Tuesday, March 8, 2011

Boracay


Ang Boracay ay isang tropikal na pulo na tinatayang matatagpuan 315 km (200 milya) sa timog ng Maynila at 2 km sa hilaga-kanlurang dulo ng pulo ng Panay sa Silangang Visayas sa Pilipinas. Isa ito sa mga sikat na destinasyon ng mga turista sa bansa. Binubuo ang pulo ng mga barangay ng Manoc-Manoc, Balabag, at Yapak (3 sa 17 barangay na binubuo ng bayan ng Malay), at nasa ilalim ng pamamahala ng Autoridad ng Turismo sa Pilipinas na may ugnayan sa Pamahalaang Panlalawigan ng Aklan.

Ang Boracay ay nabibilang sa kumpol ng isla sa Panay sa Kanlurang Visayas. Ito ay maliit lamang at korteng buto. Matatagpuan ang Boracay mga dalawandaang kilometro sa timog ng Maynila. Bahagi ito ng bayan ng Malay sa probinsiya ng Aklan. Binubuo ito ng tatlong barangay: Manoc-Manoc, ang Balabag, at Yapak. Ang Yapak ay nasa hilagang dulo ng isla, Balabag ay nasa gitna, at ang Manoc-Manoc naman ay nasa timog. Ang Boracay ay pinamamahalaan ng Department of Tourism (DOT) kasama ng gobyerno ng Aklan. Ang isla ay may habang pitong kilometro at laking 1083 ektarya. Ang sentro ng isla kung saan naninirahan ang mahigit kumulang 16000 katao, ay patag at makitid. Ang katimugan at hilagang bahagi ng isla ay mas malapad at maburol. Ang pinakamataas na parte ng isla ay ang Bundok Luho na may taas na isandaang metro at nasa hilagang-silangang bahagi ng isla.

Ang Boracay ay unang tinirhan ng mga negrito o ati, kung saan sila ay nagsaka at nangisda ng ilandaang taon. Noong dekada '40 at '50, ang mga Boracaynon ay umasa sa yamang dagat at sa mga plantasyon ng niyog sa isla upang mabuhay. Ang kopra o pinatuyong laman ng niyog ay ikinalakal nila sa mga taga-Aklan kapalit ng bigas at iba pang mga produkto.
Pagsapit ng dekada '60, nagsimulang sumikat ang Boracay sa mga pamilya sa Panay. Nang nailathala ng isang manunulat na Aleman ang isang aklat tungkol sa ganda ng Boracay noong 1978, marami nang nagtungo sa Boracay mula sa iba't-ibang sulok ng daigdig. Simula noon, nabilang na ang Boracay sa mga dinadayo ng mga turista at isa na ito sa mga sentro ng turismo sa bansa. Ang pinakasikat na katangian ng Boracay ay ang pino at puting buhangin sa mga dalampasigan nito.
Maraming nagsasabi na hindi nakabuti sa isla ang pagdagsa ng mga turista pero tiyak na nagbago ang pamumuhay ng mga Boracaynon dahil sa pagsikat ng kanilang tirahan.
Maraming bersyon ng sanhi ng pagkakapangalan sa Boracay. May mga nagsasabi na galing daw ito sa isang lumang salita mula sa lokal na diyalekto: “borac”, na maaaring may kaugnayan sa “bulak”, dahil ang buhangin ay simputi nito. Isa pang bersyon ay nagsasabing galing daw ito sa “bora” o “bula” dahil naalintulad ng mga ati ang puting buhangin sa mga puting bula ng mga alon. Mayroon ding haka-haka na noong dumaong sa isla ang mga Kastila, namulot sila ng mga kabibe at sabi raw ng mga ati na “sigay” ang tawag sa mga iyon. Nang tinanong ng mga Kastila kung ano ang tinatanim ng mga ati, sagot nila ay “boray”, na buto ng gulay. Pinagsama di umano ng mga Kastila ang dalawang salita upang mabuo ang “Boracay”.

Walang paliparan sa Boracay. Ang pinakamadaling paraan para makarating doon mula sa Maynila o Cebu ay ang pagsakay ng eroplano papuntang Caticlan na nasa karatig-islang Panay. Mula sa Caticlan, makakarating na sa Boracay sakay ng bangka. Ang biyaheng bangka ay hindi pa aabot ng isang oras. (fil.wikipilipinas.org)

Sunday, March 6, 2011

BAKASYON!

ni Joshua Barbas, Maki-Alam Kuwait, Pag-usapan Po Natin!

Ito na naman po tayo sa ating buwanang kwentuhan na hatid sa atin ng KPCC at mula sa ating mga nalikom na mga salaysayin ng mga piling-piling istorya ng mga bayaning Kababayang-OFW sa Kuwait na sa ngayon ay unti-unti na tayong iniiwan ng malamig na panahon at maalikabok namang mga tanawin ang ating masasaksihan dahil hudyat o tanda naman ito na nagpapalit na ng panahon patungo sa tag-init, nawa’y wala pa rin sanang sawa magbahagi ang ilan pa sa mga Kabayan nating nag-e email sa inyong lingkod, tungkol sa kani-kanilang gustong ibahagi sa atin dito sa Maki-Alam monthly series na ka-kwentuhan na natin sa 2 taong nakalipas. Sa mga nag-send maraming salamat po sa inyong pakikiisa, sa ibang ‘di pa napa-publish ang kanilang kwento hintay lang po at atin itong iniipon pa at gagawan natin ito ng isang format o buo na salaysayin para pasok at akma sa susunod na mga issue ng ating pagsasaluhan sa mga susunod na buwan. Doon naman sa mga gustong mag-email ng kanilang kwento ito po ang email add natin: j8shua_2020@yahoo.com, at maraming salamat sa pakikibahagi at pakikiisa ng mga Kabayan.
Ang tema natin ngayon ay kwentong mga balik-bayan, at umuwi sa Pilipinas bilang temporary nilang bakasyon. Ilang piling istorya ng mga Kabayan natin na umuwi pangsamantala para masilayan o makita ang kani-kanilang mga mahal sa buhay sa ating inang sinilangang bayan. Madalas excited, ‘di makatulog, isip ng isip sa schedule kung kailan na ang uwi, maraming gustong ibaung pasalubong ayon sa listahan na inihanda o request ng kaanak sa atin pero ang budget pang-ticket lang, maraming extrang bitbitin at pasuyo pa ng ilang kakilala para maisingit sa mga maletang ‘di na magkasya ang mga gamit na dala, kaya naman ‘di namalayan over-bagged na pala, sige pa rin ng sige, doon na lamang magkaka-alaman sa airport kung excess na ang kilo ng dalahin sa limit ng bagahe ng airline services sa iyo, pero ang ibang diskarte pasuyo naman Kabayan wala ka namang ibang dalahin pa-share naman itong over kung kilo sa iyong baggage, ito ang kadalasang mapupuna, maririnig at mga eksena o tagpo sa airport kung atin lamang masasaksihan, ika nga ‘iba talaga ang Pinoy!’ although ganito na rin naman sa ibang lahi, basta pwedeng iuwi talagang ipipilit kaya nga madalas na tanong ng mga ibang lahi partikular ang mga Arabong Kuwaiti, for-good ka na ba? o retired ka na ba sa Kuwait? Sagot ng ating mga kabayang magbabakasyon, “Ay hindi first time na uwi ko ito!”
Si Juster taga-Baguio, 5 taon nang Barista sa isang kilalang pinapasukang coffee company na naka distino sa Fahaheel, pamilyado at may 2 anak na nasa piling ng asawang housewife doon sa nasabing lugar sa Pilipinas. Tuwing ika-2 taon ang uwi at schedule ng bakasyon n’ya kaya naman pag nagbakasyon ay hinuhusto at sinusulit n’ya ang 2 buwang kapwa special na treatment o VIP ika ‘nga na pag-aasikaso n’ya sa buong pamilya at sa kanya ng mga biyanan pati buong pamilya. Kaya ‘nga lang, kung ku-kwentahin ang mga nauubos nyang gastusin ay talagang simot ang kanyang budget. Buti na lang kahit housewife lang ang Misis ay maabilidad sa lutuing bahay at merienda ang sideline na diskarte niya sa tuwing umaga at tanghali ito’y nakadisplay sa labas ng bahay nila at ito’y ibenibenta. Dahil sa ang lugar nila ay daanan ng mga papasok sa trabaho at eskwelahan. Kaya ‘nga akma itong pinagkakitaan ng may bahay n’ya. Kaya ‘nga kahit konti lang ang buwanang padala ni Bro ay ok pa rin naman sa Misis n’ya dahil ang pangalawang plano naman nila ay ang magpagawa ng bahay sa Las PiƱas o Cavite, bukod pa sa regular na pag-iimpok o pagdedeposito nila ng maliit na savings para sa pag-aaral ng 2 nilang anak. Monitored nilang mag-asawa ang buwanang budget kaya naman talagang maayos sa usaping gastos ito lang talaga ang bakasyon ang ‘di ma-limit ang flow ng gastusin na ‘di ma maintain ang outcome ng pera. Sa susunod na taon ay tutungtong na ng Kolehiyo ang panganay nila kaya sure na mas malaki ang dapat na ilaang budget sa mga anak na gustong maging PMA student, take note ah, hindi ‘Pahinga Muna Anak’ kundi Philippine Military Academy siya mag-aaral. Joke lang po sa mga mambabasa. Para sa ating kapatid na ito ang bakasyon para sa kanya ay gamot sa 2 taong homesick na sakit niya, pero salamat na lamang daw at may internet para maging anti-biotic sa kanyang pangungulila sa pamilya, ito na rin ang diskarte n’ya para maturuan ng leksyon o aralin sa mga assignment ang mga anak. Kaya ‘nga lang sacrifice talaga kasi puyat siya sa chatting sa mga anak dahil iba ang oras sa atin advance ng 5 hours ang deperensya. Kung ako lang ang masusunod gusto ko mapabilis pa lalu ang oras para 2 years na naman ulit at para bago ulit na bakasyong grande. Ito kagagaling lang ng uwi sa Pinas, start ulit sa zero pati budget zero din, ‘hay ang buhay OFW ‘nga naman!
Si Tito ng Pasig City, 10 years na sa Ministry of Health bilang x-tray nurse assistant sa Shuwaikh, malaki ang sahod kaya naman taunan kung umuwi para magbakasyon sa atin at lagi ding may regular na mga cargo boxes kung magpadala sa kanyang mga magulang at kapatid sa atin. Solo (single) sa buhay ngunit may napupusuan na rin at planong pakasalan na, kung husto na ang ipon at schedules. Ang ating 35 years old na relihiyosong Kababayan, na walang ginawa kundi trabaho-accomodation lang ang routine sa araw-araw na buhay, madalas abala sa mga online studies sa internet, maparelihiyon o anumang bagay na makakapag-update sa kanyang kaalaman, new gadgets ng mga computers, website designs at s’yempre pag-da-da’wah (share ng religion) ang laging tinututukan sa Internet. Ito ang galaw ng mundo na ating kapatid na talaga naman kakaiba at lagi lamang sa flat sa Reggai buong linggo. Kaya naman ang bakasyon para sa kanya ay ‘di naman masasabing importante o priority n’ya every year, although allowed sa Ministry na pinapasukan niya. Dahil sa single pa lang ‘di pa masyado sa mga commitment ng buhay. Siguro soon magbabago din ang mga gawain ko bilang adjustment sa lahat pag nakasal na kami ng girlfriend ko na nasa London bilang Nurse doon at next year kukunin ko na siya at matapos ang kasal sa aming sabay na bakasyon ay ipa-family visa ko na lamang siya dito sa Kuwait. Kaya sure dito na namin masisimulan ang aming pamilya, InshaAllah!
Si Angel na taga Nueva Ecija, namamasukan sa opisina ng mga agency ng mga maid sa Jabriyah, 6 na taon na rin siya dito sa Kuwait at nagsimula din sa trabahong Kasambahay o maid sa parehas n’yang amo sa office na pinapasukan ngayon, dahil sa husay at marunong sa Computer at magsalita ng Arabic ang naging puhunan niya. Madalas ang bakasyon ng ating bidang ito, dahil related sa kanyang trabahong mag-asikaso ng mga applicants sa atin at mag-process na rin ng mga importanteng papeles doon sa Manila ang madalas na lakad ng kanyang uwi sa atin. Masaya siya sa kanyang trabaho kaya naman kahit ‘di kalakihan ang sahod o husto lang para sa kanya ay alaga naman siya ng opisina niya hinggil sa bakasyon madalas 1 o 2 beses taon-taon. Kaya naman madalas maraming pasuyo sa kanya, at madalas suki rin siya sa OWWA at POEA sa mga lakaring dokumento. Payo lang n’ya sa atin na ‘wag nating gayahin ang mga nababalitang mga nahuling mga Pilipino sa ibang bansa o lugar, na dahil sa mga pasuyo na mga bitbitin o padala na may kontra-bando pala (drugs o mga bawal na bagay sa Kuwait pati na sa ibang panig ng mundo). Kahit pa bawal na inumin o baboy never itong ipinasok ng ating kapatid na ayaw niyang mabahiran ang tiwala ng kanyang amo sa kanya. Ika nga n’ya aanhin ko ang bawal na iyan kung ‘yan ang sisira sa maganda kong buhay bilang OFW dito sa abroad. Mahirap ang buhay sa atin kaya ‘wag sayangin ang pagkakataong naghanapbuhay ng maayos sa bansang iyong pinaglilingkuran. Magandang payo ito Sis sa lahat.
Ang pamilyang Tolentino ng Salwa, buong pamilya sila kung magbakasyon sa ‘Pinas. Dala ng mga panahon na itinatapat sa bakasyon ng mga anak sa eskwela at ito na rin ang diskarteng sched na uwi nila mag-asawa para naman buo at walang iniisip na kung anu-ano o pag-aalala at masayang maituturing ang planong ito kaya naman kahit malaki ang budget na dapat ilaan walang choice ang mag-asawa kundi talagang dapat laanan ng gastos at oras ang bagay na ito. Masaya ang mga Lolo at Lola sa atin sa Calamba, Laguna kaya naman masaya talagang maituturing ang tuwing ika-2 taon na plano nilang umuwi sa atin, sa ganitong pagkakataon din ay natututunan ng mga anak nila ang pamumuhay sa ating bansa dahil ‘nga dito sila ipinanganak ipinapakilala din ng mga magulang ang buhay ‘Pinas para pag High school o Kolehiyo na ng mga anak ay ‘di ito mangapa o mahirapan sa adjustment sa atin. Ang bakasyon ay maituturing ‘ngang mahalaga sa pamilyang ito dahil sa paghuhubog sa isip ng kanilang mga anak na kapwa pa ngayon na sa Elementarya ngunit buo na ang plano pag-tungtong sa High school ay iba na ang magiging plan. Dahil obvious iba talaga ang budget ng mag-asawa kapwa magaganda ang profession ng mga trabaho dito sa Kuwait. Hindi man nila pinapansin ang gastusin pero tulad din sila ng ibang Kabayan natin na ubos ang budget tuwing uuwi at simula din sa zero pag balik sa bansang ito, ngunit plano lang nila ‘wag lahat ibaon o dalhin ang lahat ng budget dahil mahirap komontrol ng gastos sa atin, kailangang may itinira o itinabi para sa pagbalik sa Kuwait. Tama po kayo, tama ang advice n’yo marami ditong nakaka relate.
Iba talagang kwentong bakasyon, maraming alaalang maibabahagi at masasabi, masarap isipin na sana ‘di na matapos ang buwang pananatili sa mga kapamilya sa ating bansa, pero reyalidad talaga na laging matagal ang sakripisyo muna na puhunan, bago matamo ang maikling bakasyon. Kaya ‘nga pati ako naka-relate, ang titulo ng kwento natin ay ‘di na bakasyon, naging ‘bakas-na-lang iyon’ (kahapong nakaraan). Ikaw kelan ang uwi mo, ‘di ka na ba uuwi sa atin, ‘miss ka na ng Nanay at Tatay mo, ng asawa’t anak mo. Hay! Nakaka-miss talaga.
Ito na at huling yugto na naman ng ating pinagsaluhang mga salaysayin ng mga kwentong bida natin ngayon. Nawa’y nakapagbahagi kami ng ilang mga payo at inspirasyon sa mga suking mambabasa ng seryeng ito. Hanggang sa muli ng mga istoryang Pinoy sa Kuwait. Maraming salamat sa mga mambabasa at ikaw na nagbabasa nito, send ka naman ng kwentong buhay mo, kahit ano pa yan, sige na paalam sa lahat. Masalam!

Saturday, March 5, 2011

Sundin ang Kalikasan


Kapag nanonood ka ng nagma-magic, iniisip mo ba itong totoo? Tama ka, hindi ito totoo kaya nga tinawag itong magic na ang ibig sabihin ay paggamit ng mga ritwal o bagay upang makagawa o pigilan ang isang bagay o pangyayari.Nakakalibang panoorin ngunit hindi likas ang pianggagalingan kaya ito ay hanggang libangan na lamang. Subalit sa buhay ng tao ay mayroong mga sadyang likas sa tao. Magbago man ang panahon, kultura, paniniwala at kinagawian ng tao o grupo ng tao, mananatili ang mga ito sapagkat likas ito sa tao.

Isipin mo ang mga gawaing likas sa iyo bilang tao. Ikaw ay kumakain dahil nagugutom ka. Natutulog ka dahil inaantok at napapagod ang iyong katawan. Umiiyak ka dahil nalulungkot ka. Tumatawa naman kapag ikaw ay nasisiyahan. Ang mga ito ay likas sa tao. Ngunit alam mo ba na ang pagiging mabuti ng tao ay likas din sa kanya? Gusto mong malaman kung papano?

Ang tao ay mayroong isip (intellect) at kalayaan ng loob (will) kaya’t nasusuri niya ang kanyang mga kilos at reaksyon sa bawat nakikita, naririnig, nararamdaman, nalalasahan, at naaamoy. Dahil din sa kanyang isip at kalayaang loob ay kaya niyang maunawaan ang likas niyang kalikasan. Upang mapamahalaan niya nang maayos ang kanyang emosyon, kailangan niyang sundin ang mga batas na itinakda ng Diyos. Ang mga ito ay gagabay sa kanya upang maunawaang nilikha siya ng isang makapangyarihang Diyos. Sa mga kristiyano, nakasulat ang mga ito sa Bibliya, ang Sampung Utos ng Diyos. Habang sa mga muslim, ang mga ito ay nakasulat sa Koran.

Sa araw araw na pamumuhay, kinakailangan ng gabay ng kilos. Nandiyan ang mga Batas Moral upang kumilos ng tama at iwasan ang masama. Kahit pa sabihing likas sa tao na piliin ang tama at iwasan ang masama, kinakailangan pa rin niya ng gabay upang hindi maligaw ang kanyang landas. Isipin mo na lang kung walang pangalan ang bawat daan o mga roadsigns. Siguradong maliligaw ka at mahihirapang makarating sa nais mong puntahan. Marahil lahat ng taong iyong masalubong ay iyong tatanungin. Ganyan ang Batas Moral, mga roadsigns sa daan ng buhay ng tao. Kahit maraming pagsubok at tukso sa daan ng buhay, hindi ka maliligaw dahil mayroon kang gabay. Karagdagan pa, ang Batas Moral ay hindi nagbabago, magbago man ang panahon. Halimbawa, ang pagiging tapat sa kapwa ay ginagawa na ng tao noon, ngayon ang konsepto ng katapatan sa kapwa ay ganoon pa rin. Higit sa lahat, dahil ang Batas Moral ay batay sa batas ng Diyos, hinihimok nito ang tao na higit na sundin ang kalooban ng Diyos. Pinabubuti ng Batas Moral ang ugnayan ng Diyos at tao. (Project EASE, bse.portal.ph)

Friday, March 4, 2011

Ang Misyon Ko Sa Buhay


Mapalad ka talagang nilalang! Ikaw ay natatangi. May kapasidad kang malaman ang katotohanan at magpasya para sa kabutihan. Ang iyong malinis na konsensya ay daan para sa isang matatag na pagkatao at personalidad. Kaya bilang taong mayroong dignidad, mahalagang linawin mo ng katuturan ang iyong buhay. Higit na magiging makabuluhan ang iyong buhay kong magagamit mo ito nang wasto. May misyon ka ba sa iyong buhay? Mayroon ka bang inaasam at nakikinitang hinaharap na magtatalaga sa iyo upang maging ganap ang iyong pagkatao? Kanino mo ito inilalaan?

Basahin ang naging pananaw ni Mother Teresa tungkol sa kahalagahan ng buhay. Si Mother Teresa ay tinaguriang “The Living Saint” noong siya ay nabubuhay pa. Mula sa Calcutta ay naging tagapagkalinga siya ng mga maysakit at naghihirap sa iba’t-ibang panig ng mundo. Ayon kay Gilda Cordero-Fernando ng Philippine Daily Inquirer, may kaibigan na nakasama ni Mother Teresa sa India. Tinanong daw siya nito kung bakit kailangan oang linisn, paliguan at gupitan ng mga kuko ang mga taong may malalang sakit at nanlilimanhid sa dumi kung sila naman ay maaaring mamatay kinabukasan. Ang naging tugon ni Mother Teresa ay kung ang mga taong ito raw ay makadama ng tunay na pagmamahal kahit na isang segundo lamang sa kanilang kapwa ay nagawa na ng tao ang kanyang tungkulin sa mundo. Malinaw na ang misyon ni Mother Teresa ay ang ipadama ang pagmamahal ng Diyos sa mga taong maliliit, inabandona at wala ng pag-asa. Ginawa niya ito sa pamamagitan ng paglilingkod sa kapwa nang walang hinihintay na kapalit. Sa kabila ng kanyang nagawa, buong pakumbabang binanggit niya ito: “Ang lahat ay ginawa ng Diyos. Hindi ko ito ginawa. Ako ay isa lamang maliit na lapis na nasa kamay ng Diyos.”

Mahalaga ang pananaw ni Stephen Covey ukol sa pagpapahayag ng misyon. Ito ay hindi raw ginagawa ng madalian. Kailangan ng malalim at maayos na pagmumuni-muni, pagsusuri, pagpapahayag at maraming ulit na pagsusulat hanggang ito ang siyang magiging isang ganap na pahayag ng iyong misyon sa buhay. Maaaring abutin ka ng maraming araw ng pagsusuri, pagsusulat at pagbabago. Sa kabuuan, ang iyong misyon ang iyong magiging saligan at makabuluhang pahayag ng iyong pananaw at pagpapahalaga. Ito rin ang siya mong batayan upang masukat ang mga bagay-bagay na sangkot sa iyong buhay. Pinatunayan ni Covey na kailangan niyang maglaan ng panahon sa isang pampang na nag-iisa upang mapag-isipang mabuti ang nilalaman ng pahayag ng kanyang misyon. Matiyaga niya itong binuo sa loob ng maraming oras. Nasiyahan at may ganap na kalayaang naramdaman pagkatapos mabuo ang pahayag ng kanyang misyon sa buhay. Iniugnay niya ang bawat salita sa kanyang misyon sa kanyang pag-uugali at paniniwala sa buhay. Dahil siya ay kilalang manunulat at tagapagsalita sa malaking samahan at sektor sa lipunan, bahagi rin ng kanyang gampanin ang makaimpluwensiya sa pagbabago ng pananaw ng ibang tao. Pinatunayan niyang ang mga layunin at gampanin ng tao ang siyang bubuo at magbibigay direksiyon sa iyong misyon sa buhay. Malinaw na ang iyong misyon ay kinasasangkutan ng mga taong mahalaga sa iyong buhay. Mahalagang malinaw sa iyo kung anu-ano ang iyong mga gampanin sa buhay at kung anu-ano ang iyong pangarap at layunin sa buhay. (Project EASE, bse.portal.ph)

Thursday, March 3, 2011

Ikaw ay Natatanging Nilikha


Nabalangkas mo na ang mga paraan sa pagpapaunlad ng iyong sarili. Nakabuo ka na ng mga hakbang upang matupad mo ang iyong mga pangarap. Subalit mayroon pa bang higit na mahalaga bukod sa maabot mo ang iyong mga pangarap? Materyal na bagay nga lang ba ang maaaring makamit ng tao? Paano mo nga ba masasabing mapalad ang tao dahil maaaring mangarap at matupad ang mga ito? Ano ang komposisyon ng tao na maaaring daan sa pagtupad ng kanyang mga pangarap?

Natatangi ang tao sa lahat ng nilalang dahil pinagkalooban siya ng katawan at kaluluwa. Ang katawan ang materyal na representasyon at ang kaluluwa naman ang ispiritwal na kalikasan. Ang katawan ay maaaring mamatay habang ang kaluluwa ay mananatili at eternal. Ang katawan ang paraan ng tao upang siya ay umunlad at guminhawa sa buhay. Ang kaluluwa ang nagbibigay ng direksyon sa tao upang gumawa nang mabuti at kilalanin ang Maykapal. Ang katawan at kaluluwa ay kailanganng magkaisa sa paggawa ng kabutihan. Ang pagiging malusog at malinis ng katawan ang nagdudulot upang mag-isip nang mabuti at kumilos ng maayos.

Ang pagmamahal sa kapwa at sa Diyos ay nagpapabanal sa tao. Nakadarama ng kapayapaan sa puso at isipan ang taong gumagawa ng kabutihan sa kapwa; kaya’t gumagaan ang kanyang kalooban at katawan. Kaya’t mawala man ang iyong katawan sa mundong ito, makasisiguro kang maligaya ang iyong ispiritwal na kalikasan. Ito ay dahil ang ginawa mong kabutihan sa iyong kapwa ay kikilanin at tutularan ng mga taong iyong natulungan. At sa huli ay makakapiling mo ang Dakilang Lumikha.

Ikaw ay nilikha ng Diyos bilang isang indibidwal. Ang tao ay orohinal at katangi-tanging indibidwal, hindi lamang sa pisikal na anyo. Ang tao ay walang duplikasyon o katulad. Maging ang personalidad ng tao ay magkakaiba. Una, walang makapag-iisip na katulad ng iyong pag-iisip o makapangangatwiran ng tulad ng iyong pangangatwiran. Iba rin ang pagtingin ng iyong mga mata sa nakikita ng iba. Iba ang pndinig ng iyong tainga sa naririnig ng iba. Maging ang galaw ng iyong kamay at paa ay kaiba sa ibang tao. Kahit ang magkapatid o ang mga identical twins ay hindi magkamukhang-magkamukha. Ikalawa, ikaw ay nilikhang may ispiritwal na kalikasan. Noong ikaapat na siglo, sinulat ni Sy. Augustine na ang puso ng tao ay balisa o naguguluhan hanggang hindi niya natatagpuan ang Diyos. Ito rin ang paniniwala ni Blaise Pascal, isang siyentipiko at pilosopong Pranses. Ang ispiritwal na kalikasan ng tao ay naghihiwalay sa kanya sa iba pang uri ng nilikha. Kung kaya’t kapag ipinagwalang-bahala mo ang iyong ispiritwal na kalikasan, maihalintulad ka sa hayop o halaman.

Gusto mo bang matawag kang aso, ahas, o damong ligaw? Kung ganoon paunlarin mo ang iyong pisikal at ispiritwal na kalikasan! (Project EASE, bse.portal.ph)

Wednesday, March 2, 2011

Magtipid Ng Kuryente Sa bahay


Makakatipid ka at mako-control mo ang iyong energy bill sa pamamagitan ng wastong pag-amit ng kuryente. Kasing dali lang ng 1-2-3 ang mga energy saving tips na ito.

No Cost Energy Saving Tips

• Patayin ang mga equipment at appliances pag hindi ginagamit, tulad ng ilaw, television, mga computer monitor at printer.

• Refrigerator: Linisan ang mga coil nito. Huwag ito masyadong palamigin. 37 to 42 degrees lamang ang kailangan upang mapatagal ang mga fresh food, at 0 to 8 degrees lang ang kailangan ng frozen food.

• Kung may pangalawang refrigerator, i-unplug at i-recylcle na lang ito.

• Tuwing tag-lamig, i-set ang thermostat sa 69 degrees or less. Makakatipid ng mula 5 – 10% sa space heating. Linisin o palitan ang mga filter bawa’t buwan, pag tag-lamig. Panatilihing malinis, lubricated at adjusted ang furnace.
• Pag tag-lamig, buksan ang mga kurtina at papasukin ang init ng araw upang mabawasan ang lamig sa loob ng bahay.

• Pag naglalaba at nagpapatuyo ng damit, siguradohing puno ang washing machine at dryer. Gumamit ng malamig na tubig at cold water detergent. O kaya kung warm water ang gagamitin sa paglalaba, malamig na tubig ang gamitin sa pagbabanlaw. Laging linisin ang lint trap pagkatapos gamitin ang dryer. O kaya patuyuin ang damit sa sampayan.

• Kung may swimming pool kayo, gamitin ang pool filter at sweeper operations pag off-peak hours. Tanghali hanggang 6 p.m. ang peak hours.

• Air Conditioners: Linisin o palitan ang filter buwan-buwan. Inspeksyunin ang mga filter bawa’t buwan tuwing tag-init. Pag taglamig naman, huwag pabayaang bumaba sa 78 degrees ang thermostat pag may tao sa bahay. Mula 10-20% sa cooling cost ang matitipid. Pag wala namang tao sa bahay, ipirmi ang air conditioner sa 85 degrees