Showing posts with label inspiration. Show all posts
Showing posts with label inspiration. Show all posts

Saturday, March 5, 2011

Sundin ang Kalikasan


Kapag nanonood ka ng nagma-magic, iniisip mo ba itong totoo? Tama ka, hindi ito totoo kaya nga tinawag itong magic na ang ibig sabihin ay paggamit ng mga ritwal o bagay upang makagawa o pigilan ang isang bagay o pangyayari.Nakakalibang panoorin ngunit hindi likas ang pianggagalingan kaya ito ay hanggang libangan na lamang. Subalit sa buhay ng tao ay mayroong mga sadyang likas sa tao. Magbago man ang panahon, kultura, paniniwala at kinagawian ng tao o grupo ng tao, mananatili ang mga ito sapagkat likas ito sa tao.

Isipin mo ang mga gawaing likas sa iyo bilang tao. Ikaw ay kumakain dahil nagugutom ka. Natutulog ka dahil inaantok at napapagod ang iyong katawan. Umiiyak ka dahil nalulungkot ka. Tumatawa naman kapag ikaw ay nasisiyahan. Ang mga ito ay likas sa tao. Ngunit alam mo ba na ang pagiging mabuti ng tao ay likas din sa kanya? Gusto mong malaman kung papano?

Ang tao ay mayroong isip (intellect) at kalayaan ng loob (will) kaya’t nasusuri niya ang kanyang mga kilos at reaksyon sa bawat nakikita, naririnig, nararamdaman, nalalasahan, at naaamoy. Dahil din sa kanyang isip at kalayaang loob ay kaya niyang maunawaan ang likas niyang kalikasan. Upang mapamahalaan niya nang maayos ang kanyang emosyon, kailangan niyang sundin ang mga batas na itinakda ng Diyos. Ang mga ito ay gagabay sa kanya upang maunawaang nilikha siya ng isang makapangyarihang Diyos. Sa mga kristiyano, nakasulat ang mga ito sa Bibliya, ang Sampung Utos ng Diyos. Habang sa mga muslim, ang mga ito ay nakasulat sa Koran.

Sa araw araw na pamumuhay, kinakailangan ng gabay ng kilos. Nandiyan ang mga Batas Moral upang kumilos ng tama at iwasan ang masama. Kahit pa sabihing likas sa tao na piliin ang tama at iwasan ang masama, kinakailangan pa rin niya ng gabay upang hindi maligaw ang kanyang landas. Isipin mo na lang kung walang pangalan ang bawat daan o mga roadsigns. Siguradong maliligaw ka at mahihirapang makarating sa nais mong puntahan. Marahil lahat ng taong iyong masalubong ay iyong tatanungin. Ganyan ang Batas Moral, mga roadsigns sa daan ng buhay ng tao. Kahit maraming pagsubok at tukso sa daan ng buhay, hindi ka maliligaw dahil mayroon kang gabay. Karagdagan pa, ang Batas Moral ay hindi nagbabago, magbago man ang panahon. Halimbawa, ang pagiging tapat sa kapwa ay ginagawa na ng tao noon, ngayon ang konsepto ng katapatan sa kapwa ay ganoon pa rin. Higit sa lahat, dahil ang Batas Moral ay batay sa batas ng Diyos, hinihimok nito ang tao na higit na sundin ang kalooban ng Diyos. Pinabubuti ng Batas Moral ang ugnayan ng Diyos at tao. (Project EASE, bse.portal.ph)

Friday, March 4, 2011

Ang Misyon Ko Sa Buhay


Mapalad ka talagang nilalang! Ikaw ay natatangi. May kapasidad kang malaman ang katotohanan at magpasya para sa kabutihan. Ang iyong malinis na konsensya ay daan para sa isang matatag na pagkatao at personalidad. Kaya bilang taong mayroong dignidad, mahalagang linawin mo ng katuturan ang iyong buhay. Higit na magiging makabuluhan ang iyong buhay kong magagamit mo ito nang wasto. May misyon ka ba sa iyong buhay? Mayroon ka bang inaasam at nakikinitang hinaharap na magtatalaga sa iyo upang maging ganap ang iyong pagkatao? Kanino mo ito inilalaan?

Basahin ang naging pananaw ni Mother Teresa tungkol sa kahalagahan ng buhay. Si Mother Teresa ay tinaguriang “The Living Saint” noong siya ay nabubuhay pa. Mula sa Calcutta ay naging tagapagkalinga siya ng mga maysakit at naghihirap sa iba’t-ibang panig ng mundo. Ayon kay Gilda Cordero-Fernando ng Philippine Daily Inquirer, may kaibigan na nakasama ni Mother Teresa sa India. Tinanong daw siya nito kung bakit kailangan oang linisn, paliguan at gupitan ng mga kuko ang mga taong may malalang sakit at nanlilimanhid sa dumi kung sila naman ay maaaring mamatay kinabukasan. Ang naging tugon ni Mother Teresa ay kung ang mga taong ito raw ay makadama ng tunay na pagmamahal kahit na isang segundo lamang sa kanilang kapwa ay nagawa na ng tao ang kanyang tungkulin sa mundo. Malinaw na ang misyon ni Mother Teresa ay ang ipadama ang pagmamahal ng Diyos sa mga taong maliliit, inabandona at wala ng pag-asa. Ginawa niya ito sa pamamagitan ng paglilingkod sa kapwa nang walang hinihintay na kapalit. Sa kabila ng kanyang nagawa, buong pakumbabang binanggit niya ito: “Ang lahat ay ginawa ng Diyos. Hindi ko ito ginawa. Ako ay isa lamang maliit na lapis na nasa kamay ng Diyos.”

Mahalaga ang pananaw ni Stephen Covey ukol sa pagpapahayag ng misyon. Ito ay hindi raw ginagawa ng madalian. Kailangan ng malalim at maayos na pagmumuni-muni, pagsusuri, pagpapahayag at maraming ulit na pagsusulat hanggang ito ang siyang magiging isang ganap na pahayag ng iyong misyon sa buhay. Maaaring abutin ka ng maraming araw ng pagsusuri, pagsusulat at pagbabago. Sa kabuuan, ang iyong misyon ang iyong magiging saligan at makabuluhang pahayag ng iyong pananaw at pagpapahalaga. Ito rin ang siya mong batayan upang masukat ang mga bagay-bagay na sangkot sa iyong buhay. Pinatunayan ni Covey na kailangan niyang maglaan ng panahon sa isang pampang na nag-iisa upang mapag-isipang mabuti ang nilalaman ng pahayag ng kanyang misyon. Matiyaga niya itong binuo sa loob ng maraming oras. Nasiyahan at may ganap na kalayaang naramdaman pagkatapos mabuo ang pahayag ng kanyang misyon sa buhay. Iniugnay niya ang bawat salita sa kanyang misyon sa kanyang pag-uugali at paniniwala sa buhay. Dahil siya ay kilalang manunulat at tagapagsalita sa malaking samahan at sektor sa lipunan, bahagi rin ng kanyang gampanin ang makaimpluwensiya sa pagbabago ng pananaw ng ibang tao. Pinatunayan niyang ang mga layunin at gampanin ng tao ang siyang bubuo at magbibigay direksiyon sa iyong misyon sa buhay. Malinaw na ang iyong misyon ay kinasasangkutan ng mga taong mahalaga sa iyong buhay. Mahalagang malinaw sa iyo kung anu-ano ang iyong mga gampanin sa buhay at kung anu-ano ang iyong pangarap at layunin sa buhay. (Project EASE, bse.portal.ph)

Thursday, March 3, 2011

Ikaw ay Natatanging Nilikha


Nabalangkas mo na ang mga paraan sa pagpapaunlad ng iyong sarili. Nakabuo ka na ng mga hakbang upang matupad mo ang iyong mga pangarap. Subalit mayroon pa bang higit na mahalaga bukod sa maabot mo ang iyong mga pangarap? Materyal na bagay nga lang ba ang maaaring makamit ng tao? Paano mo nga ba masasabing mapalad ang tao dahil maaaring mangarap at matupad ang mga ito? Ano ang komposisyon ng tao na maaaring daan sa pagtupad ng kanyang mga pangarap?

Natatangi ang tao sa lahat ng nilalang dahil pinagkalooban siya ng katawan at kaluluwa. Ang katawan ang materyal na representasyon at ang kaluluwa naman ang ispiritwal na kalikasan. Ang katawan ay maaaring mamatay habang ang kaluluwa ay mananatili at eternal. Ang katawan ang paraan ng tao upang siya ay umunlad at guminhawa sa buhay. Ang kaluluwa ang nagbibigay ng direksyon sa tao upang gumawa nang mabuti at kilalanin ang Maykapal. Ang katawan at kaluluwa ay kailanganng magkaisa sa paggawa ng kabutihan. Ang pagiging malusog at malinis ng katawan ang nagdudulot upang mag-isip nang mabuti at kumilos ng maayos.

Ang pagmamahal sa kapwa at sa Diyos ay nagpapabanal sa tao. Nakadarama ng kapayapaan sa puso at isipan ang taong gumagawa ng kabutihan sa kapwa; kaya’t gumagaan ang kanyang kalooban at katawan. Kaya’t mawala man ang iyong katawan sa mundong ito, makasisiguro kang maligaya ang iyong ispiritwal na kalikasan. Ito ay dahil ang ginawa mong kabutihan sa iyong kapwa ay kikilanin at tutularan ng mga taong iyong natulungan. At sa huli ay makakapiling mo ang Dakilang Lumikha.

Ikaw ay nilikha ng Diyos bilang isang indibidwal. Ang tao ay orohinal at katangi-tanging indibidwal, hindi lamang sa pisikal na anyo. Ang tao ay walang duplikasyon o katulad. Maging ang personalidad ng tao ay magkakaiba. Una, walang makapag-iisip na katulad ng iyong pag-iisip o makapangangatwiran ng tulad ng iyong pangangatwiran. Iba rin ang pagtingin ng iyong mga mata sa nakikita ng iba. Iba ang pndinig ng iyong tainga sa naririnig ng iba. Maging ang galaw ng iyong kamay at paa ay kaiba sa ibang tao. Kahit ang magkapatid o ang mga identical twins ay hindi magkamukhang-magkamukha. Ikalawa, ikaw ay nilikhang may ispiritwal na kalikasan. Noong ikaapat na siglo, sinulat ni Sy. Augustine na ang puso ng tao ay balisa o naguguluhan hanggang hindi niya natatagpuan ang Diyos. Ito rin ang paniniwala ni Blaise Pascal, isang siyentipiko at pilosopong Pranses. Ang ispiritwal na kalikasan ng tao ay naghihiwalay sa kanya sa iba pang uri ng nilikha. Kung kaya’t kapag ipinagwalang-bahala mo ang iyong ispiritwal na kalikasan, maihalintulad ka sa hayop o halaman.

Gusto mo bang matawag kang aso, ahas, o damong ligaw? Kung ganoon paunlarin mo ang iyong pisikal at ispiritwal na kalikasan! (Project EASE, bse.portal.ph)

Wednesday, September 16, 2009

Ang Mayamang Negosyante na may Apat na Asawa



Noong unang panahon, mayroong isang mayamang negosyante na nagkaroon ng apat na mga asawa.

Mahal na mahal niya ang ika-4 niyang asawa. Binibigyan niya ng mga mamahaling kagamitan, masasarap na mga pagkain. Inaalagaan niya ito at wala siyang ibinigay dito maliban lamang sa kung ano ang pinakamahusay o pinaka-the best.
Mahal din niya ang kanyang pangatlong asawa. Proud na proud siya nito at lagi niya ito ipinakita at ipinagyayabang sa iba at sa kanyang mga kaibigan. Gayunman, takot siya na baka balang araw ang asawang ito ay tatakbo palayo at sasama sa ibang lalaki.

Iniibig din niya ang kanyang ikalawang asawa. Siya ay napaka-maalalahanin, pasensyosa at sa katunayan siya ang katiwala ng mayamang ito. Tuwing ang negosyante ay magkaroon ng mga problema, siya ay laging bukas sa kanyang pangalawang asawa at siya lagi ng tumutulong sa kanya na makaahon sa kanyang mga suliranin sa lahat ng panahon.

Ang unang asawa naman isang napaka-tapat at napakalaki ang kanyang kontribusyon sa pagpapanatili ng kanyang yaman at mga negosyo pati na rin ang pag-aalaga ng bahay. Gayunman, ang mayamang negosyante ay walang pag-ibig sa unang asawa at kahit na mahal na mahal siya kanyang unang asawa, hindi niya ito pinapansin o inaalagaan man lang.

Isang araw, nagkasakit ang mayamang negosyante. Nang nalaman niya na siya ay malapit ng mamatay, napag-isipan niya ang kanyang buhay na marangya at ang kanyang mga kayamanan at sinabi sa kanyang sarili, "Ngayon mayroon akong apat na mga asawa. Ngunit kung ako ay mamamatay, mag-iisa na lang ako. Napakalungkot sa aking libingan."
Kaya nagtanong siya sa ika-4 niyang asawa. "Minahal kita ng higit sa lahat. Binigay ko sa iyo ang pinaka-marangyang buhay, at inaalagaan kita. Ngayon ako ay mamamatay na, maaari bang sumunod ka sa akin sa libingan upang samahan mo ako
"Hindi pwedi!" sagot ng ika-4 na asawa sabay alis na wala ng pasabi.
Sa sagot ng ika-4 na asawa ay parang hiniwa ng matutulis na kutsilyo ang puso ng mayamang negosyante.

Pagkatapos tinanong niya ang pangngatlong asawa, " Minahal kita. Proud na proud ako sa iyo. Ngayong ako ay agaw-buhay na, ikaw ba ay susunod sa akin upang samahan ako sa aking libingan?"

"Hindi!" sumagot ang pangatlong asawa. "Ang buhay ay napaka-sarap dito sa mundo, at ako ay mag-aasawang muli kapag patay ka na!" Parang nawasak ang puso ng mayamang negosyante at siya ang nanglamig sa kanyang karirinig.

Pagkatapos nito ay nagtanong siya sa kanyang pangalawang asawa, "Ako ay laging nakabukas para sa iyo at sa iyo ako laging humihingi ng tulong at lagi mo akong tinutulungan sa aking mga problema. Ngayon, kailangan ko ang inyong tulong muli. Kung mamatay ako, ikaw ba ay susunod sa akin upang samahan ako sa aking libingan?"
"Ikinalulungkot ko, ngunit hindi kita matulungan sa oras na ito!" Sumagot ang pangalawang asawa. "Ang kaya ko lamang gawin ay ang paghatid sa iyo hanggang sa iyong libingan." Ang sagot na ito ay tulad ng isang kulog para sa mayamang negosyante at mas lalong siyang nalungkot.
Pagkatapos isang ang boses ang kanyang narinig: "Sasama ako sa iyo. Susundan kita kahit saan ka pupunta." Tumingin ang mayamang negosyante sa kanyang ulunan at doon nakita niya ang kanyang unang asawa. Payat na payat, katulad ng isang taong nagdusa mula sa malnutrisyon.
Labis na nalungkot, ang matandang negosyante ay nagsabi, "dapat ikaw pala ang mas inaalagaan ko noong kaya ko pa!" At ang matandang mayaman ay sising-sisi at naghihinayang hanggang sa kanyang huling hininga.

Lahat tayo ay mayroong apat sa asawa sa ating buhay.
Ang pang-4 na asawa ay ang ating mga katawan. Kahit anong pagsisikap natin upang ito ay magiging magmukhang maganda at mabuti, ito ay aalis sa atin kapag tayo ay mamatay.

Ang ating pangatlong asawa ay ang ating mga ari-arian, katungkulan at yaman. Kapag mamamatay tayo, lahat ng ito ay mapupunta sa iba.

Ang pangalawang asawa ay ang ating mga pamilya at mga kaibigan. Gaano man sila kalapit sa atin habang tayo ay nabubuhay, maaari silang manatili sa ating piling hanggang sa kung saan tayo ililibing.

Ngunit ang UNANG asawa ay sa katunayan ang ating kaluluwa, madalas nating napapabayaan dahil sa ating paghahanap ng mga materyal na kayamanan, katanyagan, katungkulan, at makamundong mga pagnanasa.

Ngunit tandaan natin, ito lamang ang tunay at bukod tanging susunod sa atin, saan man tayo pupunta.
Marahil ay isang magandang ideya na alagaan at palakasin natin ito ngayon, habang kaya pa natin, sa halip na maghintay tayo sa oras ng ating paghihingalo at dumadaing ng labis na panghihinayang.