang isang daan lamang na kinakailangan para sa mga mas kanais-nais na akademiko at iba pang mga propesyonal na mga posisyon. Ngunit para sa mas nakararami, ito na ang panahon upang magsimulang maghanap ng sariling hanap buhay. Iilan lamang ang nagiging matagumpay, mas marami ang napipilitang mag-trabaho kahit sa mga sitwasyong hindi naaangkop.

Tandaan, ang paghahanap ng trabaho ay isang trabaho. Maaari kang magtagumpay, ngunit hindi ganoon kadali. Masiyahan ka sana sa magandang panahon at subukan ang hindi mag-alala tungkol sa mga di kanais-nais. Karamihan sa atin ay nagbabago ng trabaho at karera ng maraming beses - at karamihan din sa atin ay nasisante ng hindi bababa sa isang beses sa ating buhay. Ngunit ang lahat ng mga ito ay mas magaan para sa mga nakapagtapos. Maligayang bati sa inyong mga nakakamit.

Monday, March 1, 2010

Ang Tagumpay



Naging matagumpay ka noong nakapagtapos ka sa kolehiyo. Muli kang nagtagumpay nang ikaw ay nagkaroon ng trabaho. Sa bawat bansa, mayroong tinatawag na minimum na sahoran at madalas nating narinig ang mga debate tungkol sa kung ano ba talaga ang tama. Katunayan ay mayroon tayong mga kababayan sa Kuwait na kumikita mula sa 100 fils ang isang oras hanggang 10 dinar ang isang oras. At ito ay tumatakbo nang walang anumang interbensyon ng gobyerno. Bakit may mga taong kumakayod ng 100 fils para sa isang oras habang ang ibang tao ay maaaring makagawa ng 10 dinar para sa isang oras? Ang sagot ay: ang saysay o halaga na dala nila sa oras na iyon. Ito na ang pangyayari simula noon unang panahon hanggang sa ngayon. Kapag ang isang tao ay magkakaroon na ng mahalagang kakayahan, maraming mga taong handang bayaran siya ng mahal dahil dito. At muli nasa atin ang pagpili. Maaari tayong pumili na maging isang taong mahal ang kakayahan, o maaari tayong patuloy na kumakayod lamang para sa minimum na sahod. Iyan ang totoo, huwag ka nang malito pa. Kung ang iyong sahod ay mababa tawag nila dito ay tadhana. Kung ito ay mataas, tawag na nila dito ay tagumpay.

Ngayon ano ang kahulugan ng tagumpay? Ano sa paningin mo ang tumutukoy kung ang isang tao ay matagumpay o hindi? Para sa ilan ito ay pagkakaroon ng maraming pera, para sa iba pagkakaroon ng kalayaan ng oras sa paglalaro ng basketball minsan sa isang lingo. Para sa iba ito ay ang pagpapalaki ng mga anak at mapaaral sa Kuwait Philippines International School o pagkakaroon ng maraming kaibigang may TFC o GMA at internet. Bawat isa sa atin, may iba't-ibang kahulugan kung ano ang tagumpay para sa iba, at kung ano ang tagumpay para sa ating mga sarili. Ngunit ang mas importante sa dalawa ay sa kung paano natin sukatin ang tagumpay para sa ating mga sarili, hindi ang sa iba.

Upang magkaroon ng tagumpay sa ating buhay ay dapat muna nating itakda, sa ating sarili mismo, kung ano itong pagiging matagumpay at pagkatapos ay itakda ang ating mga puso at isip sa pagkamit nito. Ang mga pangunahing pundasyon sa pagtatagumpay ay ang pagtatakda ng mga layunin dahil kapag nakamit mo na ang mga layunin, ikaw ay nagtagumpay. Dapat mapagtanto mo sa iyong sarili kung ano ang tunay na tagumpay. Hindi palaging ang ibig sabihin nito ay pagkakaroon ng isang magandang trabaho, o sariling negosyo na biglang nagkakahalaga ng milyon-milyon. Ang tunay na tagumpay ay maaaring ang pagkakaroon ng isang disenteng trabaho, ang pag-aasawa, pagkakaroon ng iyong sariling katamtaman na bahay sa isang maliit na pulutong at maglagay ng bubong sa iyong pamilya. Habang ang tao ay masaya sa kanyang kinalalagyan siya ay may tagumpay at hindi bigo.

Hindi lahat ng tao ay kayang abutin ang langit ngunit hindi nangangahulugan na sila ay bigo. Sa bandang huli, pagkatapos ang lahat, pagdating mo sa itaas ay wala ka nang iba pang mapupuntahan maliban sa pababa. Ito ay matatawag pa rin na tagumpay.

Quotes about Success:
Success consists of going from failure to failure without loss of enthusiasm. (Winston Churchill)
If at first you don't succeed, failure may be your style. (Quentin Crisp)
If at first you don't succeed, skydiving is not for you. (Arthur McAuliff)
If at first you don't succeed, destroy all evidence that you tried. (Author Unknown)
If at first you don't succeed, try, try again. Then give up. There's no use in being a damn fool about it. (W.C. Fields)

Tuesday, February 2, 2010

Ang Gansa



Kaugalian ng mga gansa ang monogamya o pag-aasawa ng minsan lang. Ang kanilang samahan ay tatagal ng maraming mga taon, at sa ilang mga kaso ay tatagal habang-buhay. Kapag ang isa ay madatnan ng wala sa oras na kamatayan ang naiwang kapareha ay di magtagal at sa kalaunan ay mamamatay din. Hindi man ito pagpapakamatay, ngunit ang kamatayan ng isang pusong basag ay para naring isang pagkilos ng pagpapakamatay.
Ang mga gansa ay isang simbolo ng pag-ibig o katapatan dahil sa kanilang mahaba at walang pagkupas na relasyong monogamya. Sa iba pang mga sanggunian sa klasikal na literatura isinama ang paniniwala na sa oras ng kamatayan, ang isang tahimik na gansa ay kakanta ng isang napaka-gandang awit – at dito nanggaling ang pariralang ‘swan song.‘

Ang mga gansa ay iginagalang sa mga taga-India. Ikinukumpara sa mga taong banal na ang pangunahing katangian ay ang mamumuhay sa mundo na hindi nakibahagi nito, tulad ng balahibo ng isang gansa na hindi nababasa bagaman ito ay nasa tubig. Ang salitang Sanskrito para sa gansa ay hamsa o hansa (gansa rin sa Visayas, salitang mula India), at ito ay ginagamit bilang sasakyan ng maraming mga dyosa. Ito ay nabanggit ng ilang beses sa panitikang Vedic, at ang mga taong umabot na sa dakilang espirituwal na kakayahan ay minsan ding tinatawag na Paramahamsa (Dakilang Gansa) sanhi ng kanilang espirituwal na biyaya at kakayahang maglakbay sa pagitan ng iba't-ibang mga espirituwal na daigdig. Sila ay naniniwala din na maaaring inumin ng isang gansa ang gatas at iwanan ang tubig mula sa isang platitong mayroong magkahalong gatas at tubig. Ito ay isinasaalang-alang bilang isang mahusay na kalidad, tulad ng ipinapakita sa pamamagitan ng tula na ito sa Sanskrito:

Ang gansa ay puti, ang pato ay puti,
kaya paano makilala ang pagkakaiba ng mga ito?
Sa pamamagitan ng gatas-at-tubig na pagsubok,
ang gansa ay napatunayang gansa, at ang pato ay napatunayang pato!

Monday, February 1, 2010

Ang Layunin ng Pag-ibig



Walang utos na kinakailangan pa upang ibigin ng tao ang kanyang sarili. Mayroong isang utos na ibigin natin ang ating kapwa gaya ng ating sarili, ngunit maliban sa napakabihirang pagkakataon, tayo ay hindi handang suungin ang isang panganib alang-alang sa ating kapwa. Kung hayaang pag-ibig lamang ang iiral, ito ay hindi sapat sapagkat ito ay masyadong maluwag, masyadong masunurin. Ito dapat ang pundasyon, ngunit hindi ito ang kumpletong istraktura. Para sa isang tao, ang unang pag-ibig ay laging napakahusay,napakagaling, hanggang makatagpo siya ng kanyang ikalawang pag-ibig.

Kapag ang pag-ibig ay labis na, madalas ang dulot nito sa isang tao ay ang pagkawala ng dangal o pagiging karapat-dapat. Dahil lamang sa pag-ibig mo sa isang tao ay hindi nangangahulugan na ikaw ay maabala na sa kanya. Ang pag-ibig ay hindi isang bandage pangtakip ng mga sugat. Kung minsan, kapag balikan mo ang isang sitwasyon, mapagtanto mo na hindi ito ang iyong inaakala. Dumating ang isang tao sa iyong buhay. Ikaw ay nahulog sa bitag ng pag-ibig. Ngunit maaaring ito ay kilos-batang pagkahibang lamang, o marahil ito ay isang kawalang-kabuluhang sandali lamang. Lahat ng pag-ibig na hindi naka-base sa pagkakaibigan, ay tulad ng isang malaking bahay na itinayo sa buhangin.

Ang pag-ibig ay isang damdaming kakaiba na maaaring isa sa mga pinaka-nakapagtataka sa buong mundo. Minsan ang mga emosyon na kaugnay sa pag-ibig ay napakaligaya, at may mga oras ding ito ay talagang nakakasakit. Sa bandang huli, ang pag-ibig ay isang bagay na karamihan sa atin, kung hindi man lahat, ay makatagpo nang hindi sinasadya. Ibat- ibang mga paraan upang tukuyin kung ano ang pag-ibig at iba't-ibang mga paraan upang ibigin ang isang tao o kahit ang iyong sarili. Walang eksaktong gabay kung paano ang umibig. Hindi rin maaaring diktahan ang isang tao upang ibigin ang sinumang di niya gusto. Maaari kang magpalimos ng pag-ibig, ngunit di mo saklaw ang kakayahan ng iba upang ibigin ka.

Laging may kabaliwan sa pag-ibig. Ngunit mayroon ding mga dahilan sa kabaliwan. Ngunit iyan ay hindi nangangahulugan na dapat mong payagan ang isang tao upang abusuhin o maliitin ka. Ang pagbibigay ng pagmamahal ay walang katiyakan na makakatanggap din ng pagmamahal.Subukan mong umibig para sa kapakanan ng pag-ibig. Maunawaan mo sana na ang isang tao ay maaaring magkaroon ng ibang paraan ng pagpapakita ng kaniyang pag-ibig para sa iyo; huwag mong asahan na mahalin ka tulad ng pagmamahal mo. Ang manunulat na sina Rumi, Hafez at Sa'di ay mga larawan ng silakbo ng damdamin at pag-ibig na ipinagkaloob ng kultura at wikang Persia. Mahigit pitong daang taon na ang nakaraan, si Sa'di ay sumulat:

“Ang mga anak ni Adan ay mga galamay ng isang katawan,
Bilang mga nilikha sa isang likas na katangian.
Kapag ang matinding panahon ng kalamidad ay magpahirap sa isang paa,
Ang iba pang mga bahagi ay hindi maaaring manatili at magpahinga.
Kung ikaw ay walang pakikiramay para sa mga paghihirap ng iba,
Ikaw ay hindi karapat-dapat na tinatawag sa pangalang ‘tao.’

Sa kultura ng Persia, ang lahat ay saklaw ng pag-ibig at ang lahat ay para sa pag-ibig, simula sa pagmamahal ng mga kaibigan at pamilya, mag-asawa, at sa huli ang pag-abot sa banal na pag-ibig na siyang pangwakas na layunin sa buhay.

Friday, January 1, 2010

Pinoy OFW, Nagbago Ka Na



Naalaala nyo pa ba noong dumating kayo sa Kuwait sa unang pagkakataon? Lahat ng bagay ay kakaiba at ang bagong kapaligiran ay talagang kapanapanabik at kagiliw-giliw. Lahat tayo ay nakadama na para bang ang isang panaginip ay sa wakas nagkatotoo. Katulad ng isang hanimun, ang lubos na kaligayahan sa pagsisimula ng isang bagong buhay ay makulay, masaya at puno ng pag-asa. Lahat tayong mga OFWs, kahit papano, ay dumaan ng ganitong karanasan.

Di nagtagal, una nating ini- reklamo ang tungkol sa isang ‘katotohanan’ na lahat ng bagay ay haram (ipinagbabawal) sa Kuwait at ang pagkain ay naiiba. Ang mga tao ay parang nakatingin sa iyo na iba ka. Ang iba sa atin paminsan-minsan ay nakadama na para bang may isang bandila ng Pilipinas sa ating mga noo. “Filipini” ang tawag nila sa ating mga Pinoy.

Ang iba ay sinubukang baguhin ang kultura dito hanggang sa mapansin nila na sila ang nabago. Ang iba ay gumalaw na para bang sila ay nasa Pilipinas lang, at marami sa kanila ang humantong sa di kanais-nais. Sa sobrang paggawa ng mga paghahambing sa kanilang mga buhay dito at doon sa atin, marami ang sumuko at umuwi. Ang iba ay bumuo ng mga estratehiya upang mapaglabanan ang kalungkutan at magampanan ang pang-araw araw na buhay. Sila ang kasama natin hanggang sa ngayon.

Marami ang natuwa. Marami ang nagsisisi. Ngunit sa hirap ng buhay, karamihan ay pilit lunukin ang mga bagay na sa una pa lamang ay mahirap nguyain. Marami sa atin ang natuto upang maunawaan ang mga kaganapan na maaaring lubhang naiiba. Sa paglipas ng mga taon, kahit hindi natin ginusto, ngunit ang tatak ng pagiging ‘iba’ ay madalas na nating napapansin sa ating mga sarili. Iba na ang pagkatao mo ngayon at di na maibabalik pa ang dati. Bilang isang OFW sa bansang Kuwait, marami ka nang napagdaanan. Marami ka na ring sekretong tanging ikaw lang ang nakakaalam. Sana wala nang iba pang makakatuklas nito, at huwag mo na ring sabihin pa sa iba. Bagong taon na naman. Bagong simula. Bagong pag-asa. Bagong buhay.