Showing posts with label wisdom qoute. Show all posts
Showing posts with label wisdom qoute. Show all posts

Wednesday, September 2, 2009

Ang Katapatan


Ang katapatan at katotohanan kapag magkasama ay napakahusay. Ang katapatan ay katotohanan, at ang katotohanan ay katapatan. Maaaring hindi magiging dakila ang isang tao dahil lamang sa pagkakaroon ng katotohanan, ngunit ito ang pinaka mahalagang sangkap ng isang mahusay na katangian. Ito ay nagbibigay ng seguridad sa mga amo na umuupa sa isang tao, at pagtitiwala sa mga nasa ilalim ng kanyang pangangasiwa. Ang katotohanan ang pinakadiwa sa paninindigan, sa integridad, at pagsasarili, ang pangunahing pangangailangan ng bawat isa. Ang ganap na katapatan ay mas lalong kailangan sa ngayon kaysa sa kahit anong panahon sa ating kasaysayan.

Ang katapatan at ang integridad ay tinukoy bilang mga katangian na magbibigay-daan ng isang indibidwal na gawin ang tama ng madalas hangga't maaari, at kapag siya ay nakagawa ng isang pagkakamali inaamin niya ang kanyang kamalian. Ang ilang mga tao ay makatarungan ngunit hindi tapat, ang ilan naman ay tapat ngunit hindi makatarungan. May isang grupo ng mga piling tao na makatarungan at matapat ngunit karamihan sa mga taong ito ay hindi napapansin at walang kumakatawan.

Ang katapatan ay ang pagkapit sa katotohanan at kadalisayan. Ang taong matapat ay nagsasabi ng katotohanan, mapagkakatiwalaan, walang panlilinlang at totoo sa kanyang sarili. Ang katapatan ay ang paggawa ng tama na hindi hanggad ang pagkakaroon ng reputasyon, bayad, gantimpala o parangal. Ang katapatan ay ang pagtuklas kung ano ang katotohanan at nang ito ay matuklasan, pagtitibayin at panatilihin niya ito. Ang katapatan ay hindi lamang yaong pangkaraniwang iniisip ng mga tao, tulad ng hindi pagnanakaw, hindi pagsisinungaling, walang panlilinlang o pandaraya. Ang katapatan ay higit pa sa mga ito.

Monday, August 10, 2009

Kapighatian at Kahirapan




Ang tunay na mananampalataya ay yaong marunong tumanaw ng utang na loob at nagpapasalamat sa lahat ng kahanga-hangang mga biyayang ipinagkakaloob sa kanya ng Dakilang Lumikha. Gayundin, siya ay nagpapakita ng tunay na pagtitiis at buong pagtanggap sa panahon ng kapighatian, kahirapan, paghihikahos at iba pang mga pagsubok na maaaring dumating at maranasan sa kanyang buhay.

Dapat malaman ng tao na itinakda ng Dakilang Lumikha dito sa lupa ang kapighatian at kahirapang dumarating sa buhay ng bawa’t tao – mananampalataya man o di-mananampalataya. Kadalasan, kung ang tao ay hindi mananampalataya, ang kahirapan at kapighatian ay itinuturing na malaking sagabal at kaguluhan sa kanyang pamumuhay. Sa kabilang dako, itinuturing ng mga mananampalataya na ang lahat na nagaganap dito sa mundo ay mga pagsubok lamang. Gayundin, tinatanggap ng isang tunay na mananampalataya ang anumang pagsubok na darating sa kanyang buhay sapagka’t alam niyang bahagi ito ng kapalaran at batid niyang ang lahat ng pangyayari ay mga paraan ng paglilinis at pagpapatawad ng mga kasalanan.

Saturday, August 8, 2009

ANG PANGUNAHING ARAL NG ISANG TUNAY NA RELIHIYON



Ang pangunahing aral o katangian ng halos lahat ng mga relihiyon ay ang paniniwala sa iisang Diyos o ang Kataastaasang Nag-iisang Diyos na siyang Pinakamakapangyarihan at Nakakaalam ng lahat. Ang mga tagasunod ng bawa’t relihiyon ay naniniwala na ang kanilang Diyos na sinasamba ay katulad ng Diyos na sinasamba ng iba at tanging ang pagkakaiba ay ang pamamaraan ng pagsamba at ang pagkilala sa pangalan Niya. Ang ganitong pananaw ay hindi tinatanggap sa Islam. Ang Islam ay nagtatakda na ang paniniwala ay may kaakibat na gawa na umaayon sa utos ng Dakilang Lumikha. Ang paniniwala sa nag-iisang Diyos, ang pamamaraan ng pagsamba at ang pagkilala sa pangalan Niya ay may tamang pamantayan at gabay na sumasang-ayon sa iisang batas na Kanyang ipinagkaloob. Ang Banal na Qur’an ay nag-aatas na hikayatin ang mga “Angkan ng Kasulatan”, at magkasundo sa iisang salita hinggil sa nag-iisang Diyos:

“Sabihin (O Muhammad) : O Angkan ng Kasulatan (Hudyo at Kristyano)! Halin kayo sa isang salita na makatarungan sa amin at sa inyo, na wala tayong ibang sasambahin maliban sa (nag-iisang) Allah (SWT), at hindi tayo magbibigay ng ano mang katambal Niya, at hindi tayo kukuha ng ibang Diyos maliban sa Allah U,” At kung sila ay tumalikod, magkayo’y, sabihin, “Saksi kayo na kami ay Muslims”. Banal na Qur’an: Al-Imran [3]:64

Ang nasabing Ayat o Talata ay nagbibigay diin sa bawa’t Muslim na hikayatin ang mga Hudyo at Kristyano na magkaisa sa iisang paniniwala na walang dapat sambahin maliban sa nag-iisang Diyos - ang Allah (SWT). Ipinakikilala sa talatang ito ang pagiging makatarungan sa pagkilatis ng katotohanan, at isang salita o ugnayan na kung saan ay magiging katanggap-tanggap sa bawa’t panig.

Ang Kaisahan ng Allah (SWT) ay nagtatagubilin sa tao na IISA lamang ang nararapat na pag-ukulan ng pagsamba. Kasunod nito, nararapat na IISA lamang ang relihiyon na dapat tangkilikin ng tao, magkagayon, makatarungan lamang na IISA din ang pamamaraan ng pagsamba.

At sinabi ng Allah (SWT) "Huwag sumamba sa dalawang Diyos. Katotohanan, Siya lamang ang nag-iisang Diyos. Banal na Qur’an:An-Nahl[16]:51

Ang paniniwala sa Nag-iisang Diyos ay hindi nagtatapos sa simpleng paniniwala lamang, ang paniniwala ay pinagtitibay ng gawa at ang gawa ay nararapat na sumasang-ayon sa kagustuhan ng Nag-iisang Diyos. Samakatuwid, marapat lamang bigyan ng pansin na ang Islam ay nagtuturo ng isang paniniwala sa Nag-iisang Diyos, ang Allah (SWT), na pinagtitibay ng gawa ayon sa kautusan ng Nag-iisang Diyos. Anumang uri ng paniniwala na walang pagsagawa ay itinuturing na walang saysay.

Sa mabilis na paglipas ng panahon ang Kaisahan ng Allah (SWT), ang pagkilala sa IISANG relihiyon at ang iisang pamamaraan ng pagsamba ay nabahiran ng maraming pagdadagdag o pagbabawas. Nagsulputan ang iba’t ibang pananalampalataya na halos lahat ay nag-aangkin na nasa kanila ang kaligtasan. Ang pagtatakda ng Allah (SWT) sa kaganapang ito ay isang pagsubok sa talino ng tao sa kanyang malayang pangangatuwiran upang malaman kung ano ang tama at mali.

("Ang Batayan ng Tunay na Relihiyon")

Friday, August 7, 2009

SINO ANG TAGAPAGTATAG NG RELIHIYON ?



Ang Dakilang Lumikha lamang ang may tanging karapatan na magtatag at magbigay ng relihiyon kaalinsabay ng mga batas at kautusan. At ang relihiyon (pamamaraan ng buhay) ay patuloy Niyang ipinahayag mula pa noong nilikha Niya ang unang tao-(sina Adan at Eba) hanggang sa ihayag ito sa kabuuang anyo kay Propeta Mohammad at patuloy na ipatutupad hanggang sa Araw ng Paghuhukom.

Sa kaisipan ng ibang tao, ang relihiyon ay maaaring itatag ng kahit na sinong tao. Sa katotohanan, kahit sinong Propeta na isinugo ng Dakilang Lumikha ay hindi mga tagapagtatag ng Relihiyon. Ang Relihiyong Kristiyanismo ay hindi itinatag ni Hesukristo, ang relihiyong Judaismo ay hindi itinatag ni Propeta Moises, ang relihiyong Islam ay hindi itinatag ni Propeta Muhammad. Ang mga Propeta ay mga Sugo lamang ng Diyos na binigyan ng karapatan at kakayahan upang isakatuparan ng tamang pamamaraan ng buhay na tinatawag nga natin sa payak na kahulugan na “ relihiyon”. Si Moises ay hindi nagsabi na ang kanyang relihiyon ay Judaismo. Hindi ito matutunghayan sa Lumang Tipan o maging sa kanyang orihinal na Kasulatan na Tawrat. Si Hesus ay walang sinabi na ang kanyang relihiyon ay Kristiyanismo. Walang matutunghayang salita si Hesus na tumutukoy sa Kristiyanismo. Samantala, ang Banal na Qur’an na siyang huli sa lahat ng Banal na Kasulatan ay nagpahayag na ang Islam ang tunay at tanging relihiyon sapagkat ito ay nagmula sa Kanya. Ang Islam ay hindi kathang isip ni Propeta Muhammad bagkus ito ay kanyang ipinamahagi bilang mensahe sa kanya ng Nag-iisang Diyos, ang Allah (SWT). Ang mga Propetang isinugo ng Diyos sa lupa na kinikilala ng sangkatauhan tulad ni Adan, Noah, Abraham, Lot, Ismael, Isaak, Moises, Aaron, David, Solomon, Hesus at ang huli na si Propeta Muhammad ay iisa ang dalang relihiyon. Ito ay relihiyong ng kapayapaan. Sa wikang ginamit ni Moises at Hesus, ito ay tinawag na shalom. Sa wikang ginamit na arabik ito ay Islam-isang katagang hinango sa salitang salam na ang literal na kahulugan nito ay Kapayapaan, kapayapaan sa kapaligiran, kaisapan, kalooban at katawan ng sinumang naghahangad na isuko ang kanyang buong sarili sa Nag-iisang Diyos-ang Allah..

“Katiyakan, ang (tunay) na relihiyon sa paningin ng Allah ay ang Islam (ganap na pagtalima at pagsuko sa Kanyang kalooban)” Banal na Qur’an:Al-Imran [3]:19

At dahil mayroon lamang isang Tanging Diyos, at iisa lamang ang pinagmulan ng tao, samakatuwid isang panuntunan o relihiyon lamang ang ipinagkaloob upang ang lahat ng tao ay magkaroon ng isa at tanging pagkilala sa kanilang Diyos. Hindi Niya binigyan ng sariling relihiyon ang mga Hudyo, at hindi rin naman binigyan ng sariling relihiyon ang mga Kristiyano at hindi rin naman binigyan ng sariling relihiyon ang mga Muslim, bagkus isang Relihiyon ang ipinagkaloob Niya para sa sangkatauhan.

“Katotohanan, Aming ipinadala ang (kapahayagan) inspirasyon sa iyo (O, Muhammad) katulad ng Aming pagpapadala ng (kapahayagan) inspirasyon kay Noah at sa mga propetang (dumating) pagkaraan niya. At Amin ding binigyang inspirasyon si Abraham, Ismael, Isaak, Hakob at ang Al Asbat (labindalawang anak ni Hakob), Hesus, Hob, Jonas, Aaron, at si Solomon at kay David ipinagkaloob ang Zabur (Psalmo). Banal Na Qur’an:An-Nisa [4] : 163

("Ang Batayan ng Tunay na Relihiyon")

Sunday, July 5, 2009

Ang Karagdagang Pera Ba Ang Sagot?


Ang pagkakaroon ba ng mas maraming pera ang solusyon sa iyong problema tungkol sa paggastos? "Inaakala nating lahat na mas malaking suweldo ang sagot sa ating mga pighating pam-pinansiyal, ngunit iyon ay bihirang mangyari," sabi ng isang financial adviser na si Suze Orman.

Sa paglalarawan: Kung ikaw ay nagmamaneho ngunit walang kontrol sa iyong sasakyan o kaya’y nakapikit ang mga mata, ang paglagay ba ng mas maraming gasulina sa iyong tanke ay magbigay sa iyo ng komportable? Maaari mo kayang marating ang iyong patutunguhan ng ligtas? Gayundin, kung hindi mo alam kung paano kontrolin ang iyong paggastos, ang kumita ng malaki ay hindi sapat upang mapabuti ang iyong sitwasyon. [Awake, UAYA]

Bakit Mahirap Maging Assertive?

Saturday, July 4, 2009

Pera ang Bawat Oras


Ang ilang mga kultura ay may kasabihan, ang oras ay pera. Ito ay nagbibigay-diin na ang mga tao ay dapat na gumastos ng oras upang kumita ng pera at mag-aksaya ng oras upang mag-aksaya ng pera. Ang kabaligtaran ng kasabihang ito ay totoo - ang pera ay oras. Kung ikaw ay aksaya sa pera, inaaksaya mo rin ang mga oras na ginugugol mo para kumita ng pera. Alamin kung paano kontrolin ang iyong paggastos at iyong malaman kung paano kontrolin ang iyong oras. Kapag kino-kontrol mo ang iyong mga gastusin, makokontrol mo kung magkano ang iyong kikitain. Sa pamamagitan ng paglikha ng isang badyet at mananatili rito, hindi mo na kailangan pang magtrabaho ng mahahabang mga oras upang mabayaran lamang ang naglakihang mga utang. Ikaw ay magkakaroon ng kontrol ng iyong oras at sa iyong buhay. Tandaan, kung ikaw ay aksaya sa pera, inaaksaya mo rin ang mga oras na ginugogol mo upang kumita ng pera.[Awake, UAYA]

Assertive, Aggressive, Passive - Ano ang Pagkakaiba?

Wednesday, June 3, 2009

Paano ko Mapipigil ang Aking Paggasta?


Madalas ka bang bumili ng mga bagay na hindi naman kailangan, kaya lang dahil sa ito ay bagsak-presyo kaya binili mo? Ang paggastos ba ng pera ay parang kulang para sa iyo? Sa halip na alalahanin pa ang pera na wala sa iyo, bakit hindi alamin upang kontrolin ang pera na dumadaan lamang sa iyong mga kamay?
Ang pinakamainam na panahon upang malaman papano pamahalaan ang pera ay bago madanasan ang malupit na katotohanang pang-pinansiyal sa hinaharap. "Ang salapi ay sanggalang," sumulat si Haring Solomon. (Ecclesiastes 7:12) Ngunit protektahan ka lamang nito kung alam mo paano kontrolin ang iyong mga gastos. Ang pagkontrol sa paggastos ay mas madali sa salita kaysa sa gawa.
Ang paggastos ng pera ay kasiya-siya at tunay na madali. Ang pagbili ng mga bagay-bagay ay nagbibigay ng kilig sa sarili. Marami sa mga magkakaibigan, ang pamimili ay isang pangunahing uri ng libangan. Kapag kasama mo sila, likas na ang gumastos ng pera upang magkaroon ng saya. Ikaw ba ay gumastos dahil kaya mo o dahil lamang sa napipilitan ka? Maraming mga tao ang gumastos na ang hangad ay upang mapalakas ang kanilang reputasyon sa mga kaibigan at mga kasama. Ang ganitong pag-uugali ay maaaring maging sanhi upang ikaw ay magkakaroon ng malalaking problema sa pananalapi, lalo na kung ikaw ay mayroong credit card. "Kung ang nais mo’y hangaan ng mga tao sa kung anong meron ka sa halip na kung ano ka, ikaw ay nanganganib na maging isang abusado sa paggamit ng credit card." (Suze Orman, Financial adviser)
Sa halip na sukdulang gamitin ang credit card o gastosin ang buong sahod sa isang labasan, planohin ang mga lakad at kalkulahin ang limitasyon sa iyong mga gastos. Dalhin lamang ang sapat na halagang kailangan. Tama rin na sumama sa mga kaibigan na maingat sa kanilang mga pera at nanghihikayat sa iyo upang tumingin-tingin muna sa ibang mga tindahan sa paligid at hindi yaong bumili agad sa mga bagay pagkakita nito.
Maaaring sinusubukan ng buhay upang turoan ka sa mga pinaka-importanteng aral, na ang kaligayahan ay hindi nakasalalay sa pagkuha ng lahat ng bagay na gusto mo. "Siyang umiibig sa pilak ay hindi masisiyahan sa pilak; o siya mang umiibig sa kayamanan ay masisiyahan sa kanyang kita." (Ecclessiastes 5:10) Ang katotohanan ng mga salitang ito galing sa mga karanasan ng mga taong bumili ng lahat ng bagay na kanilang gusto. Hindi nagtagal natuklasan nila na sila ay hindi nagiging kontento. Kahit gaano karaming mga bagay-bagay na kanilang maipon, sila ay laging nakaramdam na kailangan pang bumili ng bumili pa. Pagdating ng panahon, ang mga taong ninanais lagi na makuha ang lahat ng kanilang mga kahilingan sa buhay ay nagiging mga walang pagpapahalaga sa buhay. [Awake, UAYA]

Tuesday, May 5, 2009

Kahirapan na Pangkalahatan


Sa isang news report mula sa Marketwire, ang kasalukuyang pang-ekonomiyang krisis ay sistematiko at pang-madla. Sa buong mundo, lumulubog ang pagiging optimismo ng mga mamimili, at walang rehiyong hindi tinatablan, kahit na ang umuusbong na Pamilihan – na dati ay malakas na tagapag-alaga ng pandaigdigang kompiyansa ng mga mamimili - ay pinapakita rin ang isang matarik na panghihina ng kanilang pagiging optimismo. Ang usapin ay nakasentro sa bansang Tsina, kung saan nakarehistro ang 42% na pagbagsak ng pangkalahatang optimismo mula sa nakaraang taon. Bilang tugon sa krisis, ang karamihan ng mga mamimili sa buong mundo ay gumawa ng mga pagbabawas mula sa kani-kanilang mga pam-pamilyang badyet.

Dahil ang ilang mga pulitiko ay hindi maintindihan ang katotohanan na ang ating mundo ay naging isa ng buo, sinasabi nila na "ang krisis ay sa ibang lugar lamang, wala dito sa atin." Ngunit sa katunayan, ang mundo ngayon ay isa nang sistemang magkakaugnay-ugnay. Dahil dito, sa kabila ng antas ng pag-unlad ng anumang bansa (pang-ekonomiya, pang-industriya, atbp.), kahit anong lumilitaw sa alin mang bahagi ng mundo ngayon ay umalingawngaw sa lahat ng dako. Bilang karagdagan, hindi natin masabi kung gaano kalakas itong mangyayari sa iba't-ibang lugar, dahil hindi natin alam ang tunay na istraktura ng bawat bansa sa pangkalahatang sistema.

Ang kahirapan ay nagsimula sa isang bagay na pangmadla o napagkaisahang dahilan para sa ating lahat – ang PERA. Gayunman, malapit na nating matuklasan na tayo ay lubos na umaasa sa isa’t isa sa lahat ng bagay! Isang payo lamang para sa lahat, mula sa pamahalaan hanggang sa mga karaniwang mamamayan: huwag gawin ang anumang laban sa iba; bawasan ang masyadong pagpapahalaga sa sarili; magbigayan, at tumulong sa iba. Kahit papano, ang mga kilos na ito ay pang-kontra sa kahirapan. (UAYA)

Monday, May 4, 2009

Bakit Mayroong Kahirapan?


Ayon sa isang online report ng Journal.com, nakakatakot ang prediksiyon ng International Labor Organization (ILO). Aabot daw sa 113 milyon ang mawawalan ng trabaho sa Asya sa taong ito at kabilang sa grabeng maaapektuhan ay ang Pilipinas. Ayon sa ILO, ito ay mahigit sa 22.3 milyon noong 2008 na bunga ng tinatawag na global economic crisis na dikuno’y patuloy na lulubha ngayon taong ito at aabot hanggang sa 2010. Bunga ng umiiral na problema, ang mga bansang tulad ng Malaysia, Thailand at South Korea ay huminto na sa pagbibigay ng working permit sa mga dayuhang manggagawa tulad ng mga Pinoy. Bakit nga naman aagawan ng hanapbuhay ang kanilang sariling mamamayan? Maging ang mayayaman na bansa tulad ng Estados Unidos, Middle East at iba pang bansa sa Europa ay nagsimula na ring maghigpit sa pagpasok ng mga dayuhang manggagawa. Ang ibig sabihin nito, mabilis na kumikipot ang mundo ng mga manggagawang dayuhan kabilang na rito ang sandamakmak na OFWs. Gaya ng alam ng lahat at maging ng buong mundo, ang OFWs ang siyang pangunahing export ng ‘Pinas kaya napapakilos pa ang operasyon ng gobyerno. Bakit umaabot pa tayo sa ganito? Bakit karamihan sa atin ay kailangan pang dumaranas ng kahirapan? Ang hirap at pasakit ba ay kakambal na sa ating buhay?

Ang lahat ng bagay na umiiral dito sa mundo, lalo na ang mga negatibong mga bagay, ay kinakailangan hanggang maituwid natin ang ating mga sarili. Ang isang tao ay uusad lamang ng pasulong kapag siya ay nakaramdam ng pangangailangang iwanan ang kanyang kasalukuyang kalagayan, dahil masama ang kanyang naramdaman dito. Ang kahirapan ay nagbibigay sa atin ng pagkakataong matoto upang maging bihasa sa iba’t-ibang antas ng ating pamumuhay at gumawa ng mga hakbang upang hindi na muli danasin pa ang mga di kanais-nais. Sinasanay nito ang ating mga sarili upang makita ang mga layuning nasa hinaharap ng mas maaga, at ang magiging bunga nito. Ang sama-samang paghihirap ay maaaring magbubunga ng sama-samang paghahanap ng solusyon at magbibigay daan upang tayo ay magkakaisa. Sa kasong ito, ang isang tao ay uusad papunta sa kanyang mga layunin at nanaisin niya ang mga ito ng taos-puso, at gumagalaw siya ng pasulong, sa halip na hayaang ang kahirapan ang magtulak sa kanya papunta dito. Samakatuwid ang kahirapan ay mayroong kadahilanan. Sisiguradohin lang natin na ang paghihirap at ang aral nito ay lubos na naunawaan upang tuluyan nang maiwasan ang paghihirap muli. (UAYA)

Sunday, May 3, 2009

Pagkakaroon ng Layunin sa Buhay ay Mabuti


Sa isang pag-aaral sa bansang Hapon kamakailan, ay nalaman na ang mga taong mayroong mga dahilan upang mabuhay ay mas mababa ang panganib ng kamatayan kaysa sa mga taong wala. Sabi ng mga nananaliksik, na sa paghahanap ng layunin sa buhay ay maaaring maiwasan ng isang tao ang panganib laban sa atakeng serebral o stroke dahil lang sa stress. Ang tanging bagay na hindi pa nila nalaman ay ang dahilan ng pagkakaiba-iba nga mga layunin.

Kung ganon, hindi mo kailangang maging isang siyentipiko upang mapagtanto na ang isang layunin na "kumikinang" para sa iyo mula sa malayo ay gaganap o magbibigay at papanumbalikin ang dati mong sigla. Ngunit ang hamon ay upang mahanap ang isang layuning tunay na mapanatili ang nasabing interes habang buhay. Sa katunayan, ito ay halos imposible, na mahanap ang isang pang-matagalang layunin dito sa mundo.Ito ay dahil sa ang lahat ng ating mga layunin ay unti-unting nawawalan ng halaga paglipas ng panahon at dahil sa iba't-ibang mga karanasan sa buhay habang tayo ay tumatanda, at sa pagbabago ng ating mga kagustuhan. O di kaya’y nakuha na natin ang ating mga layunin, at pagkatapos ay wala na tayong inaasam pa hinggil dito.

Subalit mayroong isang layunin na hindi kailanman kumukupas sa sandaling makuha natin ito, at maaaring tatagal habang buhay: ang mga espirituwal na layunin. Ang halaga nito, at ang ating pagnanais para sa mga ito, ay nadadagdagan kasabay sa paglipas ng panahon. Bakit? Dahil sa likas na katangian ng mga espirituwal na mga layunin, na kapag nakuha na natin, matutuklasan natin na ito ay tunay na mas higit pa kaysa sa ating inaakala, at agad-agad nating makita ang mga sumusunod, mas higit pa na antas ng kabanalan na maaaring makamtan natin. Dahil dito, ang pagkamit ng ganitong mga layunin ay walang hanggan, tulad ng layunin mismo, at hindi ito kailanman naglalagay ng hangganan sa ating pagnanais na makamtan ang mga ito.

Kaya ano ba talaga ang espirituwal na mga layunin? Ito ay ang pagsusumikap na makilala at maunawaan ang puwersa ng Kalikasan na namamahala sa buong sansinukob (kasama tayo) at nagtatakda sa galaw ng lahat ng bagay. Sa pamamagitan ng pagtamo nito, malalaman natin ang isang buhay na hindi saklaw ng panahon o espasyo, at lampas sa ating mga sentido, pangkatawang pag-iral.[KabNgayon,UAYA]