Friday, January 1, 2010

Pinoy OFW, Nagbago Ka Na



Naalaala nyo pa ba noong dumating kayo sa Kuwait sa unang pagkakataon? Lahat ng bagay ay kakaiba at ang bagong kapaligiran ay talagang kapanapanabik at kagiliw-giliw. Lahat tayo ay nakadama na para bang ang isang panaginip ay sa wakas nagkatotoo. Katulad ng isang hanimun, ang lubos na kaligayahan sa pagsisimula ng isang bagong buhay ay makulay, masaya at puno ng pag-asa. Lahat tayong mga OFWs, kahit papano, ay dumaan ng ganitong karanasan.

Di nagtagal, una nating ini- reklamo ang tungkol sa isang ‘katotohanan’ na lahat ng bagay ay haram (ipinagbabawal) sa Kuwait at ang pagkain ay naiiba. Ang mga tao ay parang nakatingin sa iyo na iba ka. Ang iba sa atin paminsan-minsan ay nakadama na para bang may isang bandila ng Pilipinas sa ating mga noo. “Filipini” ang tawag nila sa ating mga Pinoy.

Ang iba ay sinubukang baguhin ang kultura dito hanggang sa mapansin nila na sila ang nabago. Ang iba ay gumalaw na para bang sila ay nasa Pilipinas lang, at marami sa kanila ang humantong sa di kanais-nais. Sa sobrang paggawa ng mga paghahambing sa kanilang mga buhay dito at doon sa atin, marami ang sumuko at umuwi. Ang iba ay bumuo ng mga estratehiya upang mapaglabanan ang kalungkutan at magampanan ang pang-araw araw na buhay. Sila ang kasama natin hanggang sa ngayon.

Marami ang natuwa. Marami ang nagsisisi. Ngunit sa hirap ng buhay, karamihan ay pilit lunukin ang mga bagay na sa una pa lamang ay mahirap nguyain. Marami sa atin ang natuto upang maunawaan ang mga kaganapan na maaaring lubhang naiiba. Sa paglipas ng mga taon, kahit hindi natin ginusto, ngunit ang tatak ng pagiging ‘iba’ ay madalas na nating napapansin sa ating mga sarili. Iba na ang pagkatao mo ngayon at di na maibabalik pa ang dati. Bilang isang OFW sa bansang Kuwait, marami ka nang napagdaanan. Marami ka na ring sekretong tanging ikaw lang ang nakakaalam. Sana wala nang iba pang makakatuklas nito, at huwag mo na ring sabihin pa sa iba. Bagong taon na naman. Bagong simula. Bagong pag-asa. Bagong buhay.

Friday, December 4, 2009

Buhay Solo



Ang mga taong solo sa buhay ay madalas nahihirapang magpaliwanag ng kanilang sitwasyon sa hindi lang iisang tao. Palagi nilang ipinagtanggol ang katayuang sila ay wala pa ring asawa at dapat linawin ang mga dahilan nito. Mayroon kasing isang halimbawang inaasahang gayahin ng lahat: tapusin mo ang iyong pag-aaral, lumagay sa estado ng pag-aasawa, at magkaroon ng mga anak. Ito ang karaniwang nangyayari sa lipunan at inaasahang gayahin ng lahat. Kung sasalungat ka sa mga ito, kailangan mong ipaliwanag lagi ang iyong dahilan.

Ang sistemang ito sa lipunan ay hindi angkop para sa lahat ng mga tao. Kung papano mamuhay ang isang indibidwal ay dapat nating igalang. Gayunpaman, ang taong buhay solo ay lagi na lamang nagtatanggol kung bakit niya ito pinili. Ang pamimilit ng lipunan ay dumadating sa iba't-ibang pamamaraan. Ang ilan ay masyadong lantaran, tulad ng mga kaibigan, ka-pamilya at kahit pa yaong mga taong di mo kilala, na magtatanong: Bakit solo ka pa sa buhay? Ano pa ang hinihintay mo? Alam mo bang paglampas mo na sa tamang edad ay maaaring hindi ka na magkaroon ng mga anak? At marami pang ibang mga katanungan.

Ang iba pang uri ng pangungutya ay di lantad, tulad ng titig na may kasamang awa sa iyo kapag masabi mo na ang iyong marital status. Ang patuloy na pagtatanggol ng iyong sarili at ang mga titig ng awa sa kalaunan ay magbubunga ng paniniwalang ikaw nga ay mali sa iyong desisyon.

Para sa lahat ng mga taong buhay solo, hindi mo na kailangang guluhin pa ang iyong sarili sa ganitong mga panggagambala! Sa tingin ko maaari mong ibalik sa kanila ang kanilang mga sinasabi. Tanungin mo kung bakit sila nag-asawa ng maaga, at bakit pinili nilang magkaroon ng mga anak ng maaga. At huwag kalimutan na bigyan sila ng isang titig na nakakalungkot habang sila ang nangangapa ng mga kasagutan sa iyong mga katanungan. Ipaalam sa kanila na masyado silang nagmabilis sa kanilang mga desisyon at sabihin na may tamang panahon kung kailan lalagay sa buhay na may nagpapabigat.

Naniniwala ako na may sabwatan lang ang mga iyan. Sa tingin ko, kung ating alamin kung ano talaga ang nasa loob nila, mas ninanais nila ang mag-isa, at gusto lang nila na hatakin ka pababa sa parehong antas ng paghihirap. Huwag mong hayaang mahulog sa kanilang mga bitag.

Thursday, December 3, 2009

Papaano Maging Karapat-dapat sa Paraiso



Sa kasalukuyan mundo na puno ng mga pagsubok, kahit sino pa man, upang maging karapat-dapat para sa Paraiso, ay kailangang magkaroon ng dalawang kwalipikasyon: isa rito ay ang kilalanin ang katotohanan at ang isa pa ay ang dumanas ng isang pamumuhay na may prinsipyo. Ang mga taong maging karapat-dapat sa pagsusulit na ito ay bibigyan ng isang lugar sa Paraiso - kung saan ang lahat ng kanilang mga hinahangad ay matutupad. Para naman sa mga taong hindi magtagumpay sa pagsubok na ito, gugulin nila ang isang estado ng buhay na pinagkakaitan ng walang hanggan.

Sa kasalukuyang mundo, matutunghayan ng bawat tao ang kanyang sarili na malayang-malaya. Gayunman, ang kalayaang ito ay hindi pag-aari niya bilang isang karapatan, ngunit sa halip ay isang pagsubok. Walang ibang dapat gawin ang tao liban sa kilalanin ang katotohanan sa nag-iisang Diyos, at sumuko sa Kanya - hindi sa pamamagitan ng pamimilit ngunit sa kanyang sariling kagustuhan. Itong pagsuko sa katotohanan sa nag-iisang Tagapaglikha ay walang duda ang pinakamalaking sakripisyo na magawa ng sinumang tao. Ang pagtanggap ng katotohanan sa nag-iisang Tagapaglikha ay ang pagpalagay sa sarili na mas maliit sa harap Niya, at ang pagpapakumbaba maging sa kapwa. Ngunit ito ay ang tunay na kalinisang-puri, na maghirang ng tao sa pinakamataas na posisyon. Tunay na ito ang magdadala sa kanya sa mga pintuan ng Paraiso.

Ang pangalawang mahalagang bagay ay ang pangangailangan ng pagdanas ng isang ma-prinsipyong uri ng pamumuhay. Kadalasan ang karakter ng isang tao ay hinuhubog sa pamamagitan ng kanyang mga emosyon - galit, paghihiganti, inggit, tunggalian, atbp. Ang mga ito ay ang negatibong damdamin na humuhugis sa pagkatao ng isang tao. Ngunit sa pamamagitan ng mga ito, ang tao ay dapat maging disiplinado. Hindi niya dapat gawin ang kanyang pagkatao sa ilalim ng impluwensiya ng panlabas na mga insentibo, ngunit sa pamamagitan ng kanyang sariling desisyon, dapat magtatag ang mga ito batay sa mas mataas na prinsipyo. Ito ay ang tinatawag na Banal na karakter.

Wednesday, December 2, 2009

Ano Ang Paraiso



Paraiso ang pangalan ng isang huwarang mundo at ang pagnanais para dito ay nasa puso ng bawat isa. Dito lamang sa Paraiso makamit ang katuparan ng pagiging isang tunay na tao. Buong buhay siyang nagnanais makamtan ang tunay na Paraiso, at ito naman ay naghihintay lamang sa kanya.

Ang Paraiso ay ang mundo, kung saan maabot ng isang tao ang kanyang kumpletong katuparan. Ito ang kanyang tahanan kung saan siya ay makapag-isip sa paraang gusto niya.
Ito ang daigdig kung saan makikita ang lahat niyang hinahangad na makita. Dito niya marinig ang mga tunog na magbigay-lugod sa kanyang mga pandinig sa tunay na kahulugan. Dito niya mahahawakan ang mga bagay-bagay na nagbibigay sa kanya ng pinakamataas na antas ng kasiyahan. Dito niya makakasama ang mga taong gawin ang kanyang buhay na lubhang mahalaga. Dito niya malanghap ang tunay na sariwa’t nakapagpapasiglang simoy ng hangin. At dito sa Paraiso, siya ay makakakain ng mga pagkaing labis niyang minimithi at mga inuming tanging nasa guniguni lamang ng kanyang kaisipan sa ngayon.

Tuesday, December 1, 2009

Bakit May Kabilang Buhay



Maraming tao ang naniniwala na may dahilan para sa ating pananatiling buhay at kadalasan ito ay batay sa relihiyon. Maaaring isang napaka malalim na paniniwala na ang tanging dahilan kung bakit tayo ay nandidito sa mundo ay dahil kinakailangan nating magsilbi para sa isang layuning bahagi sa isang dakilang plano. Ang ating pag-iral ay isa lamang maikling hakbang, isang 'pagsubok' bago tayo pumunta sa mas totoong buhay. Ito ay isang napaka-matibay na paniniwalang mahirap baliwalain, kahit sa mga taong hindi naniniwala nito.

Sa buong kasaysayan nagkaroon na ng maraming bilang ng mga tao na may ginawang sakripisyo para sa kapakanan ng iba, kahit ang sariling buhay ay ibinigay para sa kanilang mga ipinaglalaban. Marahil sila ay namatay na may kasiyahan sa pagkakaalam na sila ay mayroong nagawang isang makabuluhang kontribusyon sa pag-unlad ng sangkatauhan. Maaaring tama sila, ngunit ano ang kanilang nakamit? Ang isang mas mabuting buhay para sa mga naiiwan na kung saan ang lahat ay nagpapasalamat?

Ngunit may ilang mga tao na hindi kumbinsido na mayroong "kabilang buhay." Gayunpaman, ang hinaharap ay hindi maaaring baliwalain dahil lamang sa iilang hindi kumbinsido nito. Kung ang Tagapaglikha ay kayang gumawa ng kahit ano, at wala ng susunod pa maliban sa mundo ito, tiyak ang Kanyang ginawa ay hindi kanaisnais para sa atin. Madalas nating makita ang mga tanda ng mga kamay ng Tagapaglikha bilang tagapagpanatili sa ating mundo, ngunit nakikita din natin ang kawalan ng katarungan. Dahil ang Maylikha ay makatarungan, dapat lamang na pagkatapos sa mundong ito mayroon pang isang naghihintay na magbibigay ng kabayaran sa mga taong nagtitiis, at katarungan sa mga gumawa ng kamalian.

Upang magkakaroon ng iba’t-ibang mga karanasan, ang mga disenyo ng bawat kapaligiran ay ginawa ng Maylikha ayon sa kinakailangan. Ang mga lugar ng gantimpala at kaparusahan ay dapat na ganap na naiiba. Kaya nilikha Niya ang dalawang mundo: ang daigdig na ating ginagalawan ngayon at ang susunod pagkatapos nito. Ang ngayon ay kaharian ng natural na mga batas, at nandirito ang lahat ng karapat-dapat para sa ating mga espirituwal na pakikibaka. Ang susunod ay kaharian ng espirituwal na mga batas; at nandodoon ang lahat ng karapat-dapat para sa kasiyahan ng mga gantimpala.

Ang susunod na mundo ay isang mahalagang bahagi ng tunay na pagsamba. Ang sinaunang mga propeta, mga iskolar, at mga pantas ay laging tumutukoy sa kabilang buhay. Ang mga aklat at mga kasulatan ay gumawa ng maraming mga pagbabanggit nito. Walang pag-aalinlanganan na sa buong kasaysayan, ito ay isang batayan ng lahat ng porma ng pananampalataya, na mayroong susunod na mundo, mayroong kabilang buhay.

Hindi lamang para sa katarungan, ngunit para sa ating tunay na gantimpala. Ang tunay na kahanga-hangang karanasan sa pagiging isa sa mga tatanggap ng gantimpala sa paggawa ng mabuting gawain dito sa mundo, ay maaari lamang na maranasan sa isang lupain na sadyang ginawa para sa gantimpala at pagkamalapit sa Walang-hanggan. Ang mundong ito ay ganap na naka-disenyo para sa mga hamon; ang susunod na mundo ay ganap na naka-disenyo para sa kasiyahan at tuwa kasama ang Maylikha. Iyon ang dahilan kung bakit may mga pangangailangan na magkaroon ng dalawang kaharian. Iyon ang dahilan kung bakit ganito ang ating mundo. Ang bawat aspeto ay isang pagsubok at paghamon.

Ang susunod na mundo ay dinisenyo para sa kanyang sariling layunin, kung saan matutunghayan ang puro at lubos na kaligayahan. Kapag inilagay sa kanilang tamang pananaw, ang lahat ng mga problema sa buhay ay maging maliwanag. Hindi maging madali, hindi maging kaaya-aya, ngunit maging maliwanag. At kapag naiintindihan ng isang tao ang paghihirap, ang kanyang mga pasanin ay mapagaan ng lubosan. Kaya maaari pa rin tayong magkaroon ng kapanatagan ng kaluluwa at kapayapaan ng isip. Gayon pa man ang tunay na mundo ay ang mundo na darating pa. Ito ang tinatawag na Paraiso.

Wednesday, November 4, 2009

Ang Tao



Sa inihayag na mga kasulatan makakahanap tayo ng maraming mga obserbasyon na nagbigay ng liwanag sa kaisipan ng tao at sa kanyang magkasalungat na kalooban. Sa walang pag-aalinlangan wala ng mas kahanga-hanga pa, mas maselan at sensitibo sa lahat ng nilikha liban sa tao. Kasabay nito, siya ang may pinakamalaking magkahalong salungatan. Siya ay mahina, ngunit humahanga sa lakas. Siya ay mahirap ngunit baliw na baliw sa kayamanan.Siya ay may kamatayan ngunit naghahahangad ng buhay kawalang-hanggan. Siya ay isang tagapagmana ng isang daang karamdaman at mga sakit ngunit naghahanap ng kalusugan at kaligayahan. Siya ay may mahinang damdamin ngunit maraming ambisyon. Ang kanyang mga pangangailangan at ang kanyang hinahangad ay walang hanggan. Siya ay mas masilan pa kaysa sa bula ngunit hindi mapakali. Ang kanyang mga damdamin at emosyon ay nagbabago sa bawat sandali. Ang kanyang pagkauhaw ay di matatapos.Siya ay hindi nagpapahinga makamtan lamang ang mataas na karangalan ngunit hindi rin nasisiyahan. Kung ano ang meron siya para sa kanya ay wala itong alindog habang kung ano ang wala siya ay palagi niya itong hinahanap upang kanyang makamtan. Itong limitadong mundo, ang panandalian buhay, ay hindi sapat para sa pagtupad ng kanyang hinahangad at mga pangarap. Ngunit sa mga magkasalungat na ito, sa kataasan ng kanyang ambisyon at ang bagabag ng kanyang kaluluwa, doon nakatago ang mga lihim ng kaluwalhatian ng tao at sa kanyang mataas na pwesto bilang Vicegerent (Katiwala) ng Diyos sa lupa. Ito ay kahanga-hanga, ang kakaibang uri ng kanyang likas na katangian na kung saan sapilitan sa kanya upang tanggapin ang mapanganib na responsibilidad bilang katiwala, matapos ang mga langit, ang lupa at ang mga bundok ay tumangging pasanin ang mga ito.

“Katotohanang Aming inihandog ang Amanah sa kalangitan at kalupaan at sa kabundukan, datapuwat tumanggi sila na dalhin ito at sila ay nangangamba rito, at ang tao ay nagpasan nito. Katotohanang siya ay hindi makatarungan at walang muwang.” (Qur’an 33:72)

Tuesday, November 3, 2009

Ang Dalawang Yugto ng Buhay



Ang buhay ng tao ay isang natatanging palatandaan na wala ng iba pang halimbawang matatagpuan sa buong kalawakan ng sansinukob. Ang tao ay makatwirang tinawag na “pinakamahusay sa lahat ng mga nilikha”, na nangangahulugang ang pinakamahusay at pinaka-mabuluhang “nilikha” sa lahat ng mga bagay na nalikha. Ang ganyang “makabuluhang nilikha” ay hindi maaaring nilikha nang walang dahilan. Ang Maylikha ng tao ay lumikha sa kanya ayon sa isang espesyal na plano. Ang Kanyang layunin na ang tao ay dapat gugugol ng panahon ng pagsubok dito sa kasalukuyan, hindi lubos na mundo at kasunod nito, ayon sa kanyang mga gawa, siya ay magkaroon ng karapatang manahan sa isang sakdal at walang hangganang mundo, ang tinatawag na Paraiso.

Ang Maylikha ay lumikha ng mundong ito, bilang isa sa kalahati ng isang pares - ang unang kalahati ay ang kasalukuyang mundo, kung saan tayo ay namumuhay pagkatapos tayo ipinanganak, at ang isa pang kalahati ay ang walang hangganang mundo kung saan titira tayo pagkatapos ng kamatayan. Ginawa ng Maylikha ang tao bilang isang walang hangganang nilikha at hinati ang kanyang buhay sa dalawang yugto - ang panahon bago dumating ang kamatayan o ang buhay sa mundo at ang panahon pagkalipas ng kamatayan o ang buhay pagkabuhay muli. Ang limitadong panahon bago ang kamatayan ay sinadya upang maging isang pagsubok para sa tao, habang ang panahon ng pagkabuhay muli ay ang panahon para sa kanyang mga gantimpala o parusa, batay sa kanyang pagganap sa mga pagsubok sa buhay na ito. Ito ang pamamaraan ng buhay sa mundo batay sa pagbalangkas ng kanyang Manlilikha. Ang tunay na layunin sa paglikha ay para piliin ang mga angkop na tumira sa mundo ng Paraiso.

Monday, November 2, 2009

Ang Pagkakalikhang Plano ng Diyos



Sabi ng isang dalubhasa sa pilosopiya mula sa kanluran, na lumilitaw na ang tao ay isang estranghero sa malawak na sanlibutan. Tila ang tao ay hindi ginawa para sa mundo, ni ang mundo na ito ay ginawa para sa tao. Parehong tila hindi magkabagay.

Ang tao ay ipinanganak na may potensyal na walang hanggan, ngunit sa kasalukuyan mundo makahanap lamang siya ng napaka-limitadong gamit para sa mga ito. Ayon sa kanyang likas na katangian, ang tao ay nagnanais na mabuhay magpasawalang-hanggan, ngunit di magtagal, at di man niya gusto, ang kamatayan ay darating upang taposin ang kanyang buhay. Siya ay kumupkop ng katakut-takot na dami ng mga hangarin sa kanyang puso, ngunit ang mga ito ay hindi kailan man natupad. Siya ay nagtalaga ng isang buhay ng mga pangarap sa kanyang kaisipan, ngunit ang mga pangarap na ito ay hindi kailanman maisasakatuparan. Sa ganitong kalagayan, ay walang pagkakaiba sa pagitan ng isang mahirap na tao at ng isang mayaman. Bakit hindi magkabagay ang tao at ang kasalukuyan mundo? Maaari nating makita ang mga sagot kung ating maunawaan ang Paglikhang Plano ng Diyos.

Ang katotohanan ay ang Diyos - ang Maylikha ng tao, ay lumikha ang tao ayon sa Kanyang plano. Para maging malapit sa planong ito ay kinakailangan para sa isang tao na magkaroon ng isang masusing pag-unawa ng kanyang sarili - tulad ng paggawa ng isang makina ay maaari lamang mauunawaan kung pag-aralan natin ang mga disenyo ng makinista na gumawa nito. Bukod sa isip ng makinista, walang iba pang mga bagay na maaaring magpaliwanag kung para sa ano ang makina ay sinadya. Ang kalagayan ng tao ay magkatulad.

Sunday, November 1, 2009

Ang Tao, Ang Tanong



Sa ating buhay, mayroong isang katanungang nananatili sa likod ng bawat katanungan. Ito ay sagot sa isang malalim at matinding katanungang hindi nasasagot sa ibang paraan, "Ano ang kahulugan ng aking buhay?" Para sa isang taong nagtatanong nito, na hindi makakahanap ang sagot mula sa mga tradisyon, siyensiya, sikolohiya, sining at panitikan; sa isang taong hindi nasisiyahan sa kahit ano pa man maliban sa pagkakaroon ng mga kasagotan sa mga tanong na ito, siya ay handang damhin ang antas na lampas na sa limang pandamang bahagi ng tao.

Ano ang layunin ng paglikha? Bakit ako umiiral at bakit ako nandirito. Ang mga ito ay iilan lamang sa mga palaisipan ng bawat tao mula sa simula. Ang buong sansinukob na umiiral ay nagpahiwatig na mayroong isang taga-paglikha. Ang mga disenyo ay nagpapahiwatig ng isang tagagawa. Samakatuwid, kailangan nating malaman ang mga layunin ng pag-iral upang magkaroon ng kahulugan ang buhay at upang gawin kung ano ang kapaki-pakinabang. Gayunman, sa buong kapanahonan, nagkaroon ng mga taong itinanggi ang pag-iral ng Diyos. Gayon pa man, karamihan ng sangkatauhan ay naniwala at patuloy na naniniwala sa pagkakaroon ng isang Makapangyarihang lumikha sa mundong ito na may layunin. Para sa kanila, ang pinaka-mahalaga pa rin ay ang malaman ang tungkol sa Maykapal at ang mga layunin kung bakit Niya nilikha ang tao.

Bilang bunga ng paghahanap ng mga kasagutan, ang iba't-ibang mga dalubhasa sa pilosopiya na nagmumuni-muni tungkol sa tanong na ito ay nagkakaroon ng hindi mabilang na mga sagot, kung saan ang lahat ay batay sa mga pagpapalagay lamang, na hindi maaaring mapatunayan. Marami ring mga taong nagsasabi at patuloy sa paniniwala na walang layunin ang pagkalikha ng mga tao. Ayon sa kanila, ang pag-iral ng tao ay isang produkto lamang ng pagkakataon. Dahil sa walang kaalaman sa mga layunin ng buhay, ang pag-iral ng tao ay nawawalan ng kahulugan at nasasayang lamang, at ang gantimpala ng isang buhay na walang hanggang kaligayahan sa hinaharap ay lubos na nawawasak. Samakatuwid, isang bagay na napaka-halaga para sa tao ang makahanap ng tamang kasagotan sa isang tanong: "Bakit nandito tayo?"

Tuesday, October 20, 2009

TFM Radio Kuwait, online na!!!!!


At last, ang matagal nating hinihintay ay nandito na, yes, mga bro and sis, nagsimula nang mag-test broadcast ang TFM-radio dito sa Kuwait. Hindi ko na habaan pa ang balita, kayo na ang bahalang maki-chikka, visit na sa http://www.tfm-radio.com
at simulan na ang mag-emote (mag-reminisce) sa inyong mga nakaraan. Sabi nga, music is the soundtract of our lives, kaya go mga kabayan, ikalat nyo sa buong mundo. Mabuhay ang tfm-radio.

Saturday, October 3, 2009

Mga Antas ng Hangarin


Nadiskubre ng mga may-alam na mayroong limang uri ng mga hangarin na nasa ating loob, na naisaayos sa pagkakasunod ng katindihan at kompleksidad, ayon sa mga antas ng kanilang pagsisibol.

Ang una at pinakabatayan, ay ang hangarin ng pagkain, kalusugan, seks, at pamilya. Ito ay kinakailangan para sa ating pamamalagi. Ang pangangailangan ng pagkain at seks ay inihayag na mga hangaring pangkatawan, at ito ay hangarin din ng mga hayop. Kahit ang tao ay nabuhay na mag-isa sa isang napakalayong isla, siya ay nangangailangan pa rin ng pagkain, kalusugan, at pagbigyang kasiyahan ang kanyang pangangailangang sekswal.

Ang pangalawa ay ang hangarin para sa kayamanan. Tayo ay nag-isip na ang pera ay makagarantiya upang tayo ay mananatiling nasa mabuting klase ng buhay. Ang pangatlo ay ang kagustuhan ng karangalan at lakas. Gusto nating kontrolin ang iba pati na rin ang ating mga sarili. Sa pang-apat na antas, ang hangarin ng karunungan. Iniisip natin na ang magkaroon ng karunungan ay makapagbigay sa atin ng kaligayahan. Ang kayamanan, karangalan, at lakas, ay tinatawag na mga hangaring makatao. Ang mga ito ay tumubo sa atin na kabahagi sa ating pakikihalubilo sa lipunang makatao, at binigyan natin ito ng kasiyahan sa pamamagitan ng ating pakikiugnayan sa ibang mga tao.

Ang panlimang antas, ay ang hangaring pang-ispirituwal. Dito naintindihan natin na mayroong mga bagay na mas mataas pa sa ating pananaw na siyang namahala sa ating mga buhay. Naunawaan din natin na sa mga bagay na ito tayo ay dapat makiugnay. Nang ang panlimang hangarin ay nagising, wala tayong alam kung paano ito pagbigyan ng katuparan. Ang hangaring ito ay tinawag na “tuldok sa puso,” kung saan ang layunin ay ang mas mataas pa sa kasalukuyang mundo na ating ginagalawan. Dito sa panghuling antas matutunghayan ng bawat isa ang nakawi-wiling estado ng pag-iral. Sapagkat habang umuusad ang antas ng ating pang-unawa, matutunghayan natin ang walang kataposang hangarin na marating ang susunod pang mas mataas pang antas ng pag-iral. Habang tayo ay nasa ganitong estado ng pamumuhay, ating mararanasan ang isang uri ng pamumuhay na puno ng walang katumbas na kaligayahan. Isang uri ng pag-iral na tanging ang nakakalam lamang nito ay yaong mga taong nakarating na sa antas na ito. May mga taong nakarating na sa panlimang antas. (uaya101@gmail.com)

Friday, October 2, 2009

Ang Kasiyahan


Lahat tayo ay gustong sumaya o tumanggap ng kasiyahan. Para sa isang tao, ang kasiyahan ay ang mga masasarap na pagkain, para sa iba, ang manalo sa larong chess, o ang pagkapanalo ng kanyang paboritong sport team. Nangarap ka minsan na sana ay manalo ng milyon-milyon sa lotto, samantalang ang iyong kaibigan ay masaya na kapag mabawasan man lamang ng konti ang kanyang timbang. Iba’t-ibang katayuan ng buhay, iba’t-ibang uri ng kaligayahan.

Mayroon lamang isang problema sa paksang “kasiyahan.“ Kung talagang usisahin natin ang ating mga buhay, ating madiskubre na walang ibang maiwan sa lahat ng mga bagay na ating ginawa at nakamtan maliban sa alaala. Tayo ay naghahabol ng mga kasiyahang dumadaan sa ating landas, subalit sa sandaling matamo na natin, ang mga ito ay naglalaho na parang bula.

Nang tayo ay nasa kindergarten, gusto nating palaging nananatili doon. Tayo ay nag-isip na ito ay masayang lugar, saan ang mga bata ay "nagkaroon ng kanilang malaking kaligayahan" at matuto ng bago at nakakagalak na mga bagay. Pero nang tayo ay nasa eskwela na, hindi tayo makapaghintay na makaabot na sa mataas na paaralan. Sa mataas na paaralan, ang pangarap ay ang kolehiyo, at sa kolehiyo, ay ang matagumpay na propesyon. Ang susunod na katayuan ay palaging mas mabuti sa ating tingin at mas lalong nakakaakit. Subalit ito ba ay talagang ganoon?

At mayroon pang ibang paksa: Nang makuha na natin ay ating gustong kunin, ang kasiyahang nadarama ay panandalian lamang. Gaya ng isang taong gala sa desyerto at uhaw na uhaw at naghahangad ng isang basong tubig. Nang makahanap na ng tubig, tayo ay galak na galak sa unang pagsipsip, subalit sa patuloy nating pag-inom, nababawasan ang ating kagalakan. Sa bandang huli, nalilimutan pati natin na tayo ay uhaw na uhaw. Sa madaling salita, sinasayang natin ang buong buhay sa paghahabol ng multo ng kasiyahan. At kahit na mahagilap natin ang multong iyon, nangangailangan lamang ng mahigit isang minuto para ito ay maglahong muli. (uaya101@gmail.com)

Thursday, October 1, 2009

Editoryal, Pag-usapan Po Natin!, October 2009 Issue




Tinanong ko ang karamihan sa mga tao kung ano ang nais nila sa buhay, at nakakuha ako ng parehong sagot, "Gusto kong maging masaya." Karamihan ay naniniwala na ang kaligayahan ay isang bagay na maaaring makamit at maangkin ng tuluyan. Inaasahan natin na darating ang panahon kung saan sa wakas tayo ay magiging masaya, ngunit hanggang sa ngayon ito pa rin ang patuloy nating inaasahan. Gusto nating makarating sa tuktok ng Gulong ng Buhay at manatili doon. Ang layunin ay nananatiling mailap. Ang "kaligayahan na walang hanggan" ay hindi kailanman matatagpuan sapagkat habang nandirito sa munso ay imposibleng makamtan ang kasayahan at manatiling masaya. Kung ang buhay ay batay sa pagkuha ng kaligayahan, tayo ay laging kakapusin dahil ang buhay ay laging nagbabago na parang gulong na umiikot.

Mas mainam pa ang maghanap na lamang ng "kagalakan." Ang kagalakan ay may kaugnayan sa kaligayahan, ngunit ito ay isang mas malalalim na karanasan. Sa paghahanap ng kaligayahan ang isang indibidwal ay nakatutok lamang sa kanyang sarili, ngunit inaalis ng kagalakan ang isang tao sa pagiging isang sakim at pagkaabala sa sarili lamang at nagbibigay ng daan para makialam sa kapakanan ng iba. Ang kagalakan ay isang karanasan na nagkokonekta sa atin doon sa mas mataas pa sa atin. Inilabas ng kagalakan ang ating mga sarili upang makikipag-ugnayan sa iba. Ang kagalakan ay maaaring magbigay-lakas sa atin mula sa una hanggang sa huling bahagi ng buhay. Kung handa tayong isuko ang paghahanap ng kaligayahan, maaari nating mahanap ang kagalakan. Sa Gulong ng Buhay ito ay umiiral na malapit sa gitna kung saan ang kaligayahan at paghihirap ay natutugunan at nakihalubilo.

Mayroon akong nabasa noon na ang salitang "kaligayahan" ay nagmula sa parehong ugat ng salitang "nangyayari" kaya inaakala ko na ang kaligayahan ay maaaring batay sa kung ano ang nangyayari. Kung masasayang mga bagay ay mangyayari, kasunod ay pagiging masaya. Subalit iba ang tinatawag na kagalakan.

Noong ako’y nasa kapanahonan pa ng pagiging desperado, isang kaibigan ang nagsabi sa akin na "ang kaligayahan ay isa sa mga bunga ng Espiritu, at ang sinuman na may “Banal na Espiritu” sa loob niya ay may kaligayahan. Dahil hindi ko nakita ang kaligayahan sa iyong buhay, dahil wala sa iyo ang Banal na Espiritu.”

Ang taong ito ay nalilito kung ano ang "saya" sa "ligaya", sapagkat ang dalawang ito ay may kaibahan. Totoong hindi ako masaya sa mga sandaling iyon ng aking buhay. Subalit ang kagalakan ay nandoon pa rin. May kagalakan sa kaalamang kahit anong mangyayari, kahit sa gitna ng kasuklam-suklam na kalagayan, alam ng Diyos ang lahat ng mga bagay-bagay at ako ay nabubuhay para sa kung ano ang mabuti. Kagalakan kahit sa gitna ng pighati sapagkat alam ko na kahit magpatuloy ang aking buhay sa ganoong kalagayan, hindi pa iyon ang "katapusan" ng kuwento.

Ako ay namumuhay na patuloy na tumatakbo sa aking kaisipan ang kasabihang, "hindi ko alam kung ano ang hinaharap, ngunit alam ko Sino ang humahawak ng hinaharap." Nais kong maging maligaya, sino ba ang ayaw? Subalit mas gugustohin ko sa halip ay ang kagalakan. Kagalakan na tumatagal kahit na sa gitna ng mga pagsubok ng buhay. Kagalakan na hindi nakasalalay sa mga pangyayari. Ang kagalakan ay lakas. Ang kagalakan ay walang hanggan. Kahit na ang aking puso ay dinudurog, kahit na ako’y mawalan ng pag-asa, at mga pangarap ko’y nabibigo, at alisan ng materyal na mga bagay-bagay, akin pa rin ang kagalakan. Maaring hindi palaging may ngiti sa aking pisngi, ngunit sa isang mas malalim na antas ng aking kaluluwa, may kagalakan sa aking puso. Hindi ang kaligayahan ng mga pangyayari.
Ngunit ang kagalakan sa mas mataas na antas ng kamalayan, ang kagalakan sa espiritu. Ito ang tinatawag na kagalakan sa Panginoon.

Ullessis Ahmad Yusuf Abaya

Wednesday, September 16, 2009

Ang Mayamang Negosyante na may Apat na Asawa



Noong unang panahon, mayroong isang mayamang negosyante na nagkaroon ng apat na mga asawa.

Mahal na mahal niya ang ika-4 niyang asawa. Binibigyan niya ng mga mamahaling kagamitan, masasarap na mga pagkain. Inaalagaan niya ito at wala siyang ibinigay dito maliban lamang sa kung ano ang pinakamahusay o pinaka-the best.
Mahal din niya ang kanyang pangatlong asawa. Proud na proud siya nito at lagi niya ito ipinakita at ipinagyayabang sa iba at sa kanyang mga kaibigan. Gayunman, takot siya na baka balang araw ang asawang ito ay tatakbo palayo at sasama sa ibang lalaki.

Iniibig din niya ang kanyang ikalawang asawa. Siya ay napaka-maalalahanin, pasensyosa at sa katunayan siya ang katiwala ng mayamang ito. Tuwing ang negosyante ay magkaroon ng mga problema, siya ay laging bukas sa kanyang pangalawang asawa at siya lagi ng tumutulong sa kanya na makaahon sa kanyang mga suliranin sa lahat ng panahon.

Ang unang asawa naman isang napaka-tapat at napakalaki ang kanyang kontribusyon sa pagpapanatili ng kanyang yaman at mga negosyo pati na rin ang pag-aalaga ng bahay. Gayunman, ang mayamang negosyante ay walang pag-ibig sa unang asawa at kahit na mahal na mahal siya kanyang unang asawa, hindi niya ito pinapansin o inaalagaan man lang.

Isang araw, nagkasakit ang mayamang negosyante. Nang nalaman niya na siya ay malapit ng mamatay, napag-isipan niya ang kanyang buhay na marangya at ang kanyang mga kayamanan at sinabi sa kanyang sarili, "Ngayon mayroon akong apat na mga asawa. Ngunit kung ako ay mamamatay, mag-iisa na lang ako. Napakalungkot sa aking libingan."
Kaya nagtanong siya sa ika-4 niyang asawa. "Minahal kita ng higit sa lahat. Binigay ko sa iyo ang pinaka-marangyang buhay, at inaalagaan kita. Ngayon ako ay mamamatay na, maaari bang sumunod ka sa akin sa libingan upang samahan mo ako
"Hindi pwedi!" sagot ng ika-4 na asawa sabay alis na wala ng pasabi.
Sa sagot ng ika-4 na asawa ay parang hiniwa ng matutulis na kutsilyo ang puso ng mayamang negosyante.

Pagkatapos tinanong niya ang pangngatlong asawa, " Minahal kita. Proud na proud ako sa iyo. Ngayong ako ay agaw-buhay na, ikaw ba ay susunod sa akin upang samahan ako sa aking libingan?"

"Hindi!" sumagot ang pangatlong asawa. "Ang buhay ay napaka-sarap dito sa mundo, at ako ay mag-aasawang muli kapag patay ka na!" Parang nawasak ang puso ng mayamang negosyante at siya ang nanglamig sa kanyang karirinig.

Pagkatapos nito ay nagtanong siya sa kanyang pangalawang asawa, "Ako ay laging nakabukas para sa iyo at sa iyo ako laging humihingi ng tulong at lagi mo akong tinutulungan sa aking mga problema. Ngayon, kailangan ko ang inyong tulong muli. Kung mamatay ako, ikaw ba ay susunod sa akin upang samahan ako sa aking libingan?"
"Ikinalulungkot ko, ngunit hindi kita matulungan sa oras na ito!" Sumagot ang pangalawang asawa. "Ang kaya ko lamang gawin ay ang paghatid sa iyo hanggang sa iyong libingan." Ang sagot na ito ay tulad ng isang kulog para sa mayamang negosyante at mas lalong siyang nalungkot.
Pagkatapos isang ang boses ang kanyang narinig: "Sasama ako sa iyo. Susundan kita kahit saan ka pupunta." Tumingin ang mayamang negosyante sa kanyang ulunan at doon nakita niya ang kanyang unang asawa. Payat na payat, katulad ng isang taong nagdusa mula sa malnutrisyon.
Labis na nalungkot, ang matandang negosyante ay nagsabi, "dapat ikaw pala ang mas inaalagaan ko noong kaya ko pa!" At ang matandang mayaman ay sising-sisi at naghihinayang hanggang sa kanyang huling hininga.

Lahat tayo ay mayroong apat sa asawa sa ating buhay.
Ang pang-4 na asawa ay ang ating mga katawan. Kahit anong pagsisikap natin upang ito ay magiging magmukhang maganda at mabuti, ito ay aalis sa atin kapag tayo ay mamatay.

Ang ating pangatlong asawa ay ang ating mga ari-arian, katungkulan at yaman. Kapag mamamatay tayo, lahat ng ito ay mapupunta sa iba.

Ang pangalawang asawa ay ang ating mga pamilya at mga kaibigan. Gaano man sila kalapit sa atin habang tayo ay nabubuhay, maaari silang manatili sa ating piling hanggang sa kung saan tayo ililibing.

Ngunit ang UNANG asawa ay sa katunayan ang ating kaluluwa, madalas nating napapabayaan dahil sa ating paghahanap ng mga materyal na kayamanan, katanyagan, katungkulan, at makamundong mga pagnanasa.

Ngunit tandaan natin, ito lamang ang tunay at bukod tanging susunod sa atin, saan man tayo pupunta.
Marahil ay isang magandang ideya na alagaan at palakasin natin ito ngayon, habang kaya pa natin, sa halip na maghintay tayo sa oras ng ating paghihingalo at dumadaing ng labis na panghihinayang.

Wednesday, September 2, 2009

Ang Katapatan


Ang katapatan at katotohanan kapag magkasama ay napakahusay. Ang katapatan ay katotohanan, at ang katotohanan ay katapatan. Maaaring hindi magiging dakila ang isang tao dahil lamang sa pagkakaroon ng katotohanan, ngunit ito ang pinaka mahalagang sangkap ng isang mahusay na katangian. Ito ay nagbibigay ng seguridad sa mga amo na umuupa sa isang tao, at pagtitiwala sa mga nasa ilalim ng kanyang pangangasiwa. Ang katotohanan ang pinakadiwa sa paninindigan, sa integridad, at pagsasarili, ang pangunahing pangangailangan ng bawat isa. Ang ganap na katapatan ay mas lalong kailangan sa ngayon kaysa sa kahit anong panahon sa ating kasaysayan.

Ang katapatan at ang integridad ay tinukoy bilang mga katangian na magbibigay-daan ng isang indibidwal na gawin ang tama ng madalas hangga't maaari, at kapag siya ay nakagawa ng isang pagkakamali inaamin niya ang kanyang kamalian. Ang ilang mga tao ay makatarungan ngunit hindi tapat, ang ilan naman ay tapat ngunit hindi makatarungan. May isang grupo ng mga piling tao na makatarungan at matapat ngunit karamihan sa mga taong ito ay hindi napapansin at walang kumakatawan.

Ang katapatan ay ang pagkapit sa katotohanan at kadalisayan. Ang taong matapat ay nagsasabi ng katotohanan, mapagkakatiwalaan, walang panlilinlang at totoo sa kanyang sarili. Ang katapatan ay ang paggawa ng tama na hindi hanggad ang pagkakaroon ng reputasyon, bayad, gantimpala o parangal. Ang katapatan ay ang pagtuklas kung ano ang katotohanan at nang ito ay matuklasan, pagtitibayin at panatilihin niya ito. Ang katapatan ay hindi lamang yaong pangkaraniwang iniisip ng mga tao, tulad ng hindi pagnanakaw, hindi pagsisinungaling, walang panlilinlang o pandaraya. Ang katapatan ay higit pa sa mga ito.

Tuesday, September 1, 2009

EDITORYAL, Pag-usapan Po Natin! Sep 2009 Issue



Ang katapatan ang pinakamahusay na patakaran, ito ay laging marinig natin mula sa ating mga nakakatanda. Ang katapatan ay ang katumbas sa pagsasalita ng katotohanan at ang paglikha ng tiwala sa isipan ng iba. Kabilang dito ang lahat ng uri ng komunikasyon, mapa-berbal man o hindi. Ang katapatan ay nagpapahiwatig ng walang panlilinlang. Ang isang pahayag ay maaaring totoo ngunit hindi pa rin tapat kung ang intensyon nito ay upang dayain ang mga nakikinig. Ganon din, ang isang kasinungalingan ay maaaring masabi na may katapatan kung ang nagsasalita nito ay talagang paniwalang-paniwala na ito ay totoo.

Ang katapatan ay kadalasang itinuturing na isang mahusay na pag-uugali. Ito ay may malakas at positibong katayuan sa halos lahat ng sitwasyon. Ang katapatan ay nagpapadali sa mga komunikasyon at palitan ng impormasyon, sapagkat ang tapat na mga mamamahayag ay agad pinagkakatiwalaan. Dagdag dito, ang katapatan ay tumutulong sa pagbuo ng buklod ng tiwala sa pantaong mga relasyon. Sa kabaligtaran, ang pagsisinungaling ay isang pag-uugaling ginagawa na may layuning palilinlang. Ang pagsisinungaling, bagaman ito ay karaniwan, ay inaayawan kahit ng taong sinungaling. Iginigiit niya na siya ay nagsasalita ng katotohanan, sapagkat alam niya na ang katotohanan ay iginagalang sa lahat ng dako, habang ang pagsisinungaling ay inaayawan kahit saan. Ang pagsisinungaling ay hindi lamang ang pagka-walang katapatan, ngunit ito rin ay tanda ng pagiging duwag. Ang pinaka-grabe sa mga taong sinungaling ay yaong isinasantabi ang katotohanan. Wala silang lakas ng loob upang sabihin ang tama, bagkos naglilibot at ikinakalat ang mga kung anu-anong hindi tunay at hindi totoo. Ang isang kasinungalingan na may halong totoo ang pinakamasama sa lahat ng pagsisinungaling

Sa pangkalahatan, ang katapatan ay itinuturing na magandang asal at ang pagsisinungaling ay hindi.

Ullessis Ahmad Yusuf Abaya

Friday, August 21, 2009

Bakit ang pag-aayuno’y natatanging ipinag-uutos sa buwan ng Ramadan para sa mga Muslim?



Ang buwan ng Ramadan ang ika-9 na buwan sa kalendaryong Islamikong lunar. Dahilan
sa isang taong lunar ay halos isang linggo at kalahating mas maiksi kaysa taong solar, ang buwan ng Ramadan ay umiikot pabalik sa loob ng mga panahon. Ito’y banal na
buwan dahilan sa itinadhana ng Panginoon ito sa pagpahayag ng mga banal na kasulatan. Inuulit ng Imam Ja’far as-Sadiq ang Banal na Propeta, sumakanya nawa at ng
kanyang pamilya ang kapayapaan, na nagsasabing:
“Ang mga aklat ni Abraham ay ipinahayag sa unang gabi ng buwan ng Ramadan; ang
Torah ay ipinahayag sa ika-6 ng buwan ng Ramadan; ang Ebanghelyo ay ipinahayag sa
ika-13 ng buwan ng Ramadan... at ang Banal na Qur’an sa ika-23 ng buwan ng
Ramadan.”
Itinuring ding sagrado dahilan sa ito’y naglalaman ng Gabi ng Kamaharlikaan (Laylatul
Qadr). Ang “qadr” ay nangangahulugan nang literal ng destino, at sa gabing ito
itinatakda ng Panginoon ang bawat pangyayaring magaganap sa susunod na taon sa
bawat at lahat ng Kanyang nilalang. Ipinaalam ng Imam Ja-far as-Sadiq sa atin na:
“Sa Laylatul Qadr ang lahat ng mga anghel, ang espiritu, at mga pinagkakatiwalaang
iskribyente ay nananaog sa mas mababang mga langit at isinusulat ang anumang
itinatakda ng Panginoon sa naturang taon, at kung ninanais ng Panginoong paagahin
ang isang bagay o ipagpaliban ito o daragdagan ito, inuutusan Niya ang anghel na
burahin ito at papalitan ng anumang itatakda ng Panginoon.”
Ang Banal na Propeta ng Islam, sumakanya nawa at ng kanyang pamilya ang
kapayapaan, ay nagsasabi sa atin hinggil sa mga malalaking biyaya ng buwan ng
Ramadan:
“[Ang buwan ng Ramadan ay] umaapaw ng mga kabutihan, mahabagin, handang
iharap ang iyong mga kasalanang pagkaligta at paggawa sa Panginoon upang
makatamo ng Kanyang kapatawaran. Ang mga araw, gabi at oras nito, sa paningin ng
Panginoon, ay mas hirang, dalisay at mahalaga kaysa mga araw, gabi at oras ng ibang
mga buwan. Nahihigtan nito ang ibang mga buwan sa mga biyaya at pabor… Kaya,
taimtim, ligtas sa mga masama at makasalanang pag-iisip, at may malinis na
konsensiya na magdasal at hilinging sana’y bigyan ka ng Panginoon ng puso at lakasloob
na mag-ayuno… sa loob ng buwang ito…”