Wednesday, September 16, 2009

Ang Mayamang Negosyante na may Apat na Asawa



Noong unang panahon, mayroong isang mayamang negosyante na nagkaroon ng apat na mga asawa.

Mahal na mahal niya ang ika-4 niyang asawa. Binibigyan niya ng mga mamahaling kagamitan, masasarap na mga pagkain. Inaalagaan niya ito at wala siyang ibinigay dito maliban lamang sa kung ano ang pinakamahusay o pinaka-the best.
Mahal din niya ang kanyang pangatlong asawa. Proud na proud siya nito at lagi niya ito ipinakita at ipinagyayabang sa iba at sa kanyang mga kaibigan. Gayunman, takot siya na baka balang araw ang asawang ito ay tatakbo palayo at sasama sa ibang lalaki.

Iniibig din niya ang kanyang ikalawang asawa. Siya ay napaka-maalalahanin, pasensyosa at sa katunayan siya ang katiwala ng mayamang ito. Tuwing ang negosyante ay magkaroon ng mga problema, siya ay laging bukas sa kanyang pangalawang asawa at siya lagi ng tumutulong sa kanya na makaahon sa kanyang mga suliranin sa lahat ng panahon.

Ang unang asawa naman isang napaka-tapat at napakalaki ang kanyang kontribusyon sa pagpapanatili ng kanyang yaman at mga negosyo pati na rin ang pag-aalaga ng bahay. Gayunman, ang mayamang negosyante ay walang pag-ibig sa unang asawa at kahit na mahal na mahal siya kanyang unang asawa, hindi niya ito pinapansin o inaalagaan man lang.

Isang araw, nagkasakit ang mayamang negosyante. Nang nalaman niya na siya ay malapit ng mamatay, napag-isipan niya ang kanyang buhay na marangya at ang kanyang mga kayamanan at sinabi sa kanyang sarili, "Ngayon mayroon akong apat na mga asawa. Ngunit kung ako ay mamamatay, mag-iisa na lang ako. Napakalungkot sa aking libingan."
Kaya nagtanong siya sa ika-4 niyang asawa. "Minahal kita ng higit sa lahat. Binigay ko sa iyo ang pinaka-marangyang buhay, at inaalagaan kita. Ngayon ako ay mamamatay na, maaari bang sumunod ka sa akin sa libingan upang samahan mo ako
"Hindi pwedi!" sagot ng ika-4 na asawa sabay alis na wala ng pasabi.
Sa sagot ng ika-4 na asawa ay parang hiniwa ng matutulis na kutsilyo ang puso ng mayamang negosyante.

Pagkatapos tinanong niya ang pangngatlong asawa, " Minahal kita. Proud na proud ako sa iyo. Ngayong ako ay agaw-buhay na, ikaw ba ay susunod sa akin upang samahan ako sa aking libingan?"

"Hindi!" sumagot ang pangatlong asawa. "Ang buhay ay napaka-sarap dito sa mundo, at ako ay mag-aasawang muli kapag patay ka na!" Parang nawasak ang puso ng mayamang negosyante at siya ang nanglamig sa kanyang karirinig.

Pagkatapos nito ay nagtanong siya sa kanyang pangalawang asawa, "Ako ay laging nakabukas para sa iyo at sa iyo ako laging humihingi ng tulong at lagi mo akong tinutulungan sa aking mga problema. Ngayon, kailangan ko ang inyong tulong muli. Kung mamatay ako, ikaw ba ay susunod sa akin upang samahan ako sa aking libingan?"
"Ikinalulungkot ko, ngunit hindi kita matulungan sa oras na ito!" Sumagot ang pangalawang asawa. "Ang kaya ko lamang gawin ay ang paghatid sa iyo hanggang sa iyong libingan." Ang sagot na ito ay tulad ng isang kulog para sa mayamang negosyante at mas lalong siyang nalungkot.
Pagkatapos isang ang boses ang kanyang narinig: "Sasama ako sa iyo. Susundan kita kahit saan ka pupunta." Tumingin ang mayamang negosyante sa kanyang ulunan at doon nakita niya ang kanyang unang asawa. Payat na payat, katulad ng isang taong nagdusa mula sa malnutrisyon.
Labis na nalungkot, ang matandang negosyante ay nagsabi, "dapat ikaw pala ang mas inaalagaan ko noong kaya ko pa!" At ang matandang mayaman ay sising-sisi at naghihinayang hanggang sa kanyang huling hininga.

Lahat tayo ay mayroong apat sa asawa sa ating buhay.
Ang pang-4 na asawa ay ang ating mga katawan. Kahit anong pagsisikap natin upang ito ay magiging magmukhang maganda at mabuti, ito ay aalis sa atin kapag tayo ay mamatay.

Ang ating pangatlong asawa ay ang ating mga ari-arian, katungkulan at yaman. Kapag mamamatay tayo, lahat ng ito ay mapupunta sa iba.

Ang pangalawang asawa ay ang ating mga pamilya at mga kaibigan. Gaano man sila kalapit sa atin habang tayo ay nabubuhay, maaari silang manatili sa ating piling hanggang sa kung saan tayo ililibing.

Ngunit ang UNANG asawa ay sa katunayan ang ating kaluluwa, madalas nating napapabayaan dahil sa ating paghahanap ng mga materyal na kayamanan, katanyagan, katungkulan, at makamundong mga pagnanasa.

Ngunit tandaan natin, ito lamang ang tunay at bukod tanging susunod sa atin, saan man tayo pupunta.
Marahil ay isang magandang ideya na alagaan at palakasin natin ito ngayon, habang kaya pa natin, sa halip na maghintay tayo sa oras ng ating paghihingalo at dumadaing ng labis na panghihinayang.

Wednesday, September 2, 2009

Ang Katapatan


Ang katapatan at katotohanan kapag magkasama ay napakahusay. Ang katapatan ay katotohanan, at ang katotohanan ay katapatan. Maaaring hindi magiging dakila ang isang tao dahil lamang sa pagkakaroon ng katotohanan, ngunit ito ang pinaka mahalagang sangkap ng isang mahusay na katangian. Ito ay nagbibigay ng seguridad sa mga amo na umuupa sa isang tao, at pagtitiwala sa mga nasa ilalim ng kanyang pangangasiwa. Ang katotohanan ang pinakadiwa sa paninindigan, sa integridad, at pagsasarili, ang pangunahing pangangailangan ng bawat isa. Ang ganap na katapatan ay mas lalong kailangan sa ngayon kaysa sa kahit anong panahon sa ating kasaysayan.

Ang katapatan at ang integridad ay tinukoy bilang mga katangian na magbibigay-daan ng isang indibidwal na gawin ang tama ng madalas hangga't maaari, at kapag siya ay nakagawa ng isang pagkakamali inaamin niya ang kanyang kamalian. Ang ilang mga tao ay makatarungan ngunit hindi tapat, ang ilan naman ay tapat ngunit hindi makatarungan. May isang grupo ng mga piling tao na makatarungan at matapat ngunit karamihan sa mga taong ito ay hindi napapansin at walang kumakatawan.

Ang katapatan ay ang pagkapit sa katotohanan at kadalisayan. Ang taong matapat ay nagsasabi ng katotohanan, mapagkakatiwalaan, walang panlilinlang at totoo sa kanyang sarili. Ang katapatan ay ang paggawa ng tama na hindi hanggad ang pagkakaroon ng reputasyon, bayad, gantimpala o parangal. Ang katapatan ay ang pagtuklas kung ano ang katotohanan at nang ito ay matuklasan, pagtitibayin at panatilihin niya ito. Ang katapatan ay hindi lamang yaong pangkaraniwang iniisip ng mga tao, tulad ng hindi pagnanakaw, hindi pagsisinungaling, walang panlilinlang o pandaraya. Ang katapatan ay higit pa sa mga ito.

Tuesday, September 1, 2009

EDITORYAL, Pag-usapan Po Natin! Sep 2009 Issue



Ang katapatan ang pinakamahusay na patakaran, ito ay laging marinig natin mula sa ating mga nakakatanda. Ang katapatan ay ang katumbas sa pagsasalita ng katotohanan at ang paglikha ng tiwala sa isipan ng iba. Kabilang dito ang lahat ng uri ng komunikasyon, mapa-berbal man o hindi. Ang katapatan ay nagpapahiwatig ng walang panlilinlang. Ang isang pahayag ay maaaring totoo ngunit hindi pa rin tapat kung ang intensyon nito ay upang dayain ang mga nakikinig. Ganon din, ang isang kasinungalingan ay maaaring masabi na may katapatan kung ang nagsasalita nito ay talagang paniwalang-paniwala na ito ay totoo.

Ang katapatan ay kadalasang itinuturing na isang mahusay na pag-uugali. Ito ay may malakas at positibong katayuan sa halos lahat ng sitwasyon. Ang katapatan ay nagpapadali sa mga komunikasyon at palitan ng impormasyon, sapagkat ang tapat na mga mamamahayag ay agad pinagkakatiwalaan. Dagdag dito, ang katapatan ay tumutulong sa pagbuo ng buklod ng tiwala sa pantaong mga relasyon. Sa kabaligtaran, ang pagsisinungaling ay isang pag-uugaling ginagawa na may layuning palilinlang. Ang pagsisinungaling, bagaman ito ay karaniwan, ay inaayawan kahit ng taong sinungaling. Iginigiit niya na siya ay nagsasalita ng katotohanan, sapagkat alam niya na ang katotohanan ay iginagalang sa lahat ng dako, habang ang pagsisinungaling ay inaayawan kahit saan. Ang pagsisinungaling ay hindi lamang ang pagka-walang katapatan, ngunit ito rin ay tanda ng pagiging duwag. Ang pinaka-grabe sa mga taong sinungaling ay yaong isinasantabi ang katotohanan. Wala silang lakas ng loob upang sabihin ang tama, bagkos naglilibot at ikinakalat ang mga kung anu-anong hindi tunay at hindi totoo. Ang isang kasinungalingan na may halong totoo ang pinakamasama sa lahat ng pagsisinungaling

Sa pangkalahatan, ang katapatan ay itinuturing na magandang asal at ang pagsisinungaling ay hindi.

Ullessis Ahmad Yusuf Abaya