Monday, May 4, 2009

Bakit Mayroong Kahirapan?


Ayon sa isang online report ng Journal.com, nakakatakot ang prediksiyon ng International Labor Organization (ILO). Aabot daw sa 113 milyon ang mawawalan ng trabaho sa Asya sa taong ito at kabilang sa grabeng maaapektuhan ay ang Pilipinas. Ayon sa ILO, ito ay mahigit sa 22.3 milyon noong 2008 na bunga ng tinatawag na global economic crisis na dikuno’y patuloy na lulubha ngayon taong ito at aabot hanggang sa 2010. Bunga ng umiiral na problema, ang mga bansang tulad ng Malaysia, Thailand at South Korea ay huminto na sa pagbibigay ng working permit sa mga dayuhang manggagawa tulad ng mga Pinoy. Bakit nga naman aagawan ng hanapbuhay ang kanilang sariling mamamayan? Maging ang mayayaman na bansa tulad ng Estados Unidos, Middle East at iba pang bansa sa Europa ay nagsimula na ring maghigpit sa pagpasok ng mga dayuhang manggagawa. Ang ibig sabihin nito, mabilis na kumikipot ang mundo ng mga manggagawang dayuhan kabilang na rito ang sandamakmak na OFWs. Gaya ng alam ng lahat at maging ng buong mundo, ang OFWs ang siyang pangunahing export ng ‘Pinas kaya napapakilos pa ang operasyon ng gobyerno. Bakit umaabot pa tayo sa ganito? Bakit karamihan sa atin ay kailangan pang dumaranas ng kahirapan? Ang hirap at pasakit ba ay kakambal na sa ating buhay?

Ang lahat ng bagay na umiiral dito sa mundo, lalo na ang mga negatibong mga bagay, ay kinakailangan hanggang maituwid natin ang ating mga sarili. Ang isang tao ay uusad lamang ng pasulong kapag siya ay nakaramdam ng pangangailangang iwanan ang kanyang kasalukuyang kalagayan, dahil masama ang kanyang naramdaman dito. Ang kahirapan ay nagbibigay sa atin ng pagkakataong matoto upang maging bihasa sa iba’t-ibang antas ng ating pamumuhay at gumawa ng mga hakbang upang hindi na muli danasin pa ang mga di kanais-nais. Sinasanay nito ang ating mga sarili upang makita ang mga layuning nasa hinaharap ng mas maaga, at ang magiging bunga nito. Ang sama-samang paghihirap ay maaaring magbubunga ng sama-samang paghahanap ng solusyon at magbibigay daan upang tayo ay magkakaisa. Sa kasong ito, ang isang tao ay uusad papunta sa kanyang mga layunin at nanaisin niya ang mga ito ng taos-puso, at gumagalaw siya ng pasulong, sa halip na hayaang ang kahirapan ang magtulak sa kanya papunta dito. Samakatuwid ang kahirapan ay mayroong kadahilanan. Sisiguradohin lang natin na ang paghihirap at ang aral nito ay lubos na naunawaan upang tuluyan nang maiwasan ang paghihirap muli. (UAYA)

No comments:

Post a Comment